1. Ipinangako ng Diyos na Bigyan ng Anak na Lalaki si Abraham
(Gen 17:15-17) At sinabi ng Diyos kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag mo nang tatawagin ang kanyang pangalang Sarai, kundi Sara ang kanyang magiging pangalan. At akin siyang pagpapalain, at saka bibigyan kita ng anak na lalaki sa kanya: oo, akin siyang pagpapalain, at magiging ina siya ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya. Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at natawa, at nasabi sa kanyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taong gulang na? at manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?
(Gen 17:21-22) “Nguni’t ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac, na iaanak sa iyo ni Sara, sa takdang panahon, sa darating na taon. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, nilisan ng Diyos si Abraham.”
2. Isinakripisyo ni Abraham si Isaac
(Gen 22:2-3) At kanyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. At maagang gumising si Abraham kinabukasan, at inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga batang lalaking alipin, at si Isaac na kanyang anak, at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.
(Gen 22:9-10) At dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at ginapos si Isaac na kanyang anak, at inihiga sa dambana sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kanyang kamay, at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak.
Walang Makapipigil sa Gawaing Pinagpapasiyahang Gawin ng Diyos
Katatapos lamang ninyong marinig ang kuwento ni Abraham. Siya ay pinili ng Diyos pagkatapos wasakin ng baha ang mundo, ang kanyang pangalan ay Abraham, at nang siya ay isang daang taong gulang na, at ang kanyang asawang si Sara ay siyamnapu, ang pangako ng Diyos ay dumating sa kanya. Ano ang ipinangako ng Diyos sa kanya? Ang tinukoy sa Banal na Kasulatan ang ipinangako ng Diyos: “At akin siyang pagpapalain, at saka bibigyan kita ng anak na lalaki sa kanya.” Ano ang pinagbabatayan sa pangako ng Diyos na bigyan siya ng isang anak na lalaki? Ibinibigay ng Banal na Kasulatan ang sumusunod na pahayag: “Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at natawa, at nasabi sa kanyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taong gulang na? at manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?” Sa ibang salita, masyado nang matanda ang mag-asawang ito para magkaanak. At ano ang ginawa ni Abraham pagkatapos ipahayag ng Diyos ang Kanyang pangako sa kanya? Nagpatirapa si Abraham nang tumatawa, at nasabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak kaya siya na may isang daang taong gulang na?” Naniwala si Abraham na ito ay imposible—nangangahuluhang naniwala siyang ang pangako ng Diyos sa kanya ay walang iba kundi isang biro. Mula sa pananaw ng tao, ito ay hindi maaaring mangyari sa tao, at gayon din naman hindi magagawa ng Diyos at isang imposible para sa Diyos. Marahil, kay Abraham, ito ay katawa-tawa: Nilikha ng Diyos ang tao, gayon pa man hindi Niya alam na ang isang taong sobrang tanda na ay wala nang kakayahang magsilang ng mga anak; sa Kanyang palagay ay maaari Niya akong pahintulutang magkaanak, sinabi Niya na bibigyan Niya ako ng isang anak na lalaki—tiyak na imposible yan! At sa gayon, nagpatirapa si Abraham at tumawa, inisip niya: Imposible—Binibiro ako ng Diyos, hindi ito totoo! Hindi niya sineryoso ang mga salita ng Diyos. ... Nakita ba ng Diyos ang pagtawa at mumunting paghayag ni Abraham, alam ba Niya ang mga ito? Alam ng Diyos. Ngunit babaguhin ba ng Diyos ang Kanyang napagpasiyahang gawin? Hindi! Kapag binalak at napagpasiyahan ng Diyos na pipiliin Niya ang taong ito, ang bagay ay natapos na. Kahit ang pag-iisip ng tao o ang kanyang pag-uugali ay ni hindi makaiimpluwensiya o makahahadlang ng kahit katiting sa Diyos; hindi basta babaguhin ng Diyos ang Kanyang plano, ni hindi rin Niya babaguhin o sisirain ang Kanyang plano dahil sa ugali ng tao, na maaaring isang kahangalan pa. Kung gayon, ano ang nasusulat sa Genesis 17:21-22? “Nguni’t ang Aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac, na iaanak sa iyo ni Sara, sa takdang panahon, sa darating na taon. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, nilisan ng Diyos si Abraham.” Hindi man lang nagtuon ni katiting na pansin ang Diyos sa inisip o sinabi ni Abraham. At ano ang dahilan ng Kanyang pagwawalang-bahala? Ito ay dahil, sa pagkakataong iyon, hindi hiningi ng Diyos sa tao na magkaroon ng malaking pananampalataya, o magkaroon siya ng malaking kaalaman tungkol sa Diyos, o, higit pa rito, na magawa niyang unawain kung ano ang ginawa at sinabi ng Diyos. Kaya, hindi niya hiningi sa taong iyon na unawain nang lubos kung ano ang napagpasiyahan Niyang gawin, o ang mga taong Kanyang tiyak na pinili, o ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, dahil ang antas ng kakayahan ng tao ay sadyang kulang. Sa pagkakataong iyon, itinuring ng Diyos bilang normal ang anumang ginawa ni Abraham at kung paano ang kanyang naging asal. Hindi Niya isinumpa, o pinagalitan, bagkus ay nagsabi lang na: “Iaanak ni Sara si Isaac sa iyo, sa takdang panahon sa darating na taon.” Sa Diyos, pagkatapos Niyang ihayag ang mga salitang ito, ang bagay na ito ay naging totoo nang sunud-sunod; sa paningin ng Diyos, ang dapat maganap sa Kanyang plano ay nakamit na. At matapos ang pagkumpleto ng mga kaayusan para sa mga ito, ang Diyos ay umalis. Kung ano ang ginagawa o iniisip ng tao, kung ano ang nauunawaan ng tao, ang mga plano ng tao—wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos. Ang lahat ay nagpapatuloy ayon sa plano ng Diyos, alinsunod sa mga panahon at yugtong itinalaga ng Diyos. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay hindi humahadlang sa kahit anong iniisip o nalalaman ng tao, ngunit hindi rin Niya tinatalikuran ang Kanyang plano, o iniiwan ang Kanyang gawain, dahil ang tao ay hindi naniniwala o nakauunawa. Ang mga katotohanan ay sa gayon naisasagawa nang ayon sa plano at pag-iisip ng Diyos. Ito ang tiyak na nakikita natin sa Biblia: Hinayaan ng Diyos si Isaac na ipanganak sa panahong itinakda Niya. Pinatutunayan ba ng mga katotohanan na ang asal at pag-uugali ng tao ay humahadlang sa gawain ng Diyos? Hindi humadlang ang mga ito sa gawain ng Diyos! Naapektuhan ba ang gawain ng Diyos ng maliit na pananampalataya ng tao sa Diyos, at ng kanyang mga pagkaintindi at imahinasyon tungkol sa Diyos? Hindi, walang naging epekto ang mga ito! Ni kahit kaunti man! Hindi naaapektuhan ng sinumang tao, bagay, o kapaligiran ang plano sa pamamahala ng Diyos. Lahat ng Kanyang pinagpapasiyahang gawin ay makukumpleto na at matatapos sa oras at ayon sa Kanyang plano, at ang Kanyang gawain ay hindi maaaring hadlangan ng sinumang tao. Hindi binibigyang pansin ng Diyos ang ilang kahangalan at kamangmangan ng tao, at kahit ang ilan sa paglaban at pagkaintindi ng tao tungo sa Kanya ay hindi pinapansin; sa halip, ginagawa Niya ang gawaing dapat Niyang gawin nang walang pag-aalangan. Ito ang disposisyon ng Diyos, at isang larawan ng Kanyang pagka-makapangyarihan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento