Ang Bumalik na Mga Salita ng Panginoong Jesus|Tatlong Paalaala
Bilang isang nananampalataya sa Diyos, dapat kang maging tapat sa Kanya lamang sa lahat ng mga bagay at makayang umayon sa Kanyang kalooban sa lahat ng mga bagay. Gayunman, kahit naiintindihan ng lahat ang doktrinang ito, ang mga katotohanang ito na pinaka-kitang-kita at pangunahin, sa ganang sa tao, ay hindi lubusang nakikita sa kanya, salamat sa kanyang iba’t ibang mga paghihirap, gaya ng kamangmangan, pagiging-katawa-tawa, at katiwalian.
Samakatuwid, bago pagpasyahan ang inyong katapusan, kailangan munang sabihin Ko sa inyo ang ilang bagay, na sukdulang napakahalaga para sa inyo. Bago Ako magpatuloy, kailangang maintindihan ninyo muna ang mga ito: Ang mga salitang sinasabi Ko ay ang mga katotohanang nakatuon sa buong sangkatauhan, at hindi ipinatutungkol lamang sa partikular na tao o klase ng tao. Samakatuwid, dapat ninyong pagtuunan ng pansin ang pagtanggap sa Aking mga salita mula sa pananaw ng katotohanan, gayundin ay panatilihin ang saloobin ng di-nahahating atensyon at katapatan. Huwag balewalain ang isa mang salita o katotohanang Aking sinasabi, at huwag hamakin ang Aking mga salita. Sa inyong mga buhay nakikita Kong karamihan sa inyong mga ginagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan, kaya’t madalian Kong hinihingi na kayo ay maging mga tagapaglingkod ng katotohanan at huwag maging alipin ng kasamaan at kapangitan. Huwag yurakan ang katotohanan o dungisan ang alinmang sulok ng tahanan ng Diyos. Ito ang Aking paalaala sa inyo. Ngayon sisimulan Ko nang magsalita tungkol sa paksang dapat talakayin:
Una, para sa kapakanan ng inyong kapalaran, kailangan ninyong hanapin na kayo ay masang-ayunan ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyo na kayo ay kabilang sa tahanan ng Diyos, kayo kung gayon ay dapat magsanhi ng kapayapaan ng isipan ng Diyos at bigyang-kasiyahan Siya sa lahat ng bagay. Sa ibang salita, dapat may-prinsipyo kayo sa inyong mga pagkilos at naaayon sa katotohanang nasa mga iyon. Kung hindi ito abot ng iyong kakayahan, kung gayon ay kamumuhian ka at tatanggihan ng Diyos at hahamakin ng bawa’t tao. Sa sandaling nahulog ka sa ganoong kahirap na kalagayan, hindi ka na kung gayon naibibilang na kasama sa tahanan ng Diyos. Ito ang kahulugan ng hindi sinasang-ayunan ng Diyos.
Pangalawa, kailangan ninyong malaman na gusto ng Diyos ang matapat na tao. Ang Diyos ay may substansya ng katapatan, kaya’t ang Kanyang salita ay palaging napapagkatiwalaan. Higit pa, ang Kanyang mga pagkilos ay walang-kapintasan at hindi-mapag-aalinlanganan. Ito ang dahilan kung bakit gusto ng Diyos yaong mga lubos na matapat sa Kanya. Ang ibig sabihin ng katapatan ay ang ibigay ang inyong puso sa Diyos; huwag kailanman maging bulaan sa Kanya sa anumang bagay; maging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi kailanman nagtatago ng katotohanan; huwag kailanman gawin yaong nanlilinlang sa mga nakatataas at nagliligaw sa mga nasa ibaba; at huwag kailanman gawin yaong pagmamagaling lamang ng iyong sarili sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay ang pag-iwas sa karumihan sa mga kilos at salita, at hindi manlinlang ng Diyos o tao. Ang sinasabi Ko ay napakasimple nguni’t para sa inyo ito’y dobleng pahirap. Karamihan ay mas nanaising maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang buong katapatan. Hindi nga kataka-taka na may iba Akong pagtrato na nakalaan para sa mga di-matapat. Sabihin pa, naiintindihan Ko nang maigi ang malaking paghihirap na hinaharap ninyo sa pagsusumikap na maging isang matapat na tao. Kayong lahat ay masyadong matatalino at bihasang sumukat ng isang maginoo gamit ang inyong sariling kapos na panukat; yamang ganito, mas napapadali ang Aking gawain. At yamang ang bawa’t isa sa inyo ay nagtatago ng inyong mga lihim sa inyong mga puso, mabuti kung gayon, ipadadala Ko kayo, isa-isa, tungo sa sakúnâ upang sumailalim sa isang “pagsubok” sa pamamagitan ng apoy, upang pagkatapos nito kayo ay maaaring maging lubos na nakalaan sa paniniwala sa Aking mga salita. Sa huli, aagawin Ko mula sa inyong mga bibig ang mga salitang “Ang Diyos ay Diyos ng katapatan,” kung saan inyong dadagukan ang inyong mga dibdib at mananaghoy na “walang-direksyon ang puso ng tao.” Ano ang inyong magiging katayuan ng isipan sa sangandaang ito? Pakiwari Ko’y hindi kayo masyadong madadala ng pagpapahalaga-sa-sarili kagaya ng kung ano kayo ngayon. At lalong hindi kayo magiging “lubhang napakalalim upang maarok” kagaya ng kung ano kayo ngayon. Ang iba ay matino at maayos kung kumilos at tila lalong “pinong kumilos” sa presensiya ng Diyos, nguni’t nagiging suwail at lubusang nawawalan ng pagpipigil sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganoong tao sa hanay ng mga matapat? Kung ikaw ay isang ipokrito at isa na bihasang makipagsosyalan, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay tiyak na isa na nagwawalang-bahala sa Diyos. Kung ang iyong mga salita ay puno ng mga pagdadahilan at walang-kabuluhang mga pangangatwiran, kung gayon sinasabi Ko na ikaw ay isa na lubhang nasusuklam na magsagawa ng katotohanan. Kung marami kang mga ipinagkakatiwala na atubili kang ibahagi, at kung ayaw na ayaw mong ilantad ang iyong mga lihim—ibig sabihin, ang iyong mga paghihirap—sa harap ng iba upang sa gayon ay hanapin ang daan ng liwanag, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isa na hindi madaling makakatanggap ng kaligtasan at hindi kaagad makakaahon mula sa kadiliman. Kung ang paghahanap sa daan ng katotohanan ay nakalulugod sa iyo nang mabuti, kung gayon, ikaw ay isa na laging nananahan sa liwanag. Kung galak na galak kang maging isang taga-serbisyo sa tahanan ng Diyos, masipag at matapat na gumagawa nang nakakubli, laging nagbibigay at hindi kailanman tumatanggap, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isang tapat na banal, sapagka’t hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagiging isang matapat na tao lamang. Kung handa kang maging lantad, kung handa kang gugulin ang iyong lahat-lahat, kung kaya mong isakripisyo ang iyong buhay para sa Diyos at tumayong saksi, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumukuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa iyong kalooban, kung ikaw ay may talâ ng pagdurusa para sa Diyos, at kung nakakapagpasakop ka na nang ganap sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, kung gayon nananatili sa iyong kalooban ang pagiging-suwail, panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil ang iyong puso ay malayo sa katapatan, hindi ka kailanman nakakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman nakakapamuhay sa liwanag. Kung ano ang magiging kapalaran ng isa sa katapusan ay nakabatay sa kung siya ay may pusong matapat at simpula ng dugo, at kung siya ay may dalisay na kaluluwa. Kung ikaw ay isa na sobrang hindi-matapat, isa na may pusong naghahangad-ng-masama, at isa na may maruming kaluluwa, kung gayon ang talâ ng iyong tadhana ay tiyak na nasa lugar kung saan ang tao ay pinarurusahan. Kung inaangkin mo na ikaw ay napaka-tapat, nguni’t hindi kailanman nakakakilos alinsunod sa katotohanan o nagsasabi ng salita ng katotohanan, kung gayon naghihintay ka pa rin ba na gagantimpalaan ka ng Diyos? Inaasahan mo pa rin ba na ituturing ka ng Diyos na katangi-tangi sa Kanyang mata? Hindi ba’t ang pag-iisip na ito ay walang katuturan? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay, kaya paanong natatanggap ng tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?
Ang pangatlong bagay na nais Kong sabihin sa inyo ay ito: Ang bawa’t tao, sa landasin ng kanyang buhay-pananampalataya sa Diyos, ay nakikipaglaban at nalilinlang ang Diyos sa ilang mga punto. Ang ilang masasamang gawa ay hindi kailangang italâ bilang pagkakasala, nguni’t ang ilan ay walang-kapatawaran; sapagka’t maraming mga gawa ang lumalabag sa administratibong mga kautusan, ibig sabihin, nagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ay maaaring magtanong kung ano ang mga gawang ito. Dapat ninyong malaman na kayo ay likas na mayabang at mapagmataas, at ayaw magpasakop sa mga katunayan. Dahil dito, sasabihin Ko sa inyo maya-maya matapos ninyong pagnilay-nilayan ang inyong mga sarili. Hinihikayat Ko kayong unawain nang mas mabuti ang nilalaman ng administratibong mga kautusan at pagsikapang alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang inyong mga labi at ang inyong mga dila mula sa malayang pagdaldal ng mapagmalaking pananalita, at walang kamalay-malay na masasaktan ninyo ang disposisyon ng Diyos at mahuhulog tungo sa kadiliman, nawawalay sa presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagka’t kayo ay walang-prinsipyo sa inyong mga pagkilos. Kung iyong ginagawa o sinasabi ang hindi nararapat, kung gayon ikaw ay tatanggap ng karampatang kagantihan. Dapat malaman mo na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, ang Diyos ay lubhang may-prinsipyo sa dalawang ito. Ang dahilan kaya tumatanggap ka ng kagantihan ay dahil nasasaktan mo ang Diyos, hindi isang tao. Kung, sa iyong buhay, marami ang iyong mga paglabag sa disposisyon ng Diyos, mahahantong ka kung gayon sa pagiging anak ng impiyerno. Para sa tao ito ay maaaring lumitaw na nakagawa ka lamang ng iilang mga gawa na hindi naaayon sa katotohanan, at wala nang iba. Alam mo ba, gayunpaman, na sa mga mata ng Diyos, ikaw ay kabilang na sa mga wala nang paghahandog para sa kasalanan? Dahil nagkakasala ka laban sa administratibong mga kautusan ng Diyos nang higit sa isang beses at bukod dito ay walang naipapakitang tanda ng pagsisisi, samakatuwid wala kang pagpipilian kundi ang mahulog sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. May maliit na bilang ng mga tao, noong sumusunod pa sila sa Diyos, na nakagawa ng mga paglabag sa mga panuntunan, nguni’t matapos silang mapakitunguhan at magabayan, unti-unti nilang natuklasan ang kanilang sariling katiwalian, at matapos iyon ay pumasok sa tamang landas ng realidad, at sila ay nananatiling matatag ang pundasyon hanggang sa ngayon. Ang ganitong mga tao ang siyang mananatili hanggang sa katapusan. Nguni’t ang matapat ang siya Kong hinahanap; kung ikaw ay matapat na tao at isa na kumikilos ayon sa prinsipyo, kung gayon ikaw ay pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa iyong mga ikinikilos ay hindi mo nilalabag ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap ang kalooban ng Diyos at may pusong gumagalang sa Diyos, kung gayon ang iyong pananampalataya ay umaabot sa pamantayan. Sinumang hindi gumagalang sa Diyos at hindi nagtataglay ng pusong nanginginig sa takot ay madaling magkakasala laban sa administratibong mga kautusan ng Diyos. Marami ang naglilingkod sa Diyos dahil sa simbuyo ng kanilang damdamin, nguni’t walang pagkaunawa sa administratibong mga kautusan ng Diyos, lalo pa ang magkaroon ng anumang hiwatig tungkol sa mga implikasyon ng Kanyang mga salita. At kaya, sa kabila ng kanilang mabuting mga intensyon, madalas silang nagtatapos sa paggawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa malalang mga katayuan, sila ay napapalayas, naaalisan ng anumang pagkakataong sumunod pa sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at natatapos ang lahat ng kinalaman sa tahanan ng Diyos. Ang mga taong ito ay gumagawa sa tahanan ng Diyos batay sa kanilang ignorante at mabuting mga intensyon, at nauuwi sa pagkapukaw ng galit ng disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao ang kanilang paraan ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon sa tahanan ng Diyos at sinusubukang gamitin ang mga ito, may pagmamalaking inaakala na ang mga iyon ay napakagaang gamitin dito. Hindi nila naisip kailanman na ang disposisyon ng Diyos ay hindi yaong sa tupa kundi yaong sa leon. Samakatuwid, yaong mga nakikisama sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipagtalastasan sa Kanya, sapagka’t ang puso ng Diyos ay hindi tulad ng sa tao. Tanging pagkatapos mong nauunawaan ang maraming katotohanan, saka mo lamang patuloy na nakikilala ang Diyos. Ang kaalaman na ito ay hindi binubuo ng mga parirala o mga doktrina, kundi nagagamit bilang kayamanan kung saan sa pamamagitan nito ikaw ay pumapasok tungo sa malápít na ugnayan sa Diyos at bilang katibayan na nalulugod Siya sa iyo. Kung ikaw ay walang realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, kung gayon ang iyong madamdaming serbisyo ay nagdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos. Sa ngayon ay dapat natutuklasan mo na na ang paniniwala sa Diyos ay hindi simpleng pag-aaral ng teolohiya!
Bagama’t ang mga salitang ginagamit Ko sa pagsasabi sa inyo ay maikli, ang lahat ng mga nailalarawan Ko ang siyang kulang na kulang sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang Aking mga sinasabi ngayon ay para sa kapakanan ng Aking huling gawain sa gitna ng tao, upang alamin ang pagtatapusan ng tao. Hindi Ko ninanais na gumawa pa ng higit na gawain na wala namang layunin, ni ninanais Ko na magpatuloy sa paggabay sa mga taong yaon na walang-pag-asa gaya ng nabubulok na kahoy, at lalong hindi ang magpatuloy sa pangunguna sa mga yaon na palihim na nagkikimkim ng masasamang intensyon. Marahil isang araw ay mauunawaan ninyo ang taimtim na mga hangarin sa likod ng Aking mga salita at ang mga naiaambag Ko para sa sangkatauhan. Marahil mahahawakan ninyo isang araw ang isang prinsipyong nagbibigay sa inyo ng kakayahan na pagpasyahan ang inyong sariling katapusan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento