Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Ang Pananaw sa Gawain ng Diyos
1. Sinimulan ni Juan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit pitong taon bago ang bautismo ni Jesus. Para sa mga tao, ang mga isinagawa niyang gawain ay tila higit sa mga gawain ni Jesus, ngunit siya ay, gayunpaman, isa rin lamang propeta. Hindi siya nangusap at gumawa sa loob ng templo, ngunit sa mga bayan at nayon sa labas nito. Ito ay ginawa niya, sa katunayan, sa bayan ng mga Hudyo, lalo na ang mga mahihirap. Bihira siyang nakisalamuha sa mga taong mula sa mataas na antas ng lipunan, ipinalalaganap lang ang ebanghelyo sa mga karaniwang tao sa Judea upang maihanda ang mga karapat-dapat na mga tao para sa Panginoong Jesus, at maihanda ang mga naaangkop na lugar kung saan Siya ay maaaring gumawa. Dahil mayroong propetang katulad ni Juan upang maghanda, nakapagsimula agad ang Diyos sa Kanyang daan ng krus matapos ang pagdating Niya. Nang nagkatawang-tao ang Diyos upang isagawa ang Kanyang gawain, hindi Niya kinailangang isagawa ang pamimili ng mga tao, at hindi Niya kinailangang personal na maghanap ng mga tao o ng lugar kung saan Siya gagawa. Hindi Siya nagsagawa ng mga ganoong gawain nang Siya ay dumating; inihanda na ng isang karapat-dapat na tao ang lahat bago pa Siya dumating. … Gumawa si Juan sa loob ng pitong taon, gayon maaaring sabihin na ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa loob ng pitong taon. Sa panahon ng kanyang gawain, hindi nagsagawa si Juan ng mga himala, dahil ang kanyang gawain ay ang ihanda ang lahat para kay Jesus. Ang lahat ng ibang mga gawain, ang gawaing isasagawa ni Jesus, ay walang kaugnayan sa kanya; hiniling lang niya sa mga tao na ipagtapat ang kanilang mga kasalanan at magsisi, at bautismuhan ang mga tao, upang sila ay maligtas. Kahit na nagsagawa siya ng mga bagong gawain, at nagbukas ng daan na hindi pa kailanman nilalakaran ng tao, inihanda rin lamang niya ang daan para kay Jesus. Siya ay propeta na nagsagawa lang ng gawain ng paghahanda, at walang kakayahan upang isagawa ang gawain ni Jesus. Hindi man si Jesus ang unang nangusap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, at kahit ipinagpatuloy Niya ang landas na sinimulan ni Juan, wala pa ring makagagawa ng Kanyang gawain, at ito’y higit sa gawain ni Juan. Hindi kayang ihanda ni Jesus ang sarili Niyang daan; ang Kanyang gawain ay direktang naisagawa sa ngalan ng Diyos. Kaya, gaano man kadaming taong gumawa si Juan, siya ay isa pa ring propeta at isa ring naghanda sa daan ni Jesus. Ang tatlong taong gawain ni Jesus ay hinigitan ang pitong taon na gawain ni Juan, dahil ang sangkap ng kanilang mga gawain ay hindi pareho.