Ang Tunay na Mukha ni Job: Totoo, Dalisay, at Walang Kasinungalingan
Basahin natin ang mga sumusunod: “Sa gayo’y umalis si Satanas mula sa harapan ni JEHOVA, at pinasibulan si Job ng mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa kanyang puyo. At kumuha siya ng isang bibinga ng palayok upang ipangkayod ng langib; at siya’y naupo sa mga abo” (Job 2:7-8). Ito ay isang paglalarawan sa asal ni Job nang naglabasan ang namamagang bukol sa kanyang katawan. Sa oras na ito, si Job ay naupo sa mga abo habang tinitiis niya ang sakit. Walang gumamot sa kanya, at walang tumulong upang mabawasan ang sakit ng kanyang katawan; sa halip, ginamit niya ang isang bibinga ng palayok upang ipangkayod sa ibabaw ng masasamang bukol. Sa labas, ito ay isa lamang yugto sa paghihirap ni Job, at walang kaugnayan sa kanyang pagkatao at takot sa Diyos, dahil si Job ay hindi nagsalita upang ipahayag ang kanyang nararamdaman at paniniwala sa panahong ito. Ngunit ang mga pagkilos ni Job at ang kanyang asal ay mga tunay na pagpapahayag pa rin ng kanyang pagkatao. Sa talaan ng mga nakaraang kabanata ay nababasa natin na si Job ay ang pinakadakila sa lahat ng mga anak ng silanganan. Itong sipi sa ikalawang kabanata, samantala, ay nagpapakita sa atin na ang dakilang tao na ito ng silangan ay dapat kumuha ng isang bibinga ng palayok upang ipangkayod sa sarili niya habang nakaupo sa mga abo. Wala bang malinaw na pagsasalungat sa dalawang paglalarawan na ito? Ito ay ang kaibahan na nagpapakita sa atin ng totoong sarili ni Job: Sa kabila ng kanyang marangal na estado at katayuan, hindi niya kailanman minahal at binigyang pansin ang mga ito; wala siyang pakialam sa kung paano tiningnan ng iba ang kanyang katayuan, at hindi siya nag-alala kung ang mga kilos at asal niya ay may masamang epekto sa kanyang katayuan; hindi siya nagpakasasa sa yaman, at hindi siya nagsaya sa karangalan na kasama ng kanyang estado at katayuan. Nababahala lamang siya sa kanyang halaga at kabuluhan ng kanyang pamumuhay sa mga mata ng Diyos na Jehova. Ang totoong sarili ni Job ay ang kanyang mismong diwa: Hindi niya inibig ang katanyagan at kayamanan, at hindi siya nabuhay para sa katanyagan at kayamanan; siya ay totoo, at dalisay, at walang kasinungalingan.
Ang Paghihiwalay ni Job ng Pag-ibig at Galit
Ang isa pang bahagi ng pagkatao ni Job ay ipinakita sa pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang asawa: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, Namamalagi ka pa ba sa iyong katapatan? itakwil mo ang Diyos, at mamatay ka. Nguni’t sinabi niya sa kanya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:9-10). Nang makita ang paghihirap niya, sinubukan ng asawa ni Job na payuhan si Job upang tulungan siyang makatakas sa kanyang paghihirap--ngunit ang kanyang “magandang intensyon” ay hindi sinang-ayunan ni Job; sa halip, binuhay nito ang kanyang galit, sapagkat itinakwil ng asawa ang pananampalataya ni Job, at pagkamasunurin sa Diyos na Jehova, at itinakwil din ng asawa ni Job ang pag-iral ng Diyos na Jehova. Hindi ito katanggap-tanggap kay Job, dahil hindi niya kailanman pinayagan ang sarili niya na gumawa ng kahit anong sumasalungat o nakakasakit sa Diyos, na walang masabi sa iba. Paano siya mananatiling walang malasakit kung nakita niya ang iba na nagwiwika ng mga salitang lumalapastangan at iniinsulto ang Diyos? Kaya tinawag niya ang kanyang asawa na isang “hangal na babae.” Ang saloobin ni Job sa kanyang asawa ay may galit at poot, pati na rin ang kahihiyan at mahigpit na pangangaral. Ito ay ang likas na pagpapahayag ng pagkatao ni Job na kumikilala sa pagkakaiba ng pag-ibig at poot, at isang tunay na pangangatawan ng kanyang matuwid na pagkatao. Si Job ay nagtataglay ng katinuan ng katarungan—na dahilan upang magalit siya sa kabuktutan, at mapoot, magalit, at tanggihan ang walang katotohanang kontra sa pananampalataya, hindi kapani-paniwalang argumento, at katawa-tawang pagpapatunay, at pinahintulutan siyang maging totoo sa kanyang sarili, mga wastong prinsipyo at paninindigan nang siya ay itinakwil ng masa at iniwan ng mga taong malapit sa kanya.
Ang Kabaitan ng Puso at Katapatan ni Job
Dahil, sa asal ni Job, nakikita natin ang pagpapahayag ng iba’t-ibang aspeto ng kanyang pagkatao, alin sa pagkatao ni Job ang nakikita natin nang binuksan niya ang kanyang bibig upang sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan? Ito ang paksang ibabahagi natin sa ibaba.
Sa itaas, isinalaysay Ko ang mga pinagmulan ng pagsumpa ni Job sa araw ng kanyang kapanganakan. Ano ang nakikita ninyo rito? Kung matigas ang puso ni Job, at walang pag-ibig, kung siya ay malamig at walang pakiramdam, at nawalan ng pagkatao, maaari ba niyang alagaan ang pagnanais ng puso ng Diyos? At maaari ba niyang hamakin ang araw ng kanyang sariling kapanganakan bilang isang bunga ng pag-aalaga sa puso ng Diyos? Sa ibang salita, kung si Job ay manhid at salat sa pagkatao, mamimighati ba siya dahil sa pagpapasakit sa Diyos? Maaari ba niyang isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan dahil nasaktan niya ang Diyos? Ang sagot ay, Ganap na hindi! Dahil siya ay may mabuting puso, pinahalagahan ni Job ang puso ng Diyos; dahil pinahalagahan niya ang puso ng Diyos, naramdaman ni Job ang nadamang sakit ng Diyos; dahil siya ay may mabuting puso, nagdusa siya ng mas malaki bilang bunga ng pagkaunawa niya sa nadamang sakit ng Diyos; dahil naramdaman niya ang sakit na nadama ng Diyos, nagsimula siyang mapoot sa araw ng kanyang kapanganakan, kaya’t isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Sa mga tagalabas, ang buong asal ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay kapuri-puri. Tanging ang kanyang pagsumpa sa araw ng kanyang kapanganakan ang naging dahilan ng pagdududa sa kanyang pagka-perpekto at pagkamakatwiran, o nagbibigay ng naiibang pagtatasa. Sa katunayan, ito ang pinakatunay na pagpapahayag ng diwa ng pagkatao ni Job. Ang diwa ng kanyang pagkatao ay hindi lingid o nakabalot, o binago ng ibang tao. Nang isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan, ipinakita niya ang kabutihan ng puso at katapatan na nasa loob ng kanyang puso; siya ay tulad ng isang bukal na ang tubig ay sobrang malinaw at maliwanag upang ipakita ang kailaliman nito.
Pagkatapos matutuhan ang lahat ng ito tungkol kay Job, karamihan sa mga tao ay magkakaroon ng medyo tumpak at makatotohanang pagtatasa ng diwa ng pagkatao ni Job. Mayroon din dapat silang malalim, praktikal, at mas makabagong pag-unawa at pagpapahalaga sa pagka-perpekto at pagkamakatwiran ni Job na sinasabi ng Diyos. Sana, ang pag-unawa at pagpapahalagang ito ay tutulong sa mga tao na hanapin ang paraan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
Ang Kaugnayan sa Pagitan ng Pagpasa ng Diyos kay Job kay Satanas at ang Mga Layunin ng Gawain ng Diyos
Kahit na karamihan sa mga tao ngayon ay kinikilala na si Job ay perpekto at matuwid, at siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, hindi nagbibigay ang pagkilalang ito sa kanila ng mas higit na pag-unawa sa layunin ng Diyos. Kasabay ng pagkainggit sa pagkatao at gawain ni Job, tinatanong nila ang mga sumusunod na katanungan sa Diyos: Si Job ay lubos na perpekto at matuwid, ang mga tao ay minamahal siyang lubos, kaya bakit siya ibinigay ng Diyos kay Satanas at isinailalim siya sa ganoong paghihirap? Ang ganitong mga tanong ay umiiral sa mga puso ng maraming tao—o kaya, ang pagdududang ito ang tanong na nasa puso ng maraming tao. Dahil nililito nito ang napakaraming tao, kailangan natin itong ilatag at ipaliwanag nang maayos.
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas ng sangkatauhan. Natural, ang gawain na ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang layunin, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao; sa ibang salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pag-unawa sa puso ng Diyos at pag-intindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya upang sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pag-aayos ng Diyos, at sa gayon ay nagbibigay-daan sa tao upang matamo ang pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang kabaligtaran at nagsisilbing gamit sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang ipakita sa mga tao ang mga kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at paglusob ni Satanas, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unting palayain ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at paglusob ni Satanas—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, sila ay magtagumpay sa mga paglusob ni Satanas, at magtagumpay sa mga paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa sakop ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay dahil ang mga taong ito ay matuwid, dahil mayroon silang pananampalataya, pagkamasunurin, at takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang humihiwalay kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagsunod at takot nila sa Diyos ang tumalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinuko ni Satanas. Tanging ang mga taong tulad ng mga ito ang mga tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na layunin ng Diyos sa pagligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, kung gayon lahat ng gustong sumunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga tukso at paglusob na maliit at malaki galing kay Satanas. Ang mga taong mangingibabaw sa mga tukso at paglusob at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Na ang ibig sabihin, ang mga tao na nailigtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at nilusob ni Satanas nang di mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong nailigtas ng Diyos ang kalooban at mga kinakailangan ng Diyos, at nagagawang sumunod sa dakilang kapangyarihan at pag-aayos ng Diyos, at hindi nila itinakwil ang paraan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga tukso ni Satanas. Ang mga taong nailigtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabuting puso, pinaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may katinuan sila ng katarungan at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang pangalagaan ang Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi tinatalian, minamanmanan, pinaparatangan, o inaabuso ni Satanas, sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na malaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
Si Job ay inabuso ni Satanas, ngunit nakakuha rin siya ng walang hanggang kalayaan at pagpapalaya, at nagkamit ng karapatan na hindi na kailanman muling mapasailalim sa katiwalian, pag-aabuso, at mga paratang ni Satanas, sa halip ay mabuhay sa liwanag ng pagsang-ayon sa Diyos na malaya at walang hadlang, at ang mabuhay sa gitna ng pagpapala ng Diyos sa kanya. Walang maaaring mag-alis, o sumira, o kumuha ng karapatang ito. Ito ay ibinigay kay Job kapalit ng kanyang pananampalataya, determinasyon, at pagsunod at takot sa Diyos; nagbayad si Job ng kanyang buhay upang manalo ng kagalakan at kaligayahan sa lupa, upang mapanalunan ang karapatan at pagiging karapat-dapat, itinakda ng Langit at kinilala sa lupa, upang sumamba sa Lumikha nang walang hadlang bilang isang tunay na nilalang ng Diyos sa lupa. Ito rin ang pinakamalaking kinalabasan ng mga tukso na tiniis ni Job.
Kapag ang mga tao ay ililigtas pa lang, ang mga buhay nila ay madalas na pinanghihimasukan, at pinamamahalaan, ni Satanas. Sa ibang salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay tinutugis na mabuti at nilulusob na matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang karaniwang buhay na masasabi, at higit pa wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay manindigan at makipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at pagkatakot sa Diyos bilang mga sandata na gagamitin para sa buhay-at-kamatayan mong pakikipaglaban kay Satanas, na sukdulan mong matatalo si Satanas at magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at magiging duwag tuwing makikita ka nito, para tuluyan nang itigil ang kanyang mga paglusob at paratang laban sa iyo—doon ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo para matalo si Satanas, kung gayon ikaw ay manganganib pa rin; at sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, kung gayon maliit na lang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa katapusan, kapag ang konklusyon ng gawain ng Diyos ay ipinapahayag, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, na hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, sa gayon hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Ang pahiwatig, sa gayon, ay magiging ganap nang mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.
Tanggapin ang mga Pagsubok ng Diyos, Pagtagumpayan ang mga Tukso ni Satanas, at Hayaan ang Diyos na Kunin ang Iyong Buong Pagkatao
Sa panahon ng gawain ng Kanyang walang maliw na pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang kalooban at mga kinakailangan sa tao, at ipinakikita ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at kung anong mayroon at kung ano Siya sa tao. Ang layunin ay upang bigyan ang tao ng katayuan, at ipakamit sa mga tao ang iba’t-ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na mga sandata na ibinigay sa tao ng Diyos upang labanan si Satanas. Ngayong siya ay nabigyan ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay may maraming paraan at sistema para sa pagsubok ng tao, ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: Si Satanas. Na ang ibig sabihin, pagkatapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang antas ng kakayahan ng tao. Kung makakayang makatakas ng tao sa hanay ng pakikipagbaka ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa teritoryo ni Satanas at buhay pa rin, sa gayon ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at sumuko kay Satanas, kung gayon hindi siya makakapasa sa pagsubok. Kahit anong aspeto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung nagpapakatatag o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag nilusob siya ni Satanas, at kung itinakwil ba niya o hindi ang Diyos at sumuko at nagpasailalim kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na kung maililigtas o hindi ang tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at kung kaya niya o hindi na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay kung makakaya niyang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang pagkakatali kay Satanas, at ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at magpapalaya ng isa, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na muling susubukan ni Satanas na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at gagambalain ang taong ito, hinding-hindi na muling pahihirapan nang walang-pakundangan o lulusubin sila; tanging ang isang taong ganito ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ay ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.
Ang Babala at Kaliwanagan ng Patotoo ni Job na Ibinigay sa mga Sumunod na Henerasyon
Kasabay ng pag-unawa sa proseso kung paano ganap na nakukuha ng Diyos ang isang tao, mauunawaan din ng mga tao ang mga layunin at kabuluhan ng pagbibigay kay Job ng Diyos kay Satanas. Ang mga tao ay hindi na nababalisa sa paghihirap ng kalooban ni Job, at mayroon ng bagong pagpapahalaga sa kabuluhan nito. Hindi na sila nag-aalala tungkol sa kung sila ay mapapasailalim sa kaparehong tukso na napagdaanan ni Job, at hindi na tinututulan o tinatanggihan ang pagdating ng mga pagsubok ng Diyos. Ang pananampalataya ni Job, pagkamasunurin, at ang kanyang patotoo sa pagtatagumpay kay Satanas ay mapagkukunan ng malaking tulong at lakas ng loob ng mga tao. Kay Job, sila ay nakakakita ng pag-asa para sa kanilang sariling kaligtasan, at nakikita na sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagsunod at takot sa Diyos, ganap na posibleng talunin si Satanas, at manaig laban kay Satanas. Nakikita nila na hangga’t hindi sila tumututol sa dakilang kapangyarihan at pag-aayos ng Diyos, at tinataglay ang determinasyon at pananampalataya na hindi itakwil ang Diyos matapos mawalan ng lahat, sa gayon maaari silang magdala ng kahihiyan at pagkatalo ni Satanas, at kailangan lamang nilang taglayin ang determinasyon at tiyaga upang manindigan sa kanilang patotoo—kahit na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanilang mga buhay—para maduwag at mabilisang sumuko si Satanas. Isang babala ang patotoo ni Job sa mga sumusunod na henerasyon, at ang babalang ito ay nagsasabi sa kanila na kung hindi nila tatalunin si Satanas, sa gayon ay hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga paratang at panghihimasok sa kanila ni Satanas, at hindi rin nila kailanman magagawang makatakas sa pag-aabuso at paglusob ni Satanas. Ang patotoo ni Job ay nagbigay kaliwanagan sa sumunod na henerasyon. Ang kaliwanagang ito ang nagtuturo sa mga tao na tanging kung sila ay perpekto at matuwid ay saka nila makakayang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan; itinuturo nito sa kanila na tanging kapag sila ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan ay saka nila makakayang magdala ng malakas at tumataginting na patotoo sa Diyos; tanging kung sila ay may malakas at tumataginting na patotoo sa Diyos ay saka hindi sila kailanman mapapamahalaan ni Satanas, at mabubuhay sa ilalim ng paggabay at pag-iingat ng Diyos—at doon lamang sila tunay na nailigtas. Ang personalidad ni Job at ang ginagawa niya sa kanyang buhay ay dapat tularan ng lahat na nagnanais ng kaligtasan. Ang kanyang isinabuhay sa kanyang buong buhay at ang kanyang asal sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay isang mahalagang kayamanan para sa lahat ng sumusunod sa paraan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
Mula sa Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento