Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos -Kingdom Praise Musical Drama

菜單

20 Agosto 2017

Pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos | Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang Resulta ng Kanyang Gawain

Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, Kidlat ng Silanganan, Makapangyarihang Diyos, Kaharian , Pananampalataya


Pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos | Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang Resulta ng Kanyang Gawain

Una, umawit tayo ng isang himno: Ang Awit ng Kaharian (I) Ang Kaharian ay Bumaba sa Mundo

Lahat ng tao’y masaya sa Diyos. Lahat ng tao’y pinupuri ang Diyos. Lahat ng dila’y tumatawag sa isang tunay na Diyos. Ang kaharia’y dumating sa mundo.

1. Lahat ng tao’y masaya sa Diyos. Lahat ng tao’y pinupuri ang Diyos. Lahat ng dila’y tumatawag sa isang tunay na Diyos. Lahat ng tao’y tumitingala, tinitingnan mga gawa ng Diyos. Ang kaharia’y dumating sa mundo. Ang Diyos mayama’t sagana. Ang Diyos mayama’t sagana. Sino’ng di ramdam mapalad? (Sino’ng di ramdam mapalad?) Sino’ng di sasayaw para dito? (Sino’ng di sasayaw para dito?) O Sion! O Sion! Itaas bandila mo ng tagumpay, ipagdiwang ang Diyos! Awitin iyong awit ng tagumpay, ikalat pangalang banal ng Diyos!

2. Lahat ng mga bagay sa lupa, linisin agad mga sarili, upang ialay sa Diyos, upang ialay sa Diyos! Lahat ng mga bituin sa langit! Bumalik sa dating lagay, ipakita ang kapangyarihan ng Diyos sa sansinukob! Taimtim nakikinig ang Diyos sa mga tinig ng tao sa lupa; kanilang awit puno ng walang hanggang pag-ibig at paggalang sa Diyos. Sa araw na lahat ng mga bagay, lahat ng mga bagay napanumbalik, Diyos Mismo darating sa mundo. Sa sandaling ito lang, mga bulaklak mamumukadkad, mga ibo’y aawit, lahat magsasaya! Mga bulaklak mamumukadkad, mga ibo’y aawit, lahat magsasaya! Sa tunog ng pagpugay ng kaharian, guguho ang kaharian ni Satanas, pira-pirasong nawasak sa awit ng kaharian, di na babangong muli!

3. Mga tao sa mundo, sino’ng mangangahas bumangon at lumaban? Dumating na ang Diyos sa lupa. Kasunod yaon, nagdala ang Diyos ng pagsunog, nagdala ng Kanyang poot, nagdala ng lahat ng mga sakuna, lahat ng mga sakuna. Ang kaharian ng mundo’y naging sa Diyos! Mga puting ulap umalon-alon, umalimpuyo sa langit. Sa silong ng langit, sa silong ng langit, tubig sa mga lawa’t ilog sumiklot-siklot, umaalimbukay, tumugtog ng nakakapukaw, nakakapukaw na himig may galak. Mga namumugad na hayop lumabas mula sa mga yungib nila. Lahat ng mga taong tulog ginising ng Diyos. Ang araw na pinakahihintay ng lahat sa wakas dumating na! Inialay nila sa Diyos, inialay sa Diyos pinakamagagandang awit! Pinakamagagandang awit, inialay sa Diyos!

    Ano ang naiisip ninyo sa tuwing kinakanta ninyo ang awit na ito? (Tuwang-tuwa; nasabik; isipin kung gaano kaluwalhati ang kagandahan ng kaharian, at magkakasama na magpakailanman ang sangkatauhan at ang Diyos.) May nakaisip na ba tungkol sa anyo na kailangang isuot ng tao upang makasama ng Diyos? Sa inyong mga imahinasyon, paano dapat ang isang tao upang makasama ang Diyos at matamasa ang maluwalhating buhay na kasunod sa kaharian? (Dapat silang magkaroon ng isang nabagong disposisyon.) Dapat silang magkaroon ng isang nabagong disposisyon, ngunit hanggang saan nagbago? Ano ang pagkakatulad nila pagkatapos nilang nabago? (Sila ay magiging banal.) Ano ang pamantayan para sa kabanalan? (Kaayon kay Cristo ang lahat ng mga saloobin at mga isinasaalang-alang nila.) Paano maipakikita ang pagkakaayon na ito? (Hindi nila nilalabanan ang Diyos, hindi ipinagkakanulo ang Diyos, ngunit nag-aalay ng lubos na pagsunod sa Diyos, at natatakot sa Diyos sa kanilang mga puso.) Ang ilan sa mga sagot ninyo ay nasa tamang landasin. Buksan ninyo ang inyong mga puso, lahat kayo, at ibahagi kung ano ang sinasabi sa inyo ng inyong puso. (Magagawa ng mga taong nabubuhay kasama ang Diyos sa kaharian ang kanilang tungkulin, magagawa nila nang tapat ang kanilang tungkulin, sa pamamagitan ng pagtataguyod sa katotohanan at hindi nagpapapigil sa anumang tao, kaganapan, o bagay. At magiging posible sa kanila ang makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman, iakma ang kanilang mga puso sa Diyos, at matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.) (Maaaring iakma sa Diyos ang ating pananaw sa mga bagay, at maari tayong makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang pinakamababang pamantayan ay hindi dapat mapagsamantalahan ni Satanas, itakwil ang anumang tiwaling disposisyon, makamit ang pagsunod sa Diyos. Naniniwala kami na ang pag alpas mula sa impluwensya ng kadiliman ang pangunahing punto. Kung may hindi makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman, hindi makalaya mula sa mga gapos ni Satanas, kung ganun hindi nila natamo ang kaligtasan ng Diyos.) (Ang pamantayan para sa pinapaging-perpekto ng Diyos ay ang pakikiisa ng tao sa puso at isip ng Diyos. Hindi na nilalabanan ng tao ang Diyos; nauunawaan niya ang sarili niya, isinagawa ang katotohanan, nakatatamo ng pag-unawa sa Diyos, nagmamahal sa Diyos, at nakaakma sa Diyos. Iyan lang ang tanging kailangang gawin.)

Ang Timbang ng Kalalabasan sa Puso ng mga Tao

    Tila mayroon kayong isang bagay sa inyong mga puso tungkol sa daan na dapat ninyong tahakin at nabuo ninyo ang isang mahusay na kaalaman at pag-unawa dito. Ngunit nakasalalay sa kung ano ang bibigyang pansin ninyo sa inyong pang-araw-araw na pagsasagawa sa kung ang lahat ng mga bagay na sasabihin ninyo ay maging mga salitang walang laman o maging aktuwal na katotohanan. Gumapas kayo ng isang ani mula sa lahat ng mga aspeto ng katotohanan sa mga nakaraang taon, kapwa sa mga doktrina at sa nilalaman ng katotohanan. Ito ang nagpapatunay na ang binibigyang diin ng mga tao sa panahong ito ay ang pagsusumikap para sa katotohanan. At bilang resulta, tiyak na nag-ugat ang bawat aspeto at bawat bagay ng katotohanan sa puso ng ilang mga tao. Gayunman, ano ang pinaka-kinatatakutan Ko? Na kahit na nag-ugat ang mga paksa ng katotohanan, at ang mga teyoryang ito, hindi gaanong pinapansin ang aktuwal na nilalaman sa inyong mga puso. Kapag nakatagpo kayo ng mga isyu, nahaharap sa mga pagsubok, nahaharap sa mga pagpipilian—gaano karami sa mga reyalidad ng mga katotohanan na ito ang kaya ninyong gamitin nang mahusay? Makatutulong ba ang mga ito para malagpasan ninyo ang inyong mga paghihirap at lumabas kayo mula sa inyong mga pagsubok na nabigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos? Matatag ba kayong maninindigan sa inyong mga pagsubok at magpatotoo nang malakas at malinaw para sa Diyos? Naging interesado ba kayo sa mga bagay na ito noon? Hayaan niyo Akong magtanong sa inyo: Sa inyong mga puso, sa lahat ng mga araw-araw ninyong pag-iisip at pagmumuni-muni, ano ang pinakamahalaga sa inyo? Nakarating na ba kayo sa isang konklusyon? Ano sa inyong paniniwala ang pinakamahalagang bagay? Ayon sa ilang mga tao “ito’y ang pagsasagawa sa katotohanan, siyempre pa”; ayon sa ilang mga tao “siyempre ito ang araw-araw na pagbabasa ng salita ng Diyos”; sabi ng ilang mga tao “siyempre ito ang araw-araw na paglalagay ng aking sarili sa harap ng Diyos at pananalangin sa Diyos”; at may ilang mga taong nagsasabi na “siyempre ito ang araw-araw na maayos na paggawa sa aking tungkulin”; may ilang mga tao pa na nagsasabing iniisip lamang nila na bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung paano ang sumunod sa Kanya sa lahat ng bagay, at kung paano kumilos ng naaayon sa Kanyang kalooban. Ganito ba ito? Ganito na lamang ba? Halimbawa, may mga ilang nagsasabi: “Gusto ko lang na sundin ang Diyos, ngunit kapag may nangyari hindi ako makasunod sa Kanya.” Sabi ng ilang mga tao: “Gusto ko lamang bigyang kasiyahan ang Diyos. Kahit mabigyang kasiyahan ko lamang Siya ng isang beses, sapat na yan, ngunit kailanman hindi ko Siya mabigyang kasiyahan.” At sinasabi ng ilang mga tao: “Gusto ko lamang sundin ang Diyos. Sa mga oras ng pagsubok, ang tanging gusto ko lamang ay magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, sumusunod sa Kanyang kapangyarihan at kaayusan, walang anumang mga reklamo o mga kahilingan. Ngunit halos sa bawat pagkakataon bigo akong maging masunurin.” Sinasabi ng iba pang mga tao: “Kapag nahaharap ako sa mga desisyon, hindi ko kailanman mapiling isagawa ang katotohanan. Nais ko palagi na bigyang-kasiyahan ang laman, laging nais kong bigyang-kasiyahan ang aking mga pansariling makasariling pagnanasa.” Ano ang dahilan para dito? Bago dumating ang pagsubok ng Diyos, hinamon ninyo na ba ang inyong mga sarili nang maraming beses, at sinubok at pinatunayan ang inyong mga sarili nang maraming beses? Tingnan ninyo kung talagang kaya ninyong sumunod sa Diyos, talagang bigyang-kasiyahan ang Diyos, at maging tiyak na hindi ninyo ipagkakanulo ang Diyos. Tingnan ninyo kung hindi ninyo bigyang-kasiyahan ang inyong mga sarili, hindi ninyo bigyang-kasiyahan ang makasarili ninyong mga pagnanasa, ngunit bigyang-kasiyahan lamang ang Diyos, wala ang mga indibidwal ninyong pagpipilian. Mayroon bang sinuman na ganyan? Sa totoo lang, mayroon lamang isang katotohanan na inilagay sa harapan ng inyong mga mata. Ito ang pinagkakainteresan ng bawat isa sa inyo, ang pinakananais ninyong malaman, at iyan ang bagay na kalalabasan at hantungan ng lahat. Maaaring hindi mo ito mapagtanto, ngunit ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ng kahit sinuman. Alam kong may ilang mga tao na, kapag tungkol sa katotohanan ng kalalabasan ng tao, ang pangako ng Diyos sa sangkatauhan, at kung anong uri ng hantungan ang ninanais ng Diyos na pagdalhan sa tao, pinag-aralan na nila ang salita ng Diyos nang ilang beses sa mga bagay na ito. At may mga paulit-ulit na naghahanap sa mga ito at pinag-iisipang maigi, at wala pa rin silang nakukuhang resulta, o marahil nakararating sa ilang mga malalabong konklusyon. Sa katapusan, hindi pa rin sila nakatitiyak tungkol sa kung anong uri ng kalalabasan ang naghihintay sa kanila. Kapag tumatanggap ng pakikipagtalastasan ng katotohanan, kapag tumatanggap ng buhay-iglesia, kapag ginagawa ang kanilang mga tungkulin, laging nais malaman ng karamihan sa mga tao ang isang malinaw na sagot sa mga sumusunod na tanong: Ano kaya ang kalalabasan ko? Maaari ko bang lakaran ang tamang landas hanggang sa katapusan nito? Ano ang saloobin ng Diyos sa tao? Inaalala rin ng ilang mga tao ang: May mga nagawa akong bagay-bagay sa nakaraan, may mga ilang bagay na nasambit ko, naging masuwayin ako sa Diyos, may ilang mga bagay akong nagawa na pagkakanulo sa Diyos, may ilang mga bagay na hindi ko nabigyang kasiyahan ang Diyos, nasaktan ko ang puso ng Diyos, nabigo ko ang Diyos, nagawa kong magalit at masuklam ang Diyos sa akin, kaya marahil hindi matukoy ang aking kalalabasan. Makatarungang sabihin na nababalisa ang karamihan sa mga tao tungkol sa sarili nilang kalalabasan. Walang nangangahas sabihin ang: “Nararamdaman ko nang may isang daang porsiyentong katiyakan na maliligtas ako; isang daang porsiyentong nakatitiyak akong mabibigyang kasiyahan ko ang mga layunin ng Diyos; ako ay isang tao na naaayon sa puso ng Diyos; isa akong tao na pinupuri ng Diyos.” Sa tingin ng ilang mga tao ay napakahirap sundin ang daan ng Diyos, at ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamahirap na bagay sa lahat. Bilang resulta, sa tingin ng mga taong ito sila ay hindi na matutulungan pa, at hindi sila nangangahas na isiping mangyayari pa ang pagkakaroon ng mabuting kalalabasan. O marahil naniniwala silang hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos, at hindi sila maaaring makaligtas, at dahil dito sasabihin nila na wala silang kalalabasan, at hindi sila makatatamo ng isang magandang hantungan. Hindi alintana kung paano ang eksaktong pananaw ng mga tao, maraming beses na gusto ng lahat na malaman ang tungkol sa kanilang mga kalalabasan. Sa mga katanungan tungkol sa kanilang hinaharap, sa mga katanungan tungkol sa makukuha nila kapag tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain, ang mga taong ito ay palaging nagkakalkula, palaging nagpaplano. Ang ilang mga tao ay nagbayad ng doble ng halaga; iniwanan ng ilang mga tao ang kanilang mga pamilya at mga trabaho; pinabayaan ng ilang mga tao ang kanilang pag-aasawa; ang ilang mga tao ay nagbitiw para magsilbi sa Diyos; iniwan ng ilang mga tao ang kanilang mga tahanan para gawin ang kanilang tungkulin; pinili ng ilang mga tao ang paghihirap, at sinimulang kunin ang pinakamapait at nakapapagod na gawain; pinili ng ilang mga tao ang mag-alay ng yaman, mag-alay ng lahat ng nasa kanila; ang ilan pa sa mga tao ay piniling itaguyod ang katotohanan, at itaguyod ang pagkilala sa Diyos. Kahit ano pa ang pinili ninyong pagsasagawa, mahalaga ba ang paraan ng paggawa ninyo? (Hindi mahalaga.) Paano namin ipapaliwanag na ito ay hindi mahalaga, kung gayon? Kung ang paraan ay hindi mahalaga, ano ang mahalaga? (Ang panlabas na mabuting pag-uugali ay hindi kumakatawan sa pagsasagawa ng katotohanan.) (Hindi mahalaga ang iniisip ng lahat. Ang susi dito ay kung isinasagawa ba natin ang katotohanan, at kung iniibig ba natin ang Diyos.) (Nakatutulong ang pagbagsak ng mga anti-cristo at ng mga huwad na lider upang maintindihan natin na hindi ang panlabas na pag-uugali ang pinakamahalagang bagay. Mukhang marami ang hayagang tinalikuran nila sa panlabas, at tila handa silang magdusa; ngunit sa pagsusuri makikita natin na sadyang wala silang puso na may takot sa Diyos; sa lahat ng bagay Siya ay tinututulan nila. Lagi silang naninindigan sa panig ni Satanas sa mga panahong mapanganib, nakasasagabal sila sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pangunahing mga isinasaalang-alang dito ay kung kaninong panig tayo maninindigan kapag dumating ang oras, at ang mga pananaw natin.) Lahat kayo ay magaling sa pagsasalita, at tila mayroon na kayong pangunahing kaalaman at pamantayan para sa pagsasagawa sa katotohanan, sa mga layunin ng Diyos, at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao. Na may kakayahan kayong mangusap nang tulad nito ay lubhang nakaaantig. Kahit na may ilang mga hindi naaangkop na salita dito at doon, ang mga pahayag ninyo ay malapit na sa isang paliwanag na karapat-dapat sa katotohanan. Ito ang nagpapatunay na napaunlad ninyo ang mga sarili ninyong tunay na pang-unawa sa mga tao, mga kaganapan, at mga bagay sa inyong paligid, ang lahat ng inyong mga kapaligiran na inilaan ng Diyos, at lahat ng mga bagay na nakikita ninyo. Ang mga pang-unawang ito ay nalalapit sa katotohanan. Kahit hindi ganap na komprehensibo ang sinabi ninyo, at hindi masyadong naaangkop ang ilang mga salita, ang inyong mga pang-unawa ay nalalapit na sa reyalidad ng katotohanan. Ang mapakinggan kayong nagsasalita sa ganitong paraan ay nagdudulot sa Akin ng kasiyahan.

Hindi Mapapalitan ng mga Paniniwala ng mga Tao ang Katotohanan

    May ilang mga tao ang may kakayahang tiisin ang mga paghihirap; kaya nilang magdusa; napakabuti ng kanilang panlabas na pag-uugali; iginagalang sila; at taglay nila ang paghanga ng iba. Ano sa tingin ninyo: Maaari bang ibilang itong uri ng panlabas na pag-uugali na pagsasagawa sa katotohanan? Masasabi niyo ba na ang taong ito ay nagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Diyos? Bakit paulit-ulit tinitingnan at iniisip ng mga tao na ang ganitong uri ng mga indibidwal ay nakapagbibigay ng kasiyahan sa Diyos, iniisip na lumalakad sila sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, na lumalakad sila sa landas ng Diyos? Bakit ganito ang pag-iisip ng ilang mga tao? Mayroon lamang isang paliwanag para dito. At ano ang paliwanag na iyan? Para sa napakaraming mga tao, ang mga katanungan na katulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng bigyang—kasiyahan ang Diyos, ano ang ibig sabihin ng tunay na pagkakaroon ng reyalidad ng katotohanan-ang mga tanong na ito ay hindi masyadong malinaw. Kaya may ilang mga tao na madalas ay nalilinlang ng mga taong sa panlabas ay mukhang espirituwal, mukhang kagalang-galang, mukhang may matayog na mga imahe. Para sa mga tao na may kakayahang magpaliwanag ng mga liham at mga doktrina, at ang pananalita at pagkilos ay lumalabas na karapat-dapat para sa paghanga, hindi kailanman tumingin ang mga tagahanga nila sa diwa ng kanilang mga pagkilos, sa mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, ano ang kanilang mga layunin. At hindi sila kailanman tumingin sa kung tunay ba na sumusunod sa Diyos ang mga taong ito, at kung tunay ba silang may takot sa Diyos at iniiwasan ang kasamaan o hindi. Hindi nila kailanman naunawaan ang substansya ng pagkatao ng mga taong ito. Sa halip, mula sa unang antas ng pagkakilala, unti-unti, sila’y humanga sa mga taong ito, iginalang ang mga taong ito, at sa katapusan naging mga diyos-diyosan nila ang mga taong ito. Dagdag pa rito, sa isip ng ilang mga tao, ang mga diyos-diyosan na kanilang sinasamba, na pinaniniwalaan nila na kayang iwanan ang kanilang mga pamilya at mga trabaho, at kunwari’y nakahandang magdusa—ang mga diyos-diyosan na ito ang tunay na makapagbibigay-kasiyahan sa Diyos, ang mga talagang makatatanggap ng isang magandang kalalabasan at isang mahusay na hantungan. Sa kanilang mga isip, ang mga diyos-diyosan na mga ito ay ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng mga tao ng ganitong uri ng paniniwala? Ano ang diwa ng suliranin na ito? Ano ang mga kahihinatnan na maaari nitong kahantungan? Ang unang bagay na ating tatalakayin ay ang diwa nito.

    Ang mga usapin tungkol sa mga pananaw ng mga tao, mga pagsasagawa ng mga tao, kung anong mga prinsipyo ang pipiliin ng mga tao na isagawa, at kung ano ang karaniwang binibigyang-diin ng lahat, sa totoo lang walang kinalaman ang lahat ng mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi alintana kung nakatutok ang mga tao sa mga mabababaw o malalalim na mga bagay, sa mga liham at mga doktrina o reyalidad, hindi sumusunod ang mga tao sa mga bagay na dapat sana nilang sinusunod, at hindi nila alam ang bagay na dapat sana nilang alam. Ang dahilan nito ay talagang ayaw lang ng mga tao sa katotohanan. Samakatuwid, ayaw lamang ng mga tao na maglaan ng panahon at pagsisikap para sa paghahanap at pagsasagawa sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Sa halip, mas gugustuhin nilang gumamit ng mga mabilisang paraan, at ibubuod ang naiintindihan nila, kung ano ang alam nila, upang maging mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali. Ang buod na ito ang magiging pansarili nilang tunguhin na itataguyod, magiging katotohanang isasagawa. Ang direktang resulta nito ay ang paggamit ng mga tao sa mabuting pag-uugali bilang isang kapalit ng pagsasagawa sa katotohanan, na tumutupad rin sa hangarin ng tao na manuyo ng pabor sa Diyos. Ito ang nagbibigay ng puhunan sa mga tao upang makipaglaban sa katotohanan, at makipagkatuwiran at makipagtalo sa Diyos. Kasabay nito, walang-prinsipiyong isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at sa kanilang mga puso, ilalagay nila ang kanilang diyos-diyosan sa lugar ng Diyos. Mayroon lamang isang pinakasanhi na nagdudulot sa mga tao para gawin ang mga ignoranteng pagkilos, mga ignoranteng pananaw, o mga isahang-panig lamang na pananaw at mga gawi, at ibabahagi Ko sa inyo ngayon ang tungkol dito. Ang dahilan nito ay bagaman maaaring sundin ng mga tao ang Diyos, manalangin sa Kanya araw-araw, at basahin ang salita ng Diyos araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang ugat ng problema. Kung may nakauunawa sa puso ng Diyos, nakauunawa sa mga gusto ng Diyos, kung ano ang kinasusuklaman ng Diyos, kung ano ang mga kagustuhan ng Diyos, kung ano ang tinatanggihan ng Diyos, anong uri ng tao ang minamahal ng Diyos, kung anong uri ng tao ang ayaw ng Diyos, kung anong uri ng pamantayan ang sumasaklaw sa mga hinihingi Niya sa tao, kung anong uri ng pamamaraan ang ginagamit Niya sa pagperpekto sa tao, maaari pa rin bang magkaroon ang taong iyan ng pansariling mga ideya? Maaari ba silang basta na lang pumunta at sambahin ang ibang tao? Puwede ba na ang isang ordinaryong tao ay maging diyos-diyosan nila? Kung nauunawaan ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, ang kanilang pananaw ay mas makatwiran kaysa diyan. Hindi nila sasambahin nang basta na lang ang isang tiwaling tao, at habang naglalakad sila sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, hindi rin sila maniniwala na kapantay ng pagsasagawa sa katotohanan ang basta na lang panghahawak sa ilang mga simpleng alituntunin o mga prinsipyo.

    Maraming Mga Opinyon Tungkol sa Pamantayan Kung Saan Itinatatag ng Diyos ang Kalalabasan ng tao

Balikan natin ang paksang ito at magpatuloy tayo sa pagtalakay sa kalalabasan.

    Dahil nag-aalala ang bawat tao sa kanilang kalalabasan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasiyahan ng Diyos ang kalalabasan na iyan? Sa anong kaparaanang itinatatag ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao? At anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang matukoy ang kalalabasan ng isang tao? At kapag itatatag pa lang ang kalalabasan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ibunyag ang kalalabasang ito? May sinuman bang nakaaalam nito? Gaya ng kasasabi Ko lang, may ilang mga matagal nang nagsaliksik sa salita ng Diyos. Naghahanap ang mga taong ito ng mga pahiwatig tungkol sa kalalabasan ng sangkatauhan, tungkol sa pagkakahati-hati ng mga kategorya ng kalalabasang ito, at tungkol sa iba’t-ibang mga kalalabasan na naghihintay sa iba’t ibang uri ng mga tao. Gusto rin nilang malaman kung paano itinatatag ng salita ng Diyos ang kalalabasan ng tao, at ang paraan kung paano Niya itatatag ang kalalabasan ng tao. Ngunit sa katapusan hindi kailanman nagawa ng mga taong ito na makahanap ng kahit ano. Sa aktuwal na katotohanan, napakaliit ang mahalagang nasabi sa salita ng Diyos tungkol sa bagay na ito. Bakit ganoon? Hangga’t hindi pa naihahayag ang kalalabasan ng tao, ayaw ng Diyos na sabihin sa kahit sinuman ang mangyayari sa katapusan, ayaw rin Niyang ipaalam nang patiuna ang hantungan ng sinuman. Ang kadahilanan ay wala ring anumang benepisyo sa tao ang paggawa ng Diyos sa bagay na ito. Sa ngayon, gusto Ko lang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano itinatatag ng Diyos ang kalalabasan ng tao, tungkol sa mga prinsipyo na ginagamit Niya sa Kanyang gawain upang itaguyod ang kalalabasan ng tao, at upang ipahayag ang kalalabasang ito, pati na rin ang pamantayan na ginagamit Niya sa pagtukoy kung maliligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang pinaka-inaalala ninyo? Kaya paano iniisip ng tao ang paraan ng pagtatatag ng Diyos sa kalalalabasan ng tao? Nabanggit niyo na ang kaunti sa bagay na ito ngayon lang. Sinabi ng ilan sa inyo na ito ay isang katanungan tungkol sa paggawa ng mga tungkulin nang tapat, paggugol para sa Diyos; sinasabi ng ilang mga tao na pagsunod sa Diyos at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos; sinasabi ng ilang mga tao na pagpapasakop sa awa ng Diyos; at sinasabi ng ilang mga tao na pamumuhay ng isang simpleng buhay. … Kung ilalagay ninyo sa pagsasagawa ang mga katotohanang ito, kung ilalagay ninyo sa pagsasagawa ang mga prinsipyo ng imahinasyon ninyo, alam niyo ba kung ano ang iniisip ng Diyos? Isinaalang-alang niyo ba kung ang pagpapatuloy sa ganito ay nakapagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Diyos o hindi? Kung nagsisilbi ba ito sa pamantayan ng Diyos? Kung nagsisilbi ba ito sa mga kahilingan ng Diyos? Naniniwala Ako na hindi ito iniisip ng karamihan ng mga tao. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o ang mga pamantayan ng ilang hinahangaan nilang espirituwal na mga lalaki, pinipilit ang kanilang mga sarili na gawin ito, gawin iyon. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya nananatili silang naninindigan dito, gagawin ito, kahit anuman ang mangyayari sa katapusan. Iniisip ng ilang mga tao: “Naniwala ako sa loob ng maraming taon; Palaging ganitong paraan ang gawain ko; Pakiramdam ko tunay na nabigyang-kasiyahan ko ang Diyos; Pakiramdam ko rin na marami na akong nakuha mula dito. Sapagkat napakaraming katotohanan ang naunawaan ko sa panahon na ito, at naunawaan ko ang maraming bagay na hindi ko naunawaan noon—lalo na, marami sa mga ideya at mga pananaw ko ang nagbago, malaki ang ipinagbago ng mga pag-uugali ko sa buhay, at may medyo mabuting pang-unawa na ako sa mundo.” Naniniwala ang ganitong mga tao na ito ay isang pag-aani, at ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa tao. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng inyong pinagsamang mga pagsasagawa—nabibigyang-kasiyahan niyo ba ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi ng ilang mga tao nang may ganap na katiyakan: “Syempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng kapatid na lalaki; palagi naming ginagawa ang aming tungkulin, palaging sinusunod ang Diyos, at kailanman hindi namin iniwan ang Diyos. Kaya maaari naming sabihing may ganap na kumpiyansa na kami ay nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Gaano man natin nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, gaano man ang pagkaunawa natin sa salita ng Diyos, palagi tayong nasa landas ng paghangad upang maging kaayon sa Diyos. Kung kikilos tayo nang tama, at magsasagawa nang tama, samakatwid ang resulta ay magiging tama.” Ano ang tingin ninyo tungkol sa pananaw na ito? Tama ba ito? Marahil, may ilang nagsasabi: “Hindi ko naisip ang tungkol sa mga bagay na ito noon. Iniisip ko lamang na kung magpapatuloy ako sa paggawa sa aking tungkulin at manatiling kikilos ayon sa mga hinihiling ng salita ng Diyos, maaari akong maligtas. Kailanman hindi ko isinaalang-alang ang tanong na maaari ko kayang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, at hindi ko kailanman inisip kung nakakamit ko ba ang pamantayang hinihiling Niya. Yamang hindi sinabi ng Diyos sa akin, at hindi rin siya nagbigay ng anumang malinaw na mga tagubilin, naniniwala ako na hangga’t nagpapatuloy ako, masisiyahan ang Diyos at dapat wala na Siyang anumang mga karagdagang kahilingan sa akin.” Tama ba ang mga paniniwalang ito? Sa pagkakaintindi ko, itong paraan ng pagsasagawa, itong paraan ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito—lahat ay nagdadala ng mga kathang-isip at kaunting pagkabulag. Nang sinabi ko ito, marahil may ilan sa inyo ang nasiraan ng loob: “Pagkabulag? Kung ito ay isang ‘pagkabulag,’ ang ating pag-asa ng kaligtasan, ang ating pag-asa ng pamamalagi ay napakaliit, at hindi tiyak, hindi ba? Hindi ba ang ganyang pananalita Mo ay kahalintulad ng pagbuhos ng malamig na tubig sa amin?” Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, ang mga bagay na sinasabi at ginagawa Ko ay hindi sinadya upang maramdaman ninyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay sinadya upang mapahusay ang pag-unawa ninyo sa mga layunin ng Diyos, at mapahusay ang pagkaintindi ninyo sa kaisipan ng Diyos, sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit, kung anong uri ng tao ang kinagigiliwan ng Diyos, kung ano ang kinasusuklaman ng Diyos, kung ano ang ayaw ng Diyos, kung anong uri ng tao ang nais ng Diyos na makamit, at kung anong uri ng tao ang tinatanggihan ng Diyos. Ang nilalayon nito ay upang maliwanagan ang inyong kaisipan, upang matulungan kayong malaman nang malinaw kung gaano kalayo ang inilihis ng mga kilos at mga saloobin ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayan na hinihiling ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito ang mga bagay na tiyak na pinakakulang. Maaaring itinala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong kuwaderno, maaaring itinala ninyo rin ang personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga sa inyong isip, at sa inyong puso. Planuhin ninyong gamitin ito kapag kayo ay nagsasagawa, upang masiyahan ang Diyos; gamitin ito kapag nakita ninyong nangangailangan kayo; gamitin ito upang malagpasan ninyo ang mga mahihirap na panahon na nasa harapan ninyo; o hayaan ninyo lang ang mga katotohanang ito na samahan kayo sa inyong pamumuhay. Sa pagkaintindi Ko, kung nagsasagawa lamang kayo, hindi mahalaga kung paano ang eksaktong pagsasagawa ninyo. Ano ngayon, ang napakahalagang bagay? Ito yung habang ikaw ay nagsasagawa, alam ng iyong puso nang may ganap na katiyakan kung nais ng Diyos o hindi ang lahat ng mga bagay na iyong ginagawa, bawat kilos; kung nakasisiya sa mga layunin ng Diyos o hindi ang lahat ng ginagawa mo, lahat ng mga bagay na iniisip mo, at ang resulta at ang layunin na nasa iyong puso, kung nakapagsisilbi ba ang mga ito sa mga kahilingan ng Diyos, at kung sasang-ayunan ba ang mga ito o hindi ng Diyos. Ito ang mga mahahalagang bagay.

Maglakad sa Landas ng Diyos: Matakot sa Diyos at Iwasan ang Kasamaan

    May isang kasabihan na dapat ninyong tandaan. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, hindi na mabilang ang mga beses na ito’y naaalala sa bawat araw. Bakit ganoon? Dahil sa bawat pagkakataon na nahaharap Ako sa isang tao, sa tuwing makaririnig Ako ng kuwento ng isang tao, sa bawat oras na makaririnig Ako ng karanasan ng isang tao o ng kanilang patotoo sa pananampalataya sa Diyos, palagi Kong ginagamit ang kasabihang ito upang timbangin kung ang indibidwal ba na ito ay ang uri ng tao na gusto ng Diyos, ang uri ng tao na nais ng Diyos. Kaya ano ang kasabihan na ito, sa gayon? Sabik na sabik na kayong lahat sa paghihintay. Kapag ibinunyag Ko na ang kasabihan, marahil makararamdam kayo ng pagkabigo dahil sa loob ng maraming taon may mga taong nagsasabi nito nang hindi taos-puso. Nguni’t para sa Akin, tapat Ako sa Aking sinasabi. Nananatili sa Aking puso ang kasabihan na ito. Kaya ano ang kasabihan na ito? Ito ang “lumakad sa landas ng Diyos; matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Ngunit kahit na simple ang kasabihan na ito, mararamdaman ng isang tao na may malalim na pagka-unawa dito na ito ay matimbang; na napakahalaga nito para sa pagsasagawa; na ito ay wika ng buhay na may reyalidad ng katotohanan; na ito ay isang panghabambuhay na layunin na pagsusumikapang kamtin ng mga nagnanais na bigyang-kasiyahan ang Diyos; at ito ay isang panghabambuhay na landas na sinusundan ng sinuman na maalalahanin sa mga layunin ng Diyos. Kaya ano sa tingin ninyo: Makatotohanan ba ang kasabihan na ito? May kabuluhan ba ito? Marahil mayroong ilang mga tao na nag-iisip tungkol sa kasabihang ito, sinusubukan nilang unawain ito, at ang ilan ay nagdududa pa rin dito: Malaki ba ang kahalagahan ng kasabihan na ito? Napakahalaga ba? Napakahalaga ba at karapat-dapat na bigyang diin? Marahil mayroong ilang mga tao na hindi masyadong gusto ang kasabihan na ito dahil sa tingin nila ang pagkuha sa landas ng Diyos at ilagay sa kasabihan na ito ay masyadong pagpapa-simple. Ang kunin ang lahat ng mga sinabi ng Diyos at ilagay sa isang kasabihan—hindi ba pagtrato ito sa Diyos na parang napakaliit ng kahalagahan Niya? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na maunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan na nasa likod ng mga salitang ito. Kahit na itinala ninyo ito, hindi niyo binalak ilagay ang kasabihan na ito sa inyong puso; itinala ninyo lamang ito, at muling babalikan at isip-isipin sa inyong bakanteng oras. May ibang mga tao na hindi man lang mag-abalang isaulo ang kasabihan, mas lalo na ang gamitin ito sa mabuting paraan. Ngunit bakit Ko tinatalakay ang kasabihan na ito? Anuman ang pananaw ninyo, o ang iisipin ninyo, kailangan Kong talakayin ang kasabihang ito dahil ito ay lubos na may katuturan sa kung paano itatatag ng Diyos ang kalalabasan ng tao. Anuman ang kasalukuyang pag-unawa ninyo sa kasabihang ito, o kung paano ang pagtrato ninyo dito, sasabihin Ko pa rin sa inyo: Kung may isang tao na maisasagawa ang kasabihang ito at makamit ang pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila’y maliligtas, mapapanatag sila na may mabuti silang kalalabasan. Kung hindi mo makamit ang pamantayan na inilatag ng kasabihang ito, maaaring sabihin na hindi matukoy ang kalalabasan mo. Kaya makikipag-usap Ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para sa kahandaan ng isipan ninyo, at sa gayon ay malaman ninyo kung anong uri ng pamantayan ang gagamitin ng Diyos na panukat sa inyo. Katulad ng katatalakay Ko lang, ang kasabihang ito ay lubos na may katuturan sa pagliligtas ng Diyos sa tao, at kung paano Niya itatatag ang kalalabasan ng tao. Saan nakalatag ang katuturan na ito? Talagang nais ninyong malaman ito, kaya tatalakayin natin ito ngayon.

Gumagamit ang Diyos ng Iba’t ibang mga Pagsubok upang Suriin kung ang mga Tao ay Takot sa Diyos at Iwas sa Kasamaan

    Sa bawat panahon, kapag gumagawa ang Diyos sa mundo, nagbibigay Siya ng ilang mga salita sa tao, nagsasabi Siya sa tao ng ilang mga katotohanan. Nagsisilbi ang mga katotohanang ito bilang landas na susundan ng tao, ang daan na dapat lakaran ng tao, ang paraan na magbibigay-daan sa tao para matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, at ang landas na dapat isagawa at sundin ng mga tao sa kanilang mga buhay at sa kabuuan ng kanilang mga paglalakbay sa buhay. Ito ang mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang mga salitang ito sa tao. Ang mga salitang ito na nagbuhat sa Diyos ay dapat sundin ng tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susunod ang isang tao sa mga ito, hindi niya gagawin ang mga ito, at hindi niya isinasagawa ang mga salita ng Diyos, samakatuwid hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. At kung hindi nila isasagawa ang katotohanan, kung gayon hindi sila natatakot sa Diyos at hindi umiiwas sa kasamaan, at hindi rin nila nabibigyang-kasiyahan ang Diyos. Kung may taong hindi mabigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi nila maaaring tanggapin ang papuri ng Diyos; ang ganitong uri ng tao ay walang kalalabasan. Kaya sa landasin ng gawain ng Diyos paano Niya itatatag ang kalalabasan ng isang tao, kung gayon? Anong paraan ang ginagamit ng Diyos upang itatag ang kalalabasan ng tao? Marahil hindi masyadong malinaw ito sa inyo ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso magiging mas malinaw ito. Ito ay dahil maraming mga tao ang mismong nakaranas na dito.

    Sa kabuuan ng gawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa ngayon, naglaan ang Diyos ng mga pagsubok para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihin, ang bawat tao na sumusunod sa Kanya—at ang mga pagsubok na ito ay may iba’t ibang sukat. May mga taong nakaranas ng pagsubok na tatalikuran ng kanilang pamilya; may mga nakaranas sa pagsubok na salungatin ng kapaligiran; may mga nakaranas sa pagsubok na dinakip at pinahirapan; may mga nakaranas ng pagsubok na pinaharap sa isang pagpipilian; at may mga taong nahaharap sa mga pagsubok ng pera at katayuan. Sa pangkalahatan, ang bawat isa sa inyo ay humarap sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit ganyan ang pagturing ng Diyos sa lahat? Anong klaseng resulta ang gusto Niyang makita? Ito ang mahalagang punto na gusto Kong sabihin sa inyo: Nais ng Diyos na makita kung ang taong ito ay ang uri na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Ang ibig sabihin nito ay kapag nagbibigay ang Diyos sa iyo ng isang pagsubok, inihaharap ka sa ilang mga bagay-bagay, nais Niyang subukan kung ikaw ang taong may takot sa Diyos, ang taong umiiwas sa kasamaan. Kung ang isang tao ay nabigyan ng tungkulin na pag-iingatan ang handog, at ginalaw nila ang handog sa Diyos, sa tingin mo ito ba ay isang bagay na inilaan ng Diyos? Walang duda! Ang lahat ng mga bagay na kinakaharap mo ay bagay na inilaan ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, palihim na inoobserbahan ka ng Diyos, kung paano ang pagpili mo, kung paano ang pagsasagawa mo, kung ano ang iniisip mo. Ang kalalabasan ang pinaka-inaalala ng Diyos, dahil ito ang resulta na magpapahintulot sa Kanya upang masukat kung nakamit mo ba ang pamantayan ng Diyos sa pagsubok na ito. Gayunman, kapag nahaharap ang mga tao sa ilang mga bagay, madalas na hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, o sa pamantayan na hinihingi ng Diyos. Hindi nila iniisip ang tungkol sa kung ano ang nais ng Diyos na makita sa kanila, kung ano ang gusto Niyang makuha mula sa mga ito. Kapag nahaharap sa bagay na ito, ang iniisip lang ng ganitong uri ng tao ay: “Ito ang bagay na kinahaharap ko; dapat akong maging maingat, hindi dapat pabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog para sa Diyos at hindi ko maaaring galawin ito.” Naniniwala ang taong ito na maaari nilang matupad ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng simpleng pag-iisip na tulad nito. Masisiyahan ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito? O hindi Siya masisiyahan? Maaari ninyong talakayin ito. (Kung may takot sa Diyos ang isang tao sa kanyang puso, kapag nahaharap siya sa tungkulin na magpapahintulot sa kanya na maka-ugnay ang handog na para sa Diyos, isasaalang-alang niya kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, kaya sisiguraduhin niyang kumilos nang may pag-iingat.) Ang pagtugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi pa nagtatapos ito doon. Ang paglalakad sa landas ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan sa panlabas. Sa halip, ito ay nangangahulugan na kapag nahaharap ka sa isang bagay, una sa lahat, titingnan mo ito bilang isang pagkakataon na inilaan ng Diyos, isang tungkulin na ipinagkaloob Niya sa iyo, o isang bagay na ipinagkatiwala Niya sa iyo, at kapag nahaharap ka sa bagay na ito, dapat mo ring tingnan ito bilang isang pagsubok na nagmula sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, dapat may pamantayan ka, dapat mong isipin na nagmula ito sa Diyos. Dapat mong isipin kung paano mo pakikitunguhan ang bagay na ito para matupad mo ang iyong tungkulin, at maging tapat sa Diyos; kung paano itong gawin na hindi gagalitin ang Diyos, o magkasala sa Kanyang disposisyon. Katatalakay lang natin ang tungkol sa pag-iingat sa mga handog. Ang bagay na ito ay nauugnay sa mga handog, at nauugnay din ito sa iyong tungkulin, ang iyong pananagutan. May pananagutan ka sa tungkulin na ito. Ngunit kapag nahaharap ka sa bagay na ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon! Saan nanggagaling ang tukso na ito? Nanggagaling ang tukso na ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masama, tiwaling disposisyon ng tao. Dahil may tukso, nauugnay dito ang nagsisilbing patotoo; tungkulin at responsibilidad mo rin ang nagsisilbing patotoo. Sabi ng ilang mga tao: “Maliit na bagay lamang ito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Oo kailangan! Dahil upang makalakad sa landas ng Diyos, hindi natin maaaring pabayaan ang anumang bagay para masunod ang ating sarili, o anumang bagay na nangyayari sa ating paligid, kahit ang mga maliliit na bagay. Isipin man nating dapat bigyang-pansin ito o hindi, hangga’t nahaharap sa atin ang anumang bagay, hindi natin dapat isawalang-bahala ang mga ito. Dapat nating tingnan ang lahat ng mga ito bilang pagsubok ng Diyos sa atin. Ano sa tingin mo ang ganitong uri ng saloobin? Kung nasa iyo ang ganitong uri ng saloobin, pinatutunayan nito ang isang katotohanan: May takot ang iyong puso sa Diyos, at handang umiwas ang iyong puso sa kasamaan. Kung may pagnanais kang bigyang kasiyahan ang Diyos, kung gayon, hindi malayo ang isinasagawa mo sa pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

    Madalas mayroong mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi masyadong pinapansin ng mga tao, ang mga bagay na hindi karaniwang binabanggit—maliit lamang ang halaga ng mga bagay na ito, at wala silang balak isagawa ang katotohanan. Kapag nahaharap ang mga tao sa ganitong bagay, hindi nila ito pinapansin at pinababayaan lamang. Ngunit sa aktuwal na katotohanan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aaralan, isang aralin tungkol sa kung paano matakot sa Diyos, sa kung paano umiwas sa kasamaan. Bukod dito, ang dapat mo pang alalahanin ay ang pag-alam sa ginagawa ng Diyos kapag dumating ang bagay na ito sa harapan mo. Nasa tabi mo lang ang Diyos, inoobserbahan Niya ang bawat salita at kilos mo, inoobserbahan ang mga gawa mo, ang pagbabago ng isip mo—gawa ito ng Diyos. Sabi ng ilang mga tao: “Ngunit bakit hindi ko nararamdaman ito?” Hindi mo nadadama dahil hindi ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ang pinakamahalagang landas na sinusundan mo. Kaya, hindi mo nararamdaman ang banayad na gawain ng Diyos sa tao, na mismong naihahayag ayon sa iba’t ibang mga saloobin at mga pagkilos ng tao. Isa kang hangal! Alin ang malaking bagay? Alin ang maliit na bagay? Ang lahat ng mga bagay na nauugnay sa paglakad sa landas ng Diyos ay hindi nahahati sa malaki o maliit. Matatanggap ninyo ba iyon? (Matatanggap namin ito.) Sa mga tuntunin ng pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na ibinibilang ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ibang tiningnan nila bilang maliliit na mga bagay-bagay. Madalas na tinitingnan ng mga tao ang mga malalaking bagay bilang napakahalaga sa buhay, at ibinibilang nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunpaman, sa paggawa sa kabuuan ng mga malalaking bagay na ito, dahil sa musmos na tayog ng tao, at dahil sa mahinang kalibre ng tao, madalas ang tao na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, hindi siya makakuha ng anumang mga pagbubunyag, at hindi makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may kahalagahan. Kung tungkol sa mga maliliit na bagay, hindi lang pinapansin ng tao ang mga ito, unti-unting napababayaan. Kaya, nawala nila ang maraming pagkakataon upang masiyasat sa harapan ng Diyos, para masubok Niya. Kung lagi mong ipagsasawalang-bahala ang mga bagay na ito at ang mga pagkakataon na itinakda ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa bawat araw, kahit na ang bawat sandali, palagi mong tinatalikdan ang pagperpekto ng Diyos sa iyo, at pati na ang pamumuno ng Diyos. Sa tuwing nagtatakda ang Diyos ng isang pagkakataon para sa iyo, palihim Siyang tumitingin, tumitingin Siya sa iyong puso, tinitingnan Niya ang iyong mga saloobin at mga pagsasaalang-alang, tinitingnan Niya kung paano ka mag-isip, at kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang tao na hindi kailanman naging seryoso sa landas ng Diyos, sa salita ng Diyos, o sa katotohanan—hindi ka rin magiging maingat, hindi mo bibigyan ng pansin ang mga bagay na nais ng Diyos na maganap, at ang mga bagay na hihingin ng Diyos sa iyo kapag Siya ay magtatakda ng kaganapan na para sa iyo. Hindi mo rin alam kung paano nauugnay ang mga pang-araw-araw na mga bagay na ito sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang mga paulit-ulit na mga pangyayari at pagsubok na tulad nito, paano magpapatuloy ang Diyos kung wala naman Siyang nakikita na anumang mga nagawa sa ilalim ng iyong pangalan? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo pinupuri ang Diyos sa iyong puso, at ang mga pangyayaring itinakda ng Diyos para sa iyo ay hindi mo siniseryoso—bilang mga pagsubok o pagsusuri ng Diyos. Sa halip sunud-sunod mong tinatanggihan ang mga pagkakataon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at paulit-ulit mo silang hinahayaang lumipas. Hindi ba malaking pagsuway ito ng tao? (Oo.) Hindi ba malulungkot ang Diyos dahil dito? (Oo.) Hindi malulungkot ang Diyos! Ang marinig Akong mangusap nang tulad nito ay muling nakagulat sa inyo. Gayon pa man, hindi ba nabanggit kanina na laging nalulungkot ang Diyos? Hindi malulungkot ang Diyos? Kailan malulungkot ang Diyos kung gayon? Tutal, hindi naman nalulungkot ang Diyos sa ganitong sitwasyon. Ano ngayon ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugali na nabanggit sa itaas? Kapag tinanggihan ng mga tao ang mga pagsubok, mga pagsusuri, na ipinadadala sa kanila ng Diyos, kapag naging pabaya sila sa mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos para sa mga taong ito. Anong saloobin ito? Kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao mula sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “kinasusuklaman.” Paano Ko ipaliliwanag ang mga ito? Sa totoo lang, nagdadala ang salita ng kahulugan ng pagkamuhi, ng poot. At tungkol sa pangalawang antas ng kahulugan? Iyan ang bahagi na nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko”, tama ba? Sa madaling sabi, ang kahulugan ng pagkasuklam ay ang pinakamatinding reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga tao na kumikilos sa ganitong paraan. Ito ang pinakamatinding galit Niya sa kanila, pagkasuklam, at ang desisyon na pag-abandona sa mga ito. Ito ang pangwakas na desisyon ng Diyos sa isang tao na hindi kailanman lumakad sa landas ng Diyos, na hindi kailanman natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nakikita na ba ninyong lahat ang kahalagahan ng kasabihang tinalakay Ko?

     Naiintindihan niyo na ba ang paraan ng Diyos sa pagtatatag ng kalalabasan ng tao? (Pagtatalaga ng iba’t ibang mga pangyayari sa araw-araw.) “Pagtatalaga ng iba’t ibang pangyayari”—ito ang nararamdaman at nararanasan ng mga tao. Ano ang motibo ng Diyos para dito? Ang motibo ay nais ng Diyos na bigyan ang bawat tao ng mga pagsubok sa iba’t ibang paraan, sa iba’t ibang panahon, at sa iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng tao ang masusubok sa isang pagsubok? Isa ka mang uri o hindi ng tao na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa bawat bagay na hinaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Ang bawat tao ay haharap sa ganitong uri ng pagsubok, sapagkat makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sabi ng ilang mga tao: “Nanampalataya ako sa Diyos sa maraming taon; bakit hindi ako naharap sa kahit isang pagsubok?” Sa tingin mo hindi ka pa nahaharap sa isang pagsubok dahil kapag nagtatakda ang Diyos ng mga pangyayari para sa iyo, hindi mo ito sineseryoso, at ayaw mong lumakad sa landas ng Diyos. Kaya wala kang naramdaman na kahit anong pagsubok ng Diyos. Sabi ng ilang mga tao: “Naharap ako sa ilang mga pagsubok, ngunit hindi ko alam ang tamang paraan ng pagsasagawa. Kahit na nagsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung tumayo ba ako ng panatag sa panahon ng pagsubok.” Tiyak na hindi sa minorya ang mga taong may ganitong uri ng sitwasyon. Kaya ano ang pamantayan na panukat ng Diyos sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Ang lahat ng mga gagawin mo, lahat ng mga bagay na iniisip mo, at lahat ng mga bagay na ipinahahayag mo—ito ba ay pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Ito ang paraan kung paano matutukoy kung ikaw ay isang tao na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Simpleng konsepto ba ito? Napakadali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi masyadong madali.) Bakit hindi masyadong madali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, hindi nila alam kung paano pineperpekto ng Diyos ang tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila alam kung paano humanap ng katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema; kailangan dumaan ang mga tao sa iba’t ibang mga pagsubok, mga kapinuhan, pagkastigo, at mga paghatol, bago sila magkaroon ng totoong takot sa Diyos.) Itinuturing ninyong ganyan, ngunit sa pananaw ninyo, tila madaling gawin ngayon ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa napakaraming mga sermon, at nakatanggap ng hindi ganoon kaliit na sukat ng pagdidilig ng reyalidad ng katotohanan. Ito ang nagbigay-daan sa inyo upang maunawaan kung paano ang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan sa mga tuntunin ng teyorya at pag-iisip. Sa pagsasaalang-alang sa pagsasagawa ninyo sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, nakatutulong ang lahat ng mga ito at pakiramdam ninyo na madali ninyong matamo ang bagay na ito. Ngunit bakit hindi ito makamit ng mga tao sa aktuwal na katotohanan? Dahil ang pinakadiwa ng tao ay hindi takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Iyan ang tunay na dahilan.

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Iwasan ang Kasamaan ay Pagtutol sa Diyos

    Simulan natin sa pamamagitan ng pagtalakay sa pinanggalingan ng kasabihan na ito, “matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan”. (Ang Aklat ni Job.) Ngayon na binanggit ninyo si Job, tatalakayin natin siya. Noong panahon ni Job, gumagawa ba ang Diyos na para sa paglupig at kaligtasan ng tao? Hindi, gumawa ba? Kung tungkol kay Job, gaano karami ang kaalaman niya tungkol sa Diyos sa panahon na iyan? (Kaunting kaalaman lang.) At paano ihahambing ang kaalaman na yan tungkol sa Diyos kumpara sa kaalaman ninyo ngayon? Bakit wala kayong lakas ng loob na sagutin ito? Ang kaalaman ba ni Job ay mas marami o mas kaunti kaysa sa kaalaman na mayroon kayo ngayon? (Mas kaunti.) Ito ay isang tanong na napakadaling sagutin. Mas kaunti! Ito ay tiyak! Kayo ay nakaharap na sa Diyos, at nakaharap sa salita ng Diyos. Ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos ay higit sa kaalaman ni Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit ganito ang pananalita Ko? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katotohanan sa inyo, ngunit bago Ko gawin, gusto Ko munang magtanong sa inyo: Napakaliit ang alam ni Job tungkol sa Diyos, ngunit kaya niyang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Bakit kaya nabibigo ngayon ang mga tao na gawin ito? (Malalim na katiwalian.) “Malalim na katiwalian”—iyan ang pinalilitaw ng tanong, ngunit hindi ganito ang pananaw Ko dito. Madalas na kinukuha ninyo ang mga doktrina at mga liham na karaniwan ninyong nasasambit, tulad ng “malalim na katiwalian,” “pagrerebelde laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “hindi paggusto sa katotohanan,” at ginagamit ninyo ang mga sikat na pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat katanungan. May depekto itong paraan ng pagsasagawa. Ang paggamit sa mga sagot na ito upang ipaliwanag ang mga tanong sa magkakaibang kalikasan ay tiyak na magdudulot ng pahiwatig ng paglapastangan sa katotohanan at sa Diyos. Ayaw kong marinig itong uri ng sagot. Pag-isipan mo ito! Wala sa inyo ang nakaisip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko at nararamdaman Ko ito sa bawat araw. Kaya, ginagawa ninyo ito, at nakikita Ko. Kapag ginagawa ninyo ito, hindi ninyo nararamdaman ang diwa ng bagay na ito. Ngunit kapag nakita Ko ito, nakikita at nararamdaman Ko ang kanyang diwa. Kaya ano ang diwa na ito? Bakit ang mga tao ngayon ay hindi magawang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan? Ang mga sagot ninyo ay napakalayo upang ipaliwanag ang diwa ng tanong na ito, at hindi nila kayang lutasin ang diwa ng tanong na ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan dito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulan na ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang tungkol sa pinagmulan ng tanong na ito.

    Sa pinakasimula ng gawa ng Diyos, paano ang pagturing Niya sa tao? Iniligtas ng Diyos ang tao; Nilingap Niya ang tao bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya, bilang sentro ng Kanyang gawa, ang gusto Niyang lupigin, upang iligtas, at ang nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa tao sa pasimula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng tao sa Diyos sa panahon na iyon? Ang Diyos ay kakaiba sa tao, at itinuturing ng tao ang Diyos bilang isang estranghero. Maaaring sabihin na hindi tama ang saloobin ng tao sa Diyos, at hindi malinaw sa tao kung paano niya pakikitunguhan ang Diyos. Kaya itinuring niya ang Diyos sa anumang nagustuhan niyang pagtrato, at ginawa niya ang anumang gusto niya. May pananaw ba ang tao tungkol sa Diyos? Sa simula, walang kahit anong pananaw sa Diyos ang tao. Ang tinaguriang pananaw ng tao ay pawang mga pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos. Tinanggap ang bagay na umayon sa mga pagkaintindi ng mga tao; ang hindi umayon ay sinunod nang pakunwari, ngunit nilabanan at sinagupa ng mga tao sa kanilang mga puso. Ito ang relasyon ng tao at ng Diyos sa simula: Itinuring ng Diyos ang tao bilang isang miyembro ng pamilya, ngunit itinuring ng tao ang Diyos bilang isang estranghero. Ngunit pagkatapos ng ilang panahon na paggawa ng Diyos, naunawaan ng tao ang sinusubukang makamit ng Diyos. Naunawaan ng mga tao na ang Diyos ay ang tunay na Diyos, at nalaman nila na maaari silang humingi sa Diyos. Ano na ang pagtrato ng tao sa Diyos sa panahong ito? Itinuturing ng tao ang Diyos bilang isang daluyan ng buhay, umaasa siyang makakuha ng biyaya, makakuha ng mga pagpapala, makakuha ng mga pangako. At ano ang pagtuturing ng Diyos sa tao sa sandaling ito? Itinuturing ng Diyos ang tao bilang layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan ang tao, upang masiyasat ang tao, upang mabigyan ang tao ng mga pagsubok. Ngunit para sa tao sa puntong ito, ang Diyos ay isang bagay na maaari niyang gamitin upang makamit ang sarili niyang mga layunin. Nakita ng mga tao na maaari silang lupigin at iligtas ng katotohanan na ibinibigay ng Diyos sa kanila, at nagkaroon sila ng isang pagkakataon upang makamit ang mga bagay na ninanais nila mula sa Diyos, ang hantungan na nais nila. Dahil dito, nabuo ang isang maliit na katapatan sa kanilang mga puso, at handa silang sundin ang Diyos na ito. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkaroon ang mga tao ng ilang mga mabababaw at dogmatikong kaalaman tungkol sa Diyos. Maaaring sabihin na nagiging mas “pamilyar” sila sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga salitang ipinahayag ng Diyos, ang Kanyang pangangaral, ang katotohanan na Kanyang ibinigay, at ang Kanyang gawa—ang mga tao ay higit pang naging “pamilyar.” Kaya, nagkamali ang mga tao sa pag-aakala nilang hindi na kakaiba ang Diyos, at naglalakad na sila sa landas ng pagiging katanggap-tanggap sa Diyos. Hanggang ngayon, nakikinig ang mga tao sa napakaraming mga sermon tungkol sa katotohanan, at nakaranas sila ng maraming mga gawain ng Diyos. Ngunit dahil sa mga panghihimasok at mga paghahadlang ng iba’t ibang mga kadahilanan at mga pangyayari, hindi naisasagawa ng karamihan sa mga tao ang katotohanan, at hindi nila nabibigyan-kasiyahan ang Diyos. Palala nang palala ang pagiging pabaya ng mga tao, palala nang palala ang kakulangan nila ng pananalig. Lumalala ang pakiramdam nilang walang kasiguruhan ang kanilang kalalabasan. Wala silang lakas ng loob na mag-isip ng magarang mga ideya, at wala silang hangad na kamtin ang anumang mga pag-unlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, pasulong nang paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng tao, ano ang saloobin ng Diyos sa tao? Ang tanging nais ng Diyos ay ang ibigay ang mga katotohanang ito sa tao, at puspusin sila ng Kanyang paraan, at pagkatapos ay maglaan ng iba’t ibang mga pangyayari upang subukan ang tao sa iba’t ibang paraan. Ang layunin Niya ay ang gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, upang magdulot ng isang kalalabasan kung saan ang tao ay maaaring matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lang ang salita ng Diyos bilang mga doktrina, itinuturing ito bilang mga liham, bilang mga regulasyon na kailangang sundin. Kapag nahaharap sila sa mga bagay at nagsasalita, o nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila iginagalang ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalo itong totoo kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking mga pagsubok; wala pa Akong nakikitang sinuman na lumakad sa direksyon ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Dahil dito, ang saloobin ng Diyos sa tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw. Pagkatapos nang paulit-ulit na pagbibigay ng Diyos ng mga pagsubok sa mga tao, kahit na daan-daang beses, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang ipakita ang kanilang pagpupunyagi—gusto kong matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan! Dahil wala sa mga tao ang pagpupunyaging ito, at hindi nila ipinakikita ito, hindi na katulad ng nakaraan ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang awa, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang pagtitimpi, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang pagtitimpi at pagtitiis. Sa halip, lubos ang pagkabigo Niya sa tao. Sino ang sanhi ng pagkabigong ito? Ang uri ng saloobin ng Diyos sa tao, kanino kaya nakasalalay ito? Nakasalalay ito sa bawat tao na sumusunod sa Diyos. Sa maraming taon nang Kanyang paggawa, marami ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at maraming mga pangyayari ang itinakda Niya para sa tao. Ngunit gaano man kahusay gumanap ang tao, at anuman ang saloobin ng tao sa Diyos, hindi maisagawa ng tao nang malinaw na alinsunod sa layunin na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kaya, ibubuod Ko ito sa isang kasabihan, at gagamitin Ko ang kasabihan na ito para ipaliwanag ang lahat ng mga tinalakay natin tungkol sa kung bakit hindi nakalalakad ang mga tao sa landas ng Diyos—matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Ano ang kasabihan na ito? Ang kasabihang ito ay: Itinuturing ng Diyos ang tao bilang layon ng Kanyang kaligtasan, ang layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng tao ang Diyos bilang kanyang kaaway, bilang kabaliktaran niya. Malinaw na ba ang bagay na ito sa iyo ngayon? Ano ang saloobin ng tao; ano ang saloobin ng Diyos; ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos—ang lahat ng mga ito ay napakalinaw. Gaano man karami ang mga sermon na inyong pinakinggan, ang mga bagay na inyong binuod para sa inyong mga sarili—tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagsunod sa Diyos, paghahanap ng paraan para maging katanggap-tanggap sa Diyos, pagnanais na gugulin ang habambuhay para sa Diyos, pamumuhay para sa Diyos—para sa Akin ang mga bagay na ito ay hindi may-kamalayang paglakad sa landas ng Diyos, na pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa halip, ang mga ito ay landas kung saan makakamit ninyo ang tiyak na mga layunin. Upang makamit ang mga layuning ito, may pag-aatubili kayong sumunod sa ilang mga regulasyon. At tiyak na ang mga regulasyon na ito ang nagdudulot sa mga tao upang mas lalong lumayo sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang naglalagay sa Diyos bilang kasalungat ng tao.

    Medyo mabigat ang katanungan na tinatalakay natin ngayon, ngunit kahit ano pa man, umaasa pa rin Ako na kapag dadaan na kayo sa mga karanasan na darating, at sa mga panahong darating, maaari ninyong gawin ang bagay na kasasabi Ko lang. Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang Diyos at huwag niyo Siyang ituring na parang walang halaga, pakiramdam ay umiiral Siya sa mga panahon na kailangan Siya, ngunit pakiramdam ay hindi umiiral kapag walang kailangan sa Kanya. Kapag wala kang kamalay-malay na ganito ang uri ng pag-unawa mo, ginalit mo na ang Diyos. Marahil, may ilang mga taong nagsasabi: “Hindi ko itinuturing ang Diyos na parang walang halaga, palagi akong nananalangin sa Diyos, palagi ko Siyang binibigyang-kasiyahan, at ang lahat ng mga ginagawa ko ay nasa saklaw at mga pamantayan ng mga prinsipyo na hinihingi ng Diyos. Tiyak akong hindi ako lumalakad ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay ay tama. Ngunit ano sa tingin mo kapag naharap ka sa isang bagay? Paano ang iyong pagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang bagay? Sa pakiramdam ng ilang mga tao umiiral ang Diyos kapag nananalangin at umaapila sila sa Kanya. Ngunit kapag nahaharap sa isang bagay, bumubuo sila ng sariling mga ideya at nais nilang sumunod sa mga ito. Ito ay pagturing sa Diyos na parang walang halaga. Ang ganitong uri ng sitwasyon ay pagturing sa Diyos bilang di-umiiral. Sa tingin ng mga tao dapat iiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, at huwag umiral kapag hindi nila Siya kailangan. Sa tingin ng mga tao ang pagsunod sa sarili nilang mga ideya sa pagsasagawa ay sapat na. Naniniwala silang maaari nilang gawin ang mga bagay sa kahit anong paraan na gusto nila. Naniniwala silang hindi nila kailangan hanapin ang landas ng Diyos. Kasalukuyang nasa ganitong kalagayan ang mga tao, sa uri ng kalagayan na ito—hindi ba sila nasa bingit ng panganib? Sabi ng ilang mga tao: “Hindi alintana kung ako man ay nasa bingit ng panganib o hindi, sumampalataya ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala akong hindi ako iiwan ng Diyos dahil hindi Niya kayang iwanan ako.” Sinasabi ng ilang mga tao: “Mula sa panahon na nasa sinapupunan pa lang ako ng aking ina, naniniwala na ako sa Panginoon, mula noon hanggang ngayon, mga apatnapu o limampung taon sa kabuuan. Kung sa tuntunin ng panahon, ako na ang pinakakwalipikadong ililigtas ng Diyos; Ako ang pinakakwalipikadong maligtas. Sa loob ng panahong apat o limang dekada, inabandona ko ang aking pamilya at ang aking trabaho. Tinalikdan ko ang lahat na mayroon ako, tulad ng pera, katayuan, kasiyahan at oras para sa pamilya; hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain; hindi ko tinangkilik ang maraming nakaaaliw na mga bagay; hindi ko pinasyalan ang maraming mga kagiliw-giliw na mga lugar; naranasan ko pa ang paghihirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako ililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng mga ito, ibig sabihin ay tinatrato ako nang hindi makatarungan at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang mga tao ang may ganitong uri ng pananaw? (Napakarami nila.) Tutulungan Ko kayo ngayon na maunawaan ang isang katotohanan: Binabaril ng bawat taong may ganitong uri ng pananaw ang sarili nilang mga paa. Dahil ginagamit nila ang sarili nilang mga imahinasyon upang takpan ang kanilang mga mata. Ito mismong kanilang mga imahinasyon, at ang sarili nilang mga konklusyon ang pumapalit sa pamantayan sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, ang pumipigil sa kanila upang tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos, na ginagawa nila upang hindi nila maramdaman ang tunay na pag-iral ng Diyos, at dahilan para mawala nila ang pagkakataong gawing perpekto ng Diyos at mawalan ng lugar o bahagi sa pangako ng Diyos.

Paano Itinatatag ng Diyos ang Kalalabasan ng Tao at ang Pamantayan ng Pagtatatag Niya sa Kalalabasan ng Tao

    Bago ka magkaroon ng anumang sariling mga pananaw o mga konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, kung ano ang iniisip ng Diyos, bago ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong pag-iisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang pamantayan ng oras upang itakda ang kalalabasan ng isang tao, at hindi Niya kailanman ginamit ang sukat ng paghihirap na tiniis ng isang tao upang itakda ang kanilang kalalabasan. Kung gayon ano ang ginagamit ng Diyos na pamantayan sa pagtakda ng kalalabasan ng tao? Ang paggamit sa mga pamantayan ng panahon upang itakda ang kalalabasan ng isang tao—ito ang madalas na tumatalima sa mga pagkaintindi ng mga tao. At mayroon ding mga indibidwal na madalas ninyong makita, ang mga tao na sa isang punto ay nakatuon nang husto, gumugol ng marami, nagbayad ng malaki, nagdusa nang matindi. Ang mga ito ay ang mga, sa pananaw ninyo ay, maaring iligtas ng Diyos. Ang lahat ng mga ipinakikita ng mga taong ito, ang tanging isinabubuhay nila, ay tiyak na pagkaintindi ng sangkatauhan tungkol sa pamantayang gagamitin ng Diyos sa pagtatakda ng kalalabasan ng tao. Hindi alintana kung ano ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko iisa-isahing ililista ang mga halimbawang ito. Sa makatuwid, hangga’t hindi ito ang pamantayan ng sariling pag-iisip ng Diyos, tiyak na nagmula ito sa imahinasyon ng tao, at ito ay ganap na mga pagkaintindi ng tao. Ano ang kahihinatnan ng pikit-matang paggiit mo sa sarili mong pagkaintindi at imahinasyon? Walang alinlangan, ang tanging kahihinatnan ay ang pagkamuhi ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinagpaparangalan ang mga kwalipikasyon mo sa harapan ng Diyos, nakikipagkumpitensya at nakikipagtalo ka sa Diyos, at hindi mo sinubukang tunay na unawain ang kaisipan ng Diyos, at hindi mo rin sinubukang unawain ang mga layunin at saloobin ng Diyos na para sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy na tulad nito ay pagpuri sa iyong sarili higit sa lahat, hindi pagpuri sa Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang ganitong uri ng tao, at hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kung mapakakawalan mo ang ganitong uri ng pananaw, at maitatama mo ang mga maling pananaw ng nakaraan; kung makapagpapatuloy ka na ayon sa mga hinihingi ng Diyos; mula sa puntong ito simulan mo nang isabuhay ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan; parangalan mo ang Diyos bilang dakila sa lahat ng bagay; huwag mong gamitin ang sarili mong mga kinahuhumalingan, mga pananaw, o mga paniniwala upang pakahulugan ang iyong sarili, pakahulugan ang Diyos. At sa halip, hanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, kamtin mo ang isang pagtanto at pag-unawa sa mga saloobin ng Diyos sa sangkatauhan, at gamitin mo ang pamantayan ng Diyos upang masiyahan Siya—kahanga-hanga ang bagay na iyan! Ito ay nangangahulugang paumpisa ka na sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

    Yamang hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pag-iisip ng mga tao sa ganito o sa ganoong paraan, ang kanilang mga ideya at pananaw, bilang batayan upang itakda ang kalalabasan ng tao, kung gayon anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya? Ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok upang itakda ang kalalabasan ng tao. Mayroong dalawang mga pamantayan sa paggamit ng mga pagsubok upang itakda ang kalalabasan ng tao: Ang una ay ang bilang ng mga pagsubok na pinagdaanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang resulta ng mga pagsubok na ito. Ito ang dalawang tagapagpahiwatig na magtatakda sa kalalabasan ng tao. Ngayon ipapaliwanag natin ang dalawang mga pamantayang ito.

    Una sa lahat, kapag ikaw ay nahaharap sa isang pagsubok mula sa Diyos (tandaan: Posibleng maliit lamang ang pagsubok na ito sa iyong mga mata at walang saysay para banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan kang kamay ng Diyos ito sa iyo, at ang Diyos ang naglaan sa pangyayaring ito para sa iyo. Kapag musmos pa ang iyong tayog, maglalaan ang Diyos ng mga pagsubok upang subukin ka. Tutugma ang mga pagsubok na ito sa iyong tayog, kung saan ito ay iyong mauunawaan at mapaglalabanan. Anong bahagi sa iyo ang susubukin? Susubukin ang saloobin mo sa Diyos. Malaki ba ang kahalagahan ng saloobin na ito? Siyempre ito ay mahalaga! Karagdagan pa, bukod-tangi itong mahalaga! Dahil itong saloobin ng tao ang resulta na gusto ng Diyos, ito ang pinakamahalagang bagay para sa Diyos. Kung hindi gayon, ang Diyos ay hindi sana gugugol ng Kanyang pagsisikap sa mga tao sa ganitong uri ng mga gawain. Nais ng Diyos na makita ang saloobin mo sa Kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito; gusto Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi; at nais Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, hindi alintana sa pagkakataon na yan kung marami o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan, haharap ka pa rin sa pagsubok ng Diyos, at kasunod sa anumang pag-unlad sa dami ng katotohanang nauunawaan mo, magpapatuloy ang Diyos sa paglalaan ng mga pagsubok na para sa iyo. Kapag muli kang nahaharap sa isang pagsubok, nais ng Diyos na makita kung ang mga pananaw, mga ideya, at ang saloobin mo sa Diyos ay may anumang paglago sa sandaling iyan. Sabi ng ilang mga tao: “Bakit nais ng Diyos na laging makita ang mga saloobin ng mga tao? Hindi ba nakita ng Diyos ang paraan ng pagsasagawa nila sa katotohanan? Bakit nais pa rin Niyang makita ang mga saloobin ng tao?” Isa itong kalokohang walang kabuluhan! Yamang ganito gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob ang Kanyang mga layunin dito. Laging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao, minamasdan ang bawat salita at gawa nila, ang bawat kilos at galaw nila, kahit ang bawat pag-iisip at mga ideya nila. Ang lahat ng mga mangyayari sa mga tao: ang mga mabubuting gawa, ang mga pagkakamali, ang mga kasalanan, at kahit ang mga pagrerebelde at pagkakanulo nila, itatala lahat ng Diyos ang mga ito bilang ebidensiya sa pagtataguyod ng kanilang mga kalalabasan. Habang lumalaki nang paunti-unti ang gawain ng Diyos, makaririnig ka ng higit pang mga katotohanan, tatanggapin mo ang higit pang mga positibong bagay, mga positibong impormasyon, at ang reyalidad ng katotohanan. Sa pag-usad ng prosesong ito, madadagdagan din ang mga kahilingan ng Diyos sa iyo. Kasabay nito, maglalaan din ang Diyos ng mas mabibigat na mga pagsubok para sa iyo. Ang Kanyang layunin ay upang suriin kung umunlad ba ang saloobin mo sa Diyos sa pagkakataon na yan. Siyempre, sa panahon na ito, ang pananaw na hihilingin ng Diyos sa iyo ay naaayon sa pagkaunawa mo sa reyalidad ng katotohanan.

    Habang dahan-dahan na umuunlad ang iyong tayog, ang pamantayan na hihilingin ng Diyos sa iyo ay dahan-dahan din na madadagdagan. Kapag musmos ka pa, magbibigay ang Diyos sa iyo ng isang napakababang pamantayan; kapag mas mataas na ang iyong tayog, magbibigay ang Diyos sa iyo ng mas mataas na pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka ng Diyos sa mas malalaki pang mga pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais ng Diyos na matamo, ang nais ng Diyos na makita, ay ang mas malalim na kaalaman mo tungkol sa Diyos at ang tunay na takot mo sa Kanya. Sa pagkakataon na ito, ang mga hihilingin ng Diyos sa iyo ay mas mataas at “mas malupit” kaysa sa hiniling Niya noong mas musmos pa ang iyong tayog (tandaan: Tinitingnan ito ng mga tao bilang malupit, ngunit para sa Diyos ito ay makatwiran). Kapag nagbibigay ang Diyos ng mga pagsubok sa mga tao, anong uri ng reyalidad ang nais Niyang gawin? Patuloy na hinihiling ng Diyos na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao: “Paano ang pagbigay ng isang tao nito? Ginagawa ko ang aking tungkulin, iniwan ko ang tahanan at kabuhayan ko, gumugol ako para sa Diyos. Hindi ba ito halimbawa ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Sa paanong paraan ko pa maaaring ibigay ang aking puso sa Diyos? Maaari kaya na ang mga ito ay hindi halimbawa ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Ano ang tiyak na hinihiling ng Diyos?” Napakasimple ang kahilingan na ito. Sa katunayan, may ilang mga tao ang nagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba’t ibang antas at sa iba’t ibang yugto ng kanilang mga pagsubok. Ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag nagbibigay ng isang pagsubok ang Diyos sa iyo, nakikita ng Diyos kung ang puso mo ay sa Kanya, sa laman, o kay Satanas. Kapag nagbibigay ng isang pagsubok ang Diyos sa iyo, nakikita ng Diyos kung sumasalungat ka o kaayon ka sa Kanya, at nakikita Niya kung nasa panig Niya ang iyong puso. Kapag wala ka pa sa gulang at nahaharap ka sa mga pagsubok, ang iyong tiwala ay napakababa, at hindi mo alam kung ano ang kailangan mong gawin upang bigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos dahil limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Sa kabila ng lahat na ito, maaari mo pa ring gawin ang tunay at taimtim na pananalangin sa Diyos, maging handang ibigay ang iyong puso sa Diyos, gawin ang Diyos bilang pinakanamumuno sa buhay mo, at maging handa upang ialay sa Diyos ang mga bagay na pinakamahalaga sa pananaw mo. Ganito kapag naibigay mo na ang iyong puso sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming mga sermon, at mas dumarami ang nauunawaan mong katotohanan, lalago rin nang dahan-dahan ang iyong tayog. Ang pamantayan na hinihiling ng Diyos sa iyo sa panahon na ito ay magkaiba sa hiniling sa iyo nang wala ka pa sa gulang; Hihiling Siya ng mas mataas na pamantayan kaysa sa ibinigay Niya noon. Kapag unti-unting ibinibigay sa Diyos ang puso ng tao, ito ay palapit nang palapit sa Diyos; kapag tunay nang malapit ang tao sa Diyos, unti-unti silang nagkakaroon ng isang puso na may takot sa Kanya. Nais ng Diyos ang ganitong uri ng puso.

    Kapag nais ng Diyos na makuha ang puso ng isang tao, bibigyan Niya sila ng maraming mga pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi makukuha ng Diyos ang puso ng taong ito, o kung hindi Niya makikita na may anumang saloobin ang taong ito—ang ibig sabihin ay hindi Niya nakikita na nag-uumpisa ang taong ito sa paggawa ng mga bagay o kumikilos sa isang paraan na may takot sa Diyos, at hindi Niya nakikita mula sa taong ito ang isang saloobin at kapasyahan na umiwas sa kasamaan. Kung ganito pa rin ito, pagkatapos ng maraming mga pagsubok, iuurong ng Diyos ang pagtitiis Niya sa indibidwal na ito, at hindi na Siya magpaparaya para sa taong ito. Hindi na Siya magbibigay ng mga pagsubok sa kanila, at hindi na Siya gagawa pa sa buhay ng mga ito. Kung gayon, ano ang kinalaman nito sa kalalabasan ng taong ito? Ito ay nangangahulugan na wala silang kalalabasan. Posible na walang nagawang masama ang taong ito. Posible rin na wala silang ginawang nakagagambala o nakaaabala. Posible rin na hindi sila lantarang lumalaban sa Diyos. Gayunman, ang puso ng taong ito ay nakatago mula sa Diyos. Hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi malinaw para sa Diyos kung ibinigay ba nila sa Kanya ang kanilang mga puso, at hindi malinaw para sa Kanya kung nagsisikap ba ang taong ito na hangarin na matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Naubos na ang pagtitiis ng Diyos para sa mga taong ito, hindi na Siya magdurusa, hindi na Siya magbibigay ng awa, at hindi na Siya gagawa sa buhay ng mga ito. Tapos na ang paniniwala ng taong ito sa Diyos. Ito ay dahil sa lahat ng maraming mga pagsubok na ibinigay ng Diyos sa taong ito, hindi natamo ng Diyos ang resulta na gusto Niya. Kaya, napakaraming mga tao ang hindi Ko nakitaan ng pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Paano nakikita ang bagay na ito? Ang ganitong uri ng tao ay maaaring nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, at napaka-aktibo nila sa panlabas. Maraming mga libro ang binasa nila, maraming mga gawain ang pinangasiwwan nila, gumawa sila ng napakaraming tala, at naging dalubhasa sila sa maraming mga liham at mga doktrina. Subalit, kailanman walang anumang nakikita na paglago, at nakikitang pananaw patungkol sa Diyos mula sa taong ito, at wala ring anumang malinaw na saloobin sa kanya. Iyon ang ibig sabihin na hindi mo nakikita ang puso ng taong ito. Laging balot ang kanilang puso, selyado ang kanilang mga puso—selyado ito para sa Diyos, kaya hindi nakita ng Diyos ang tunay na puso ng taong ito, hindi Niya nakita ang tunay na takot ng taong ito sa Diyos at mas lalo na, hindi Niya nakita kung paano lumakad ang taong ito sa landas ng Diyos. Kung hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng Diyos ang ganitong uri ng tao, makakamit kaya Niya sila sa hinaharap? Hindi Niya magagawa! Ipagpipilitan ba ng Diyos ang mga bagay na hindi natatamo? Hindi! Kung gayon, ano ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa mga taong ito? (Kinasusuklaman Niya sila, hindi Niya sila pakikinggan.) Hindi Niya sila pakikinggan! Hindi pakikinggan ng Diyos ang ganitong uri ng tao; Kinasusuklaman Niya sila. Nakabisado ninyo agad ang mga salitang ito, napakatumpak. Tila naintindihan ninyo kung ano ang inyong narinig!

    May ilang mga tao na, sa simula ng pagsunod nila sa Diyos, sila ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawan ang mga layunin ng Diyos; hindi rin nila alam kung paano ang maniwala sa Diyos, niyakap nila ang gawa ng tao at maling paraan ng paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap sa isang pagsubok ang ganitong uri ng tao, hindi nila alam ito, at manhid sila sa gabay at pagliliwanag ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos, at ang ibig sabihin ng matatag na manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Magbibigay ang Diyos ng limitadong oras sa taong ito, at sa panahon na ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang pagsubok ng Diyos, kung ano mga layunin ng Diyos. Pagkatapos nito, kailangang ipakita ng taong ito ang kanyang pananaw. Tungkol sa mga tao na nasa baitang na ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol sa mga tao na paurong-sulong pa rin ang pananaw, na nagnanais ibigay sa Diyos ang kanilang puso pero hindi nila kayang gawin ito, na, bagama’t inilalagay nila sa pagsasagawa ang ilang mga pangunahing katotohanan, kapag nahaharap sila sa isang malaking pagsubok, ay umiilag at nais sumuko—ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong ito? May maliit pa rin na inaasahan ang Diyos sa mga taong ito. Ang resulta ay nakasalalay sa kanilang mga pag-uugali at mga pagganap. Paano ang tugon ng Diyos kung hindi aktibo ang mga tao sa pagsulong? Sumusuko Siya. Dahil bago pa man sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa iyong sarili. Kaya, hindi mo maaaring sisihin ang Diyos sa paggawa nito, kaya mo ba? Makatarungan ba ito? (Ito ay makatarungan.)

Isang Praktikal na Tanong na Nagdadala ng Lahat ng Uri ng Kahihiyan sa mga Tao

    May isa pang uri ng tao na may pinakakalunus-lunos na kalalabasan sa lahat. Ito ang mga taong pinaka-ayaw Kong binabanggit. Hindi ito kalunus-lunos dahil tatanggapin ng mga taong ito ang kaparusahan ng Diyos, o dahil ang hinihiling ng Diyos sa kanila ay malupit at mayroong nakapanlulumong kalalabasan. Sa halip, nakapanlulumo ito dahil mismong ginagawa nila ito sa kanilang sarili, gaya ng madalas na sinasabi: Hinuhukay nila ang sarili nilang libingan. Anong uri ng tao ito? Ang taong ito ay hindi lumalakad sa tamang landas, at naihahayag nang patiuna ang kanilang kalalabasan. Ibinibilang ng Diyos ang ganitong uri ng tao na sukdulang sentro ng Kanyang pagkamuhi. Tulad ng sinasabi ng mga tao, ang mga ito ang pinakakalunus-lunos sa lahat. Ang ganitong uri ng tao ang pinakamasigasig sa simula ng pagsunod sa Diyos; marami silang pagdurusa; mayroon silang mahusay na opinyon tungkol sa gawain ng Diyos; puno sila ng imahinasyon tungkol sa sarili nilang hinaharap; masigasig ang tiwala nila sa Diyos, naniniwala silang kayang gawing ganap ng Diyos ang tao, at dadalhin Niya ang tao sa isang maluwalhating hantungan. Ngunit sa anumang dahilan, tumatakas ang taong ito mula sa landasin ng gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin na ang taong ito ay tumakas? Ito ay nangangahulugan na nawala ang mga taong ito nang wala man lang pagpapaalam, nang walang pasabi. Lumisan sila nang walang imik. Kahit na sinasabi ng ganitong uri ng tao na naniniwala sila sa Diyos, kailanman ay wala silang anumang mga ugat sa landas ng paniniwala sa Diyos. Kaya, kahit gaano katagal silang sumampalataya, maaari pa rin silang lumayo sa Diyos. Ang ilang mga tao ay umaalis upang magnegosyo, umaalis ang ilang mga tao upang tamasahin ang kanilang buhay, umaalis ang ilang mga tao upang magpayaman, umaalis ang ilang mga tao upang mag-asawa, magkaroon ng anak…. Sa mga umaalis, may ilang mga nakonsensya at nagnanais na bumalik, at ang iba ay nakararaos na lubusang napasama, inaanod sa mundo sa pagdaan ng mga taon. Ang mga inaanod na mga ito ay nakararanas ng napakaraming mga paghihirap, at naniniwala sila na masyadong masakit ang pananatili sa mundo, at hindi sila maaaring humiwalay sa Diyos. Gusto nilang bumalik sa tahanan ng Diyos upang makatanggap ng kaginhawaan, kapayapaan, kagalakan, at patuloy na sumampalataya sa Diyos upang makatakas mula sa kapahamakan, o upang maligtas at magkaroon ng isang magandang hantungan. Iyan ay dahil naniniwala ang mga taong ito na ang pag-ibig ng Diyos ay walang hangganan, na ang biyaya ng Diyos ay hindi nauubos at hindi ito maaaring masaid. Naniniwala sila na kahit ano ang ginawa ng isang tao, dapat silang patawarin ng Diyos at maging mapagparaya sa kanilang nakaraan. Sinasabi ng mga taong ito na gusto nilang bumalik at gawin ang kanilang tungkulin. May mga ilan pa na ipinagkakaloob ang ilan sa kanilang mga gamit sa iglesia sa pag-asang ito ang kanilang paraan upang makabalik sa tahanan ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong uri ng tao? Paano dapat ang pagtakda ng Diyos sa kanilang kalalabasan? Huwag mag-atubiling magpahayag. (Iniisip kong tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, ngunit pagkatapos kong marinig ito ngayon, marahil hindi na sila muling matatanggap pa.) At ano ang pangangatwiran mo? (Lumalapit ang ganitong uri ng tao sa Diyos upang hindi kamatayan ang kanilang kalalabasan. Hindi sila lumalapit na may tunay na katapatan. Sa halip, dahil sa kaalaman na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, lumalapit sila dahil sa maling akala na makatatanggap sila ng mga pagpapala.) Sinasabi mong hindi tapat ang paniniwala ng mga taong ito sa Diyos, kaya hindi sila maaaring tanggapin ng Diyos? Ito ba yun? (Oo.) (Sa aking pang-unawa ang ganitong uri ng tao ay isang mapagsamantala, at hindi sila taimtim na naniniwala sa Diyos.) Hindi sila naniniwala sa Diyos; sila ay mga mapagsamantala. Magaling ang pagkakasabi mo! Ang mga mapagsamantalang ito ang uri ng tao na kinasusuklaman ng lahat. Sumusunod lamang sila sa daloy, at hindi sila mag-aabalang gumawa ng kahit na ano maliban na lang kung may mapapala sila mula dito. Siyempre ang mga ito ay kasuklam-suklam! May mga pananaw ba ang ibang mga kapatiran? (Hindi na sila tatanggapin pa ng Diyos dahil malapit nang matapos ang gawain ng Diyos at ngayon ang panahon kung saan ay itinatakda ang mga kalalabasan ng mga tao. Ito ang panahon na gustong bumalik ang mga taong ito. Hindi dahil tunay na gusto nilang sundin ang katotohanan; gusto nilang bumalik dahil nakikita nila ang mga parating na kalamidad, o naiimpluwensyahan sila ng mga panlabas na kadahilanan. Kung tunay na mayroon silang puso na nagnanais na sumunod sa katotohanan, hindi sana sila kailanman tumakas sa kalagitnaan ng landasin.) Mayroon pa bang ibang mga opinyon? (Hindi na sila matatanggap. Nagbigay ang Diyos sa kanila ng mga pagkakataon, ngunit ang kanilang saloobin sa Diyos ay laging hindi nakikinig sa Kanya. Anuman ang mga layunin ng taong ito, at kahit na magsisi sila nang tapat, hindi pa rin sila tatanggapin ng Diyos. Ito ay dahil binigyan na sila ng Diyos ng napakaraming mga pagkakataon, gayon pa man ipinakita na nila ang kanilang saloobin: Gusto nilang iwanan ang Diyos. Kaya, kapag babalik sila ngayon, hindi na sila tatanggapin pa ng Diyos.) (Naniniwala rin ako na hindi tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, dahil kapag nakita ng isang tao ang tunay na landas, nakaranas ng gawain ng Diyos sa loob ng mahabang panahon, at bumalik pa rin sa mundo, bumalik sa yakap ni Satanas, ito ay isang malaking pagtataksil sa Diyos. Sa kabila ng katotohanan na ang diwa ng Diyos ay awa, pag-ibig, nakasalalay pa rin ito sa uri ng taong pinatutungkulan. Kung lalapit ang taong ito sa harapan ng Diyos upang maghanap ng kaginhawaan, maghanap ng isang bagay na maaaring asahan, itong uri ng tao ay hindi tapat sa paniniwala sa Diyos, at hanggang dito lang ang maaabot ng awa ng Diyos para sa kanila.) Ang diwa ng Diyos ay awa, kaya bakit hindi Niya bibigyan ng kahit kaunti pang awa ang ganitong uri ng tao? Sa pamamagitan ng isang maliit na awa, hindi ba sila makakukuha ng isa pang pagkakataon? Noon, madalas na sinasabi: Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao, at ayaw Niyang may mapahamak na sinuman. Kung may mawawalang isa sa isang daang tupa, iiwan ng Diyos ang siyamnapu’t siyam at hahanapin Niya ang nawawalang isa. Sa panahong ito, kung patungkol sa ganitong uri ng tao, kung ito ay para sa kapakanan ng tunay na paniniwala nila sa Diyos, dapat ba silang tanggapin ng Diyos at muling bigyan ng pangalawang pagkakataon? Sa katotohanan, hindi ito isang mahirap na tanong; napaka-simple nito! Kung tunay na nauunawaan ninyo ang Diyos at may tunay kayong pagkaunawa sa Kanya, hindi na kailangan pa ang maraming paliwanag; hindi na rin kailangan ang maraming haka-haka, tama ba? Ang mga sagot ninyo ay nasa tamang landasin, ngunit mayroon pa ring agwat sa pagitan nito at ang saloobin ng Diyos.

    Ngayon lang may ilan sa inyo ang nakatitiyak na hindi tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Hindi naman masyadong malinaw para sa iba, naniniwala sila na maaaring tanggapin pa ng Diyos ang mga ito, at maaari din na hindi na Niya tatanggapin ang mga ito—ito ang mas katamtaman na saloobin; at mayroon din ang mga iba na ang pananaw ay umaasang tatanggapin pa ng Diyos ang ganitong uri ng tao—ito ang hindi malinaw na saloobin. Ang mga may nakatitiyak na saloobin ay naniniwala na gumawa ang Diyos hanggang sa ngayon at natapos na ang Kanyang gawain, kaya hindi kailangang maging mapagparaya ang Diyos sa mga taong ito, at hindi na Niya sila muling tatanggapin. Naniniwala ang katamtaman ang pananaw na mga tao na ang mga bagay na ito ay dapat na pangasiwaan ayon sa kanilang mga kalagayan: Kung ang puso ng taong ito ay hindi mapaghihiwalay sa Diyos, at tunay pa rin silang naniniwala sa Diyos, isang tao na sumusunod sa katotohanan, kung gayon hindi dapat alalahanin ng Diyos ang nakaraan nilang mga kahinaan at kamalian; Dapat Niya silang patawarin, bigyan sila ng isa pang pagkakataon, hayaan silang bumalik sa tahanan ng Diyos, at tumanggap ng kaligtasan ng Diyos. Gayunman, kung aalis muli ang taong ito, iyan ang panahon na aayawan na ng Diyos ang taong ito at hindi ito maaaring ituring na paggawa ng kawalang hustiya sa kanya. May isa pang grupo na umaasang tatanggapin pa ng Diyos ang taong ito. Hindi malinaw para sa grupong ito kung tatanggapin pa ba sila ng Diyos o hindi na. Kung sa tingin nila ay dapat na tanggapin ng Diyos ang taong ito, kung gayon, tila may kaunti silang pagtalima sa pananaw ng Diyos. Kung naniniwala sila na hindi na dapat tanggapin ng Diyos ang mga ito, at sinabi ng Diyos na ang Kanyang pag-ibig sa tao ay walang taning at nais Niyang bigyan ng isa pang pagkakataon ang taong ito, hindi ba isa itong halimbawa ng huwad na kamangmangan ng tao? Sa anumang sitwasyon, lahat kayo ay may sariling mga pananaw. Ang mga pananaw na ito ay isang kaalaman sa inyong mga pag-iisip; salamin din ang mga ito sa lalim ng inyong pag-unawa sa katotohanan at sa inyong pag-unawa sa mga layunin ng Diyos. Napakahusay, hindi? Kahanga-hanga at may mga opinyon kayo sa bagay na ito! Ngunit kung tama ba o mali ang inyong mga opinyon, mayroon pa rin isang tandang pananong. Hindi ba kayo nag-aalala nang kahit kaunti? “Ano ngayon ang tama? Hindi ko makita nang malinaw, at hindi ako nakatitiyak kung ano ang iniisip ng Diyos. Walang sinabi ang Diyos na anumang bagay sa akin. Paano ko malalaman kung ano ang iniisip ng Diyos? Ang saloobin ng Diyos sa tao ay pag-ibig. Batay sa nakaraang saloobin ng Diyos, dapat Niyang tanggapin ang taong ito. Ngunit hindi ako nakatitiyak sa pangkasalukuyang saloobin ng Diyos—ang masasabi ko lamang ay maaaring tanggapin Niya ang taong ito, at marahil hindi.” Hindi ba ito katawa-tawa? Talagang nalito kayo nito. Kung wala kayong tamang pananaw tungkol sa bagay na ito, ano ngayon ang gagawin ninyo kung totoong nakaharap ang iglesia ninyo sa ganitong uri ng tao? Kung hindi kayo makitungo ng maayos dito, maaaring magkasala kayo sa Diyos. Hindi ba isang mapanganib na bagay ito?

    Bakit gusto Kong alamin ang tungkol sa mga pananaw ninyo sa tinatalakay Ko? Gusto Kong subukin ang mga pananaw ninyo, subukin kung gaano karami ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos, kung gaano ang pagkaunawa ninyo sa mga layunin at saloobin ng Diyos. Ano ang sagot? Ang sagot ay nasa loob ng mga pananaw ninyo. Ang ilan sa inyo ay masyadong konserbatibo, at ang ilan ay gumagamit ng mga imahinasyon upang hulaan ito. Ano ang “paghula”? Ito ay kapag wala kayong ideya kung paano mag-isip ang Diyos, kaya gumagawa kayo ng walang batayan na mga ideya sa kung paano dapat ang pag-iisip ng Diyos sa ganito o ganiyang paraan. Hindi ninyo talaga alam kung tama o mali ang inyong hula, kaya naghahayag kayo ng isang malabong pananaw. Kapag naharap sa katotohanang ito, ano ang nakikita ninyo? Sa pagsunod sa Diyos, bihirang pinapansin ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at bihira nilang isinasaalang-alang ang mga kaisipan ng Diyos at ang saloobin Niya sa tao. Hindi ninyo maunawaan ang kaisipan ng Diyos, kaya kapag natatanong kayo ng may kinalaman sa mga layunin ng Diyos, may kinalaman sa disposisyon ng Diyos, kayo ay nalilito; malalim ang kawalan ninyo ng katiyakan, at nanghuhula lamang o sumusugal kayo. Ano ang saloobin na ito? Ito ang patunay sa katotohanang ito: Karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay isinasaalang-alang Siya bilang walang halaga, bilang malabo. Bakit ganito ang pagkakasabi Ko? Dahil sa bawat pagkakataon na nahaharap kayo sa isang bagay, hindi niyo alam ang mga layunin ng Diyos. Bakit hindi ninyo alam? Hindi dahil hindi ninyo lang alam sa ngayon. Sa halip, mula sa simula hanggang sa katapusan talagang hindi ninyo alam kung ano ang saloobin ng Diyos sa bagay na ito. Sa mga pagkakataon na hindi mo makita at hindi mo alam kung ano ang saloobin ng Diyos, pinagbulay-bulayan mo ba ito? Hinanap mo ba ito? Ipinahayag mo ba ito? Hindi! Kinukumpirma nito ang isang katotohanan: Ang Diyos ng iyong paniniwala at ang tunay na Diyos ay walang kaugnayan. Ikaw, na naniniwala sa Diyos, nakikinig ka lamang sa sarili mong kalooban, nakikinig ka lamang sa kalooban ng iyong mga pinuno, at tanging ang mga mabababaw at doktrinal na kahulugan ng salita ng Diyos ang pinakikinggan mo, ngunit kailanman hindi mo tunay na sinubukang alamin at hanapin ang kalooban ng Diyos. Hindi nga ba ganito? Ang diwa ng bagay na ito ay kakila-kilabot! Sa paglipas ng maraming taon, maraming mga tao ang nakita Kong naniniwala sa Diyos. Ano ang anyo ng paniniwalang ito? May ilang mga tao ang naniniwala sa Diyos na tila Siya ay walang halaga. Ang mga taong ito ay walang kasagutan sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos dahil hindi nila maramdaman o wala silang kamalayan sa presensiya o pagkawala ng Diyos, mas lalo na ang malinaw na pagkakita o pagkaunawa dito. Hindi namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Ang ilan naman ay naniniwala sa Diyos na tila Siya ay isang tao. Naniniwala ang mga taong ito na hindi kayang gawin ng Diyos ang lahat ng mga bagay na hindi nila kayang gawin, at ang pag-iisip ng Diyos ay dapat kagaya ng pag-iisip nila. Ang pakahulugan ng taong ito sa Diyos ay “hindi nakikita at hindi mahipo na tao.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na tila Siya ay isang sunud-sunuran. Naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos, na ang Diyos ay isang rebulto. Kapag nahaharap sa isang bagay, ang Diyos ay walang saloobin, walang pananaw, walang mga ideya; Siya ay nasa awa ng tao. Naniniwala lamang ang mga tao sa gusto nilang paniwalaan. Kung Siya ay gagawing dakila, Siya ay dakila; kung Siya ay gagawing maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa ng Diyos, kailangan nila ang pagpaparaya ng Diyos, kailangan nila ang pag-ibig ng Diyos, dapat iabot ng Diyos ang Kanyang awa. Gumagawa ang mga taong ito ng isang Diyos sa kanilang isipan, at ginagamit nila ang Diyos upang matupad ang kanilang mga pangangailangan at bigyang-kasiyahan ang lahat ng kanilang mga pagnanasa. Hindi mahalaga kung kailan o kung saan, at kahit ano ang ginagawa ng taong ito, yayakapin nila ang kahibangan na ito sa pagturing nila sa Diyos, at sa paniniwala nila sa Diyos. Mayroon pa nga yaong mga naniniwala na maaari silang iligtas ng Diyos pagkatapos nilang napalubha ang disposisyon ng Diyos. Ito ay dahil naniniwala sila na walang hanggan ang pag-ibig ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, at kahit gaano magkasala ang tao sa Diyos, hindi aalalahanin ng Diyos ang anuman sa mga ito. Dahil ang mga kapintasan ng tao, mga kasalanan ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang pagpapahayag ng disposisyon ng taong iyon, magbibigay ang Diyos ng mga pagkakataon sa mga tao, at magpaparaya at titiisin Niya sila. Mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Kaya ang pag-asa ng kaligtasan nila ay maganda pa rin. Sa katunayan, kahit paano ang paniniwala ng isang tao sa Diyos, basta hindi nila hinahanap ang katotohanan, negatibo pa rin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, marahil ay pinahahalagahan mo ang aklat ng salita ng Diyos, pinag-aaralan mo ito araw-araw, binabasa mo ito araw-araw, ngunit isinasantabi mo ang tunay na Diyos, itinuturing mo Siya bilang walang halaga, itinuturing Siya bilang isang tao, at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siya bilang isang sunud-sunuran. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil sa pananaw Ko, hindi alintana kung nahaharap kayo sa isang bagay o isang pangyayari, ang mga bagay na umiiral sa inyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa loob—wala sa mga ito ang may anumang kaugnayan sa salita ng Diyos o sa pagsunod sa katotohanan. Ikaw lamang ang nakaaalam sa iniisip mo, kung ano ang sarili mong mga pananaw, at ang sarili mong mga ideya, ipinipilit mo sa Diyos ang sarili mong mga pananaw. Nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, na nagsisilbing mga pamantayan na matibay na sinusundan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy na ganito ang lalong maglalayo sa iyo mula sa Diyos.

Unawain ang Saloobin ng Diyos at Bitawan ang Lahat ng mga Maling Pagkaintindi sa Diyos

    Itong Diyos na kasalukuyan ninyong pinaniniwalaan, isinaalang-alang niyo na ba kung anong uri ng Diyos Siya? Kapag nakakakita Siya ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang bagay, kinamumuhian ba Niya ito? (Kinamumuhian Niya ito.) Kapag nakikita Niya ang mga pagkakamali ng mga ignoranteng tao, ano ang saloobin Niya? (Kalungkutan.) Kapag nakikita Niya ang mga taong ninanakaw ang mga handog sa Kanya, ano ang saloobin Niya? (Kinamumuhian Niya sila.) Napakalinaw ang lahat ng mga ito, hindi ba? Kapag nakikita Niya ang isang tao na nagiging pabaya sa kanilang paniniwala sa Diyos, at hindi nila sinusunod ang katotohanan, ano ang saloobin ng Diyos? Hindi ito masyadong malinaw sa inyo, hindi ba? Ang kawalan ng pag-iingat ay saloobin na hindi isang kasalanan, at hindi ito nakapananakit sa Diyos. Naniniwala ang mga tao na hindi dapat itong ituring na isang malaking pagkakamali. Kung gayon, ano sa tingin mo ang saloobin ng Diyos? (Ayaw Niyang tumugon dito.) Ayaw tumugon dito—anong saloobin ito? Mababa ang pagtingin ng Diyos sa mga taong ito, kinasusuklaman Niya ang mga taong ito! Hinaharap ng Diyos ang mga taong ito sa pamamagitan ng pagsasawalang-bahala sa kanila. Ang hakbang Niya ay upang balewalain sila, hindi Siya gagawa ng anumang bagay sa mga ito, kabilang na ang pagliliwanag, pagpapalinaw, pagkakastigo, o disiplina. Hindi kabilang ang ganitong uri ng tao sa gawain ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong pinapalubha ang Kanyang disposisyon, at nagkakasala sa mga atas ng Kanyang pamamahala? Matinding pagkasuklam! Matindi ang poot ng Diyos sa mga taong hindi nagsisisi sa pagpapalubha sa Kanyang disposisyon! Ang “matinding poot” ay isa lamang pakiramdam, isang kondisyon; hindi nito kinakatawan ang isang malinaw na saloobin. Ngunit ang pakiramdam na ito, ang kondisyon na ito, ay magdudulot ng isang kalalabasan para sa taong ito: Pupunuin nito ng matinding pagkamuhi ang Diyos! Ano ang kahihinatnan ng matinding pagkamuhi na ito? Babalewalain ng Diyos ang taong ito, at hindi Siya tutugon sa kanila sa mga oras na iyon. Hihintayin Niyang maihiwalay sila sa panahon ng pagganti. Ano ang ipinahihiwatig nito? May kalalabasan pa rin ba ang taong ito? Hindi kailanman hinangad ng Diyos na mabigyan ng kalalabasan ang ganitong uri ng tao! Kaya hindi ba normal na hindi tumutugon ang Diyos sa ganitong uri ng tao sa kasalukuyan? (Oo.) Paano dapat ang paghahanda ng ganitong uri ng tao ngayon? Dapat silang maghanda sa pagtanggap ng mga negatibong kahihinatnan na sanhi ng kanilang pag-uugali, at ng kasamaang nagawa nila. Ito ang pagtugon ng Diyos sa ganitong uri ng tao. Kaya malinaw kong sasabihin ngayon sa ganitong uri ng tao: Huwag na ninyong panghawakan ang mga kahibangan, at huwag na kayong makibahagi pa sa mga mapagmithing pag-iisip. Hindi laging nagpaparaya ang Diyos sa mga tao; Hindi Niya titiisin nang walang takda ang mga kasalanan o pagsuway. Sasabihin ng ilang tao: “May nakita rin akong ilang mga tao na tulad nito. Kapag sila’y nananalangin nahihipo sila ng Diyos, at matindi ang kanilang pag-iyak. Karaniwan na napakasaya rin nila; tila nasa kanila ang presensya ng Diyos, at ang patnubay Niya.” Huwag sabihin na walang kapararakan yan! Ang pag-iyak nang matindi ay hindi nangangahulugang hinipo sila ng Diyos o pagkakaroon ng presensya ng Diyos, mas lalo na ang patnubay ng Diyos. Kung napagagalit ng tao ang Diyos, gagabayan pa rin ba ng Diyos ang mga ito? Samakatuwid, kapag nagpasya ang Diyos na alisin ang isang tao, na abandonahin ang mga ito, ang taong iyan ay wala ng kalalabasan. Hindi mahalaga kung gaano kakampante ang pakiramdam nila kapag nananalangin sila, at kung gaano ang tiwalang ipinakikita nila sa Diyos sa kanilang puso; hindi na mahalaga ito. Ang mahalaga ay hindi na kailangan ng Diyos ang ganitong uri ng kumpiyansa, na itinakwil na ng Diyos ang taong ito. Kung paano ang makitungo sa kanila pagkatapos ay hindi na rin mahalaga. Ang mahalaga ay sa sandaling ginalit ng taong ito ang Diyos, naitakda na ang kanilang kalalabasan. Kung itinakda na ng Diyos na hindi iligtas ang ganitong uri ng tao, maiiwanan sila upang parusahan. Ito ang saloobin ng Diyos.

    Kahit na ang bahagi ng diwa ng Diyos ay pag-ibig, at iniaabot Niya ang Kanyang awa sa lahat ng tao, hindi napapansin at nakalilimutan ng mga tao ang punto na diwa rin Niya ang karangalan. Hindi nangangahulugan na dahil may pag-ibig Siya ay maaaring malayang magkasala ang mga tao sa Kanya at wala na Siyang kahit anong mga damdamin, o anumang mga reaksyon. Hindi nangangahulugan na dahil may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; talagang umiiral Siya. Hindi Siya isang kathang-isip na sunud-sunuran o iba pang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat makinig tayong mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, bigyang-pansin natin ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang mga damdamin. Huwag sana nating gamitin ang imahinasyon ng mga tao na ipakahulugan ang Diyos, at huwag sana nating ipataw ang mga saloobin at kagustuhan ng mga tao sa Diyos, pinalalabas na ang Diyos ay ginagamit ang istilo at pag-iisip ng tao kung paano Niya tratuhin ang sangkatauhan. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, tinutukso mo ang poot ng Diyos, at hinahamon mo ang karangalan ng Diyos! Kaya, pagkatapos ninyong naunawaan ang kahigpitan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo rito na maging maingat at matalino sa inyong mga kilos. Maging maingat at matalino sa inyong pagsasalita. At tungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, habang mas maingat at matalino kayo, mas mahusay! Kapag hindi mo naiintindihan ang saloobin ng Diyos, huwag kang magsasalita nang walang-ingat, huwag kang maging bulagsak sa iyong mga kilos, at huwag kang basta-basta sa pagbabansag. Mas lalo na, huwag kang darating sa mga konklusyon na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at sumunod; isa rin itong pagpapahayag ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung makakamit mo ang puntong ito nang higit sa lahat, at matatamo mo ang pag-uugaling ito nang higit sa lahat, hindi ka sisisihin ng Diyos dahil sa iyong katangahan, sa iyong kamangmangan, at sa iyong kawalan ng katuwiran. Sa halip, dahil sa iyong takot na masaktan ang Diyos, sa iyong paggalang sa mga layunin ng Diyos, at sa saloobin mong sumunod sa Kanya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at bibigyan ka ng kaliwanagan, o magpaparaya Siya sa iyong kamusmusan at kamangmangan. Kabaligtaran naman nito, dapat bang walang paggalang ang iyong saloobin sa Kanya—walang batayan na paghatol sa Diyos, walang batayan na paghula at pagtukoy sa kahulugan ng Diyos—bibigyan ka ng Diyos ng isang paniniwala, disiplina, kahit kaparusahan; o magbibigay Siya sa iyo ng isang pahayag. Marahil kasama ang iyong kalalabasan sa pahayag na ito. Samakatuwid, nais Ko pa itong bigyang-diin nang isa pang beses, at sabihan ang lahat na narito na maging maingat at matalino sa lahat ng bagay na nanggagaling sa Diyos. Huwag magsalita nang padalos-dalos, at huwag maging padalos-dalos sa iyong mga kilos. Bago mo sabihin ang anumang bagay, dapat ka munang mag-isip: Nakagagalit ba sa Diyos ang paggawa nito? Ang paggawa ba sa bagay na ito ay pagkatakot sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subukin na intindihin ang mga katanungang ito, talagang isaalang-alang ang mga ito. Kung tunay mong maisasagawa ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng dako, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng oras, lalo na sa mga bagay na hindi mo maunawaan, kung gayon palaging gagabay ang Diyos sa iyo, at palagi kang bibigyan ng isang landas na susundin. Anuman ang ipinakikita ng mga tao, tiyak na nakikita ng Diyos ang lahat ng mga ito, malinaw, at magbibigay Siya sa iyo ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga pagpapakitang ito. Pagkatapos mong maranasan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng mga pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maitaguyod ang iyong kalalabasan. Kukumbinsihin ng resultang ito ang lahat ng walang kahit anong pagdududa. Ang gusto kong sabihin sa inyo ay ang bawat gawa ninyo, ang bawat pagkilos ninyo, at ang bawat pag-iisip ninyo ang magtatakda sa inyong kapalaran.

Sino ang Magtatakda ng Kalalabasan ng Tao

    May isa pang pinaka-mahalagang bagay, at ito ang saloobin ninyo sa Diyos. Ang saloobin na ito ay mahalaga! Tinutukoy nito kung sa huli ay lalakad kayo papunta sa pagkawasak, o sa isang magandang hantungan na inihanda ng Diyos para sa inyo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumawa na ang Diyos ng higit sa 20 taon, at sa kabuuan ng 20 taon na ito marahil hindi sigurado ang inyong mga puso tungkol sa inyong pagganap. Gayunpaman, sa puso ng Diyos, gumawa Siya ng isang aktuwal at matapat na pagtatala para sa bawat isa sa inyo. Magmula sa pagsisimulang pagsunod sa Kanya ng bawat tao at sa pakikinig sa Kanyang pangangaral, pag-unawa nang mas higit pa sa katotohanan, hanggang sa pagsasagawa sa kanilang mga tungkulin—may talaan ang Diyos sa bawat isa sa mga pagpapakitang ito. Kapag ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, kapag nahaharap sila sa lahat ng uri ng mga pangyayari, lahat ng uri ng mga pagsubok, ano ang saloobin ng taong ito? Paano sila gumanap? Ano ang nadarama nila sa Diyos sa kanilang puso? ... Nakatala sa Diyos ang lahat ng ito, may talaan Siya sa lahat ng mga ito. Marahil mula sa inyong pananaw, ang mga isyung ito ay nakalilito. Gayunman, mula sa katayuan ng Diyos, napakalinaw ang mga ito, at walang kahit katiting na implikasyon ng pagpapabaya. Ito ay isang isyu na nauugnay sa kalalabasan ng bawat tao, at pati na rin sa kanilang mga kapalaran at kinabukasan. Higit pa rito, dito ibinubuhos ng Diyos ang lahat ng Kanyang napakaingat na pagsisikap. Kaya hindi nagkukulang ang Diyos ng kahit katiting, at hindi Siya nagpaparaya sa anumang kapabayaan. Itinatala ng Diyos ang kasaysayang ito ng sangkatauhan, itinatala ang buong landasin ng taong sumusunod sa Diyos, mula sa simula hanggang sa katapusan. Ang saloobin mo sa Diyos sa panahong ito ang magtatakda sa iyong kapalaran. Hindi ba ito totoo? Hanggang ngayon, naniniwala ba kayo na ang Diyos ay matuwid? Naaangkop ba ang mga pagkilos ng Diyos? Mayroon pa rin bang anumang ibang larawan ng Diyos sa inyong mga isipan? (Wala.) Kung gayon sa pananaw ninyo ang kalalabasan ba ng tao ay nakasalalay sa pagtatakda ng Diyos o ng sarili niya? (Ito ay itinatakda ng Diyos.) Sino ang magtatakda nito? (Diyos.) Hindi kayo sigurado, hindi ba? Mga kapatid sa mga iglesia sa Hong Kong, magsalita kayo—sino ang nagtatakda nito? (Ang tao mismo ang magtatakda nito.) Ang tao mismo ang magtatakda nito? Nangangahulugan ba na walang kinalaman ang bagay na ito sa Diyos? Sino ang nais magsalita mula sa mga iglesiang Koreano? (Itatakda ng Diyos ang kalalabasan ng tao batay sa lahat ng mga kilos at gawa nila, at batay sa landas na nilalakaran nila.) Ito ay isang napaka-makatotohanang pagtugon. May isang katotohanan dito na dapat kong ipaalam sa inyong lahat: Sa landasin ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, nagtatakda Siya ng isang pamantayan para sa tao. Ang pamantayan na ito ay para masundan ng tao ang salita ng Diyos, at makalalakad siya sa landas ng Diyos. Ang pamantayan na ito ang ginagamit upang timbangin ang kalalabasan ng tao. Kung magsasagawa ka na alinsunod sa pamantayan ito ng Diyos, maaari kang makakuha ng isang mahusay na kalalabasan; kung hindi naman, hindi ka makatatamo ng isang mahusay na kalalabasan. Kung gayon, sino ang sinasabi mong magtatakda ng kalalabasan na ito? Hindi lang ang Diyos ang magtatakda nito, sa halip ito ay ang Diyos at ang tao na magkasama. Tama ba ito? (Oo.) Bakit ganoon? Dahil ang Diyos ang aktibong nagnanais na makisali sa gawaing pagliligtas sa sangkatauhan, at maghanda ng isang magandang hantungan para sa tao; ang tao ang sentro ng gawain ng Diyos, at ang kalalabasang ito, ang hantungan ito, ang inihahanda ng Diyos para sa tao. Kung walang layunin para sa Kanyang gawain, hindi kailangang gawin ng Diyos ang gawaing ito; kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito, walang pagkakataon ang tao para sa kaligtasan. Tao ang layon ng kaligtasan, at bagaman walang ginagawa ang tao sa prosesong ito, ang saloobin niya ang tutukoy kung magiging matagumpay ang Diyos o hindi sa Kanyang gawain na pagliligtas sa sangkatauhan. Kung hindi dahil sa paggabay na ipinagkakaloob ng Diyos sa’yo, hindi mo malalaman ang Kanyang pamantayan, at kung gayon wala kang magiging layunin. Kung nasa iyo ang pamantayang ito, ang layunin na ito, ngunit hindi ka makikipagtulungan, hindi mo ito isasagawa, hindi ka handang magdusa, hindi mo pa rin matatamo ang kalalabasan na ito. Kaya sinasabi natin na hindi maaaring ihiwalay sa Diyos ang kalalabasan na ito, at hindi ito maaaring ihiwalay mula sa tao. Kaya alam na ninyo ngayon kung sino ang magtatakda sa kalalabasan ng tao.

Malimit na Ipinapakahulugan ng mga Tao ang Diyos Batay sa Karanasan

    Kapag nakikipagtalastasan sa paksang pagtukoy sa Diyos, may mapapansin kayo na isang bagay? Napansin ninyo ba na nagbago ang kasalukuyang saloobin ng Diyos? Hindi ba nababago ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan? Palagi bang magtitiis ang Diyos na tulad nito, na walang katapusang iniaabot ang Kanyang pag-ibig at awa sa tao? Nauugnay din ang bagay na ito sa diwa ng Diyos. Babalikan natin ang tanong noon ng tinatawag na alibughang anak. Pagkatapos na matanong ito, ang mga sagot ninyo ay hindi masyadong malinaw. Sa ibang salita, hindi pa rin ninyo maunawaang maigi ang mga layunin ng Diyos. Kapag nalaman ng mga tao na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, ipinakakahulugan nila ang Diyos bilang isang simbolo ng pag-ibig: Anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man ang kanilang pagkilos, paano man ang pagtrato nila sa Diyos, at gaano man ang katigasan ng kanilang ulo, wala sa mga ito ang mahalaga dahil may pag-ibig ang Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay walang hangganan at hindi masukat. May pag-ibig ang Diyos, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; may pag-ibig ang Diyos, kaya maaari Siyang maging mahabagin sa mga tao, maawain sa kanilang kakulangan sa gulang, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang pagsuway. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang mga tao, kapag naranasan nila ang pagiging matiisin ng Diyos nang isang beses, o ilang beses, pinupuhunan na nila ito sa kanilang sariling-pag-unawa sa Diyos, naniniwala sila na ang Diyos ay magtitiis sa kanila minsanan at magpakailanman, mahahabag sa kanila, at sa landasin ng kanilang buhay ay kukunin nila ang pagkamatiisin ng Diyos at ituturing ito bilang batayan ng pagtrato ng Diyos sa kanila. Mayroon ding mga tao na, kapag naranasan nila minsan ang pagpaparaya ng Diyos, minsan at magpakailanman nilang ipapakahulugan ang Diyos bilang mapagparaya, at ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang pasubali, at maging ganap na walang prinsipiyo. Tama ba ang mga paniniwalang ito? Sa tuwing natatalakay ang diwa o disposisyon ng Diyos, tila nalilito kayo. Medyo nagagalit Ako kapag nakikita kayong ganito. Napakaraming katotohanan ang narinig ninyo tungkol sa diwa ng Diyos; napakarami rin ang narinig ninyo tungkol sa disposisyon ng Diyos. Gayunman, sa inyong mga isipan ang mga isyung ito, at ang katotohanan ng mga aspetong ito, ay pawang mga alaala lamang na batay sa teyorya at sa nakasulat na mga salita. Wala sa inyo ang kailanman ay nakaranas sa kung ano ang disposisyon ng Diyos sa inyong tunay na buhay, ni wala rin ang nakakita sa inyo kung ano nga ba ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, kayong lahat ay naguguluhan sa inyong mga paniniwala, lahat kayo ay pikit-matang naniniwala, hanggang sa punto na kayo ay mayroong walang pakundangang saloobin tungo sa Diyos, na isinasantabi ninyo lang Siya sa isang sulok. Ano ang kahahantungan ng ganitong uri ng saloobin ninyo sa Diyos? Ito ay laging humahantong sa mga konklusyon ninyo tungkol sa Diyos. Sa sandaling nagkaroon kayo ng maliit na kaalaman, masyado na kayong nasisiyahan, pakiramdam ninyo ay natamo na ninyo ang Diyos sa Kanyang kabuuan. Pagkatapos nito ay ipapakahulugan ninyong ganito ang Diyos, at hindi ninyo hinahayaan na kumilos Siya nang malaya. At sa tuwing may ginagawa ang Diyos na isang bagong bagay, hindi ninyo matanggap na Siya ay Diyos. Isang araw, kapag sasabihin ng Diyos: “Hindi Ko na mahal ang tao; hindi na Ako mag-aabot ng awa sa tao; wala na Akong anumang pagpaparaya o pagkamatiisin sa tao; Ako’y puspos ng matinding pagkamuhi at pagkainis sa tao,” sa kaibuturan ng puso ng tao hindi nila matanggap ang ganitong uri ng pahayag. Sasabihin pa ng ilan sa kanila: “Hindi na Ikaw ang Diyos ko ngayon; hindi na Ikaw ang Diyos na gusto kong sundin. Kung ganito ang sinasabi Mo, hindi Ka na kwalipikadong maging Diyos ko, at hindi ko na kailangang manatiling sumusunod sa Iyo. Kung hindi Mo ako bibigyan ng awa, hindi bibigyan ng pag-ibig, hindi bibigyan ng pagpaparaya, hindi na ako susunod sa Iyo. Maaari lamang Kitang sundin, at magkakaroon lamang ako ng tiwalang sumunod hanggang sa katapusan kung Ikaw ay mapagparaya sa akin nang walang hangganan, palaging matiisin sa akin, kung ipakikita Mong Ikaw ay pag-ibig sa akin, Ikaw ay pagkamatiisin, na Ikaw ang magpapaubaya. Dahil nasa akin ang Iyong pagkamatiisin at habag, ang aking pagsalangsang at kasalanan ay maaaring mapatawad nang walang hangganan, pagpasensyahan nang walang hangganan, at maaari akong magkasala sa anumang oras at kahit saan, magkumpisal at mapatawad sa anumang oras at kahit saan, at galitin Ka sa anumang oras at kahit saan. Hindi Ka dapat magkaroon ng anumang sarili Mong mga ideya o mga konklusyon tungkol sa akin.” Kahit na maaaring hindi mo iniisip ang tungkol sa ganitong uri ng tanong sa isang mapansarili at may kamalayan na paraan, tuwing itinuturing mo ang Diyos na isang kasangkapan para sa pagkapatawad ng iyong mga kasalanan at isang bagay na gagamitin para sa pagtamo ng isang magandang hantungan, inilagay mo na ang buhay na Diyos na pasalungat sa iyo, bilang kaaway mo. Ito ang nakikita Ko. Maaari mong patuloy na sinasabi, “Sumasampalataya ako sa Diyos”; “Nabubuhay ako na ayon sa katotohanan”; “Gusto kong baguhin ang aking disposisyon”; “Gusto kong makawala mula sa impluwensya ng kadiliman”; “Gusto kong masiyahan ang Diyos”; “Gusto kong sundin ang Diyos”; “Gusto kong maging tapat sa Diyos at gawin ang aking tungkulin nang mabuti”; at iba pa. Gayunpaman, kahit gaano man kaganda ang anumang sasabihin mo, gaano man kadami ang teyoryang nalalaman mo, gaano man kahanga-hanga ang teyorya na yan, kung gaano man karangal ito, ang katotohanan ay marami na sa inyo ang natutong gamitin ang regulasyon, ang doktrina, ang teyoryang pinagkadalubhasaan ninyo upang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, at ilagay Siya na kasalungat sa inyong sarili sa isang ganap na likas na paraan. Kahit na pinagkadalubhasaan mo ang mga liham at doktrina, hindi ka pa talagang pumasok sa reyalidad ng katotohanan, kaya napakahirap para sa iyo ang lumapit sa Diyos, ang makilala ang Diyos, ang maunawaan ang Diyos. Ito ay kalunus-lunos!

    Nakita ko ang palabas na ito sa isang video: Nakahawak ang ilang mga kapatid na babae sa isang aklat na Ang Salita’y Nagpakita sa Katawang-tao, at hawak nila ito at itinataas nang napakataas. Hawak nila ang aklat na ito sa kanilang kalagitnaan, mas mataas kaysa sa kanilang mga ulo. Kahit na ito ay isang imahe lamang, ang ipinupukaw nito sa loob Ko ay hindi isang imahe. Sa halip, naisip Ko na ang itinataas ng bawat tao sa kanilang puso ay hindi salita ng Diyos, kundi ang aklat ng salita ng Diyos. Ito ay isang nakalulungkot na bagay. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay hindi lamang isang kaso ng pagtaas sa Diyos. Ito ay dahil hindi ninyo naiintindihan ang Diyos kaya nga ang isang napakalinaw na tanong, isang napakaliit na tanong, ay nagdudulot sa inyong gumawa ng sarili ninyong mga kuru-kuro. Kapag humihingi Ako ng mga bagay sa inyo, kapag nagiging seryoso Ako sa inyo, tumutugon kayo sa inyong mga haka-haka at mga sariling imahinasyon; ang ilan pa sa inyo ay nagdududa at naniningil. Ito ang malinaw na kumukumpirma sa Akin na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay hindi ang tunay na Diyos. Matapos ang pagbabasa ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ginagamit ninyo ang salita ng Diyos, ginagamit ninyo ang gawain ng Diyos, at higit pang mga doktrina upang muling gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos. Dagdag pa rito, hindi ninyo sinubukang unawain ang Diyos; hindi ninyo sinubukang alamin ang mga layunin ng Diyos; hindi ninyo sinubukang unawain kung ano ang saloobin ng Diyos sa tao; o kung paano mag-isip ang Diyos, kung bakit Siya ay malungkot, kung bakit Siya ay galit, kung bakit Siya ay nasusuklam sa tao, at iba pang mga gayong katanungan. Bukod diyan, higit pang maraming tao ang naniniwala na ang Diyos ay palagian ng tahimik dahil pinapanood lamang Niya ang mga kilos ng sangkatauhan, dahil walang Siyang saloobin sa kanila, at wala Siyang sarili Niyang mga ideya. Ang isa pang grupo ay higit pang pinalalawig ito. Naniniwala ang mga taong ito na ang Diyos ay hindi makabigkas ng tinig dahil hindi Siya tumututol, ang Diyos ay hindi makabigkas ng tinig sapagkat Siya ay naghihintay, ang Diyos ay hindi makabigkas ng tinig dahil wala Siyang saloobin, dahil ang saloobin ng Diyos ay ganap nang naipaliwanag sa mga libro, naipahayag na ang kabuuan nito sa sangkatauhan, at hindi na kailangan pang paulit-ulit na sinasabi sa mga tao. Kahit tahimik ang Diyos, mayroon pa rin Siyang saloobin, may pananaw, at may pamantayan na hinihiling sa mga tao. Kahit hindi Siya sinusubukang unawain ng mga tao, at hindi Siya sinusubukang sundin, ang Kanyang saloobin ay napakalinaw. Isaalang-alang ang isang tao na minsan ay masigasig na sumusunod sa Diyos, ngunit sa isang punto ay inabandona Siya at lumisan. Kung nais ng taong ito na bumalik ngayon, anupat kagulat-gulat, hindi ninyo alam kung ano ang pananaw ng Diyos, at kung ano ang saloobin Niya. Hindi ba ito kalunus-lunos? Sa katunayan, ito ay isang medyo mababaw lamang na bagay. Kung tunay na nauunawaan ninyo ang puso ng Diyos, malalaman ninyo ang Kanyang saloobin para sa ganitong uri ng tao, at hindi kayo magbibigay ng isang hindi siguradong sagot. Dahil hindi niyo alam, pahintulutan niyo Akong ituro sa inyo.

Ang Saloobin ng Diyos sa mga Tumakas Sa Panahon ng Kanyang Paggawa

    Makikita mo ang ganitong uri ng tao sa lahat ng dako: Pagkatapos nilang maging tiyak tungkol sa landas ng Diyos, sa iba’t ibang dahilan, tahimik silang lumisan at hindi man lamang nagpaalam at ginawa nila ang anumang ninanais ng kanilang puso. Sa ngayon, hindi natin tatalakayin kung bakit lumisan ang taong ito. Una tingnan natin kung ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong uri ng tao. Ito ay napakalinaw! Mula sa sandaling lumisan ang taong ito, sa paningin ng Diyos, tapos na ang panahon ng kanilang paniniwala. Hindi ang taong ito ang tumapos nito, kundi ang Diyos. Ang ibig sabihin ng paglisan ng taong ito ay itinakwil na nila ang Diyos, na ayaw na nila ang Diyos. Ito ay nangangahulugan na hindi na nila tinatanggap ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ayaw na ng taong ito ang Diyos, maaari pa rin bang gusto sila ng Diyos? Bukod dito, kapag nasa taong ito ang saloobin na ito, ang pananaw na ito, at nakapagpasya na silang iwanan ang Diyos, napalubha na nila ang disposisyon ng Diyos. Kahit na hindi sila nagwala at sumpain ang Diyos, kahit na hindi sila gumawa ng ano mang napakasama o labis na pag-uugali, at kahit na iniisip ng taong ito: Kung dumating ang araw na maubos na ang aking panlabas na kasayahan, o kapag may pangangailangan pa rin ako sa Diyos, ako ay babalik. O kapag tatawagin ako ng Diyos, ako ay babalik. O sasabihin nila: Kapag ako ay nasaktan sa labas, kapag nakita kong masyadong madilim ang mundo sa labas at masyadong masama at ayaw ko nang sumama sa daloy, babalik ako sa Diyos. Kahit na kalkulado sa isip ng taong ito ang punto kung kailan sila babalik, kahit na iwanan nilang bukas ang pinto para sa kanilang pagbabalik, hindi nila napagtanto na kahit ano ang isipin at planuhin nila, ang lahat ng mga ito ay magandang pangarap lamang. Ang pinakamalaking pagkakamali nila ay ang pagiging malabo tungkol sa damdamin ng Diyos kapag ninais nilang umalis. Simula sa sandaling nagpasya ang taong ito na lisanin ang Diyos, ganap nang iniwan sila ng Diyos; itinakda na ng Diyos sa Kanyang puso ang kanilang kalalabasan. Ano ang kalalabasang ito? Na ang taong ito ay isa sa mga dagang costa, at mamatay sila na kasama ang mga ito. Kaya, madalas na makita ng mga tao ang ganitong uri ng sitwasyon: May mag-aabandona sa Diyos, ngunit hindi sila nakatatanggap ng kaparusahan. Kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Makikita ng mga tao ang ilang mga bagay, at ang ilang mga bagay-bagay ay natutukoy lamang sa puso ng Diyos, kaya hindi nakikita ng mga tao ang mga resulta. Ang nakikita ng mga tao ay hindi kinakailangang tunay na panig ng mga bagay; ngunit ang iba pang panig, ang panig na hindi mo makita—ito ang tunay na saloobin at pagpapalagay ng puso ng Diyos.

Ang mga Taong Tumakas sa Panahon ng Paggawa ng Diyos ay ang mga Nag-abandona sa Totoong Landas

    Kung gayon bakit bibigyan ng Diyos ang ganitong uri ng tao ng isang malubhang kaparusahan? Bakit galit na galit ang Diyos sa kanila? Una sa lahat alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay kamahalan, ay poot. Hindi Siya isang tupa na maaaring patayin ng sinuman; higit pa, hindi Siya isang sunud-sunuran upang maging kontrolado ng mga tao sa anumang gusto nila. Hindi rin Siya walang halaga na inuutus-utusan ng mga tao. Kung talagang naniniwala ka na may Diyos, dapat may puso kang natatakot sa Kanya, at dapat mong malaman na ang diwa ng Diyos ay hindi dapat ginagalit. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita; marahil isang pag-iisip; marahil ilang mga uri ng karima-rimarim na pag-uugali; marahil banayad na pag-uugali, pag-uugali na uubra sa mga mata at etika ng tao; o marahil ito ay sanhi ng isang doktrina, isang teyorya. Gayunpaman, sa sandaling ginalit mo ang Diyos, ang iyong pagkakataon ay nawala na at ang katapusan ng mga araw mo ay dumating na. Ito ay isang kahila-hilakbot na bagay! Kung hindi mo maunawaan na hindi maaaring saktan ang Diyos, marahil ay wala kang takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano ang matakot sa Diyos, hindi ka matatakot sa Kanya, at hindi mo alam kung paano ang lumakad sa landas ng Diyos—ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka ng kamalayan, malalaman mo na hindi maaaring saktan ang damdamin ng Diyos, at malalaman mo kung paano ang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.

    Ang paglalakad sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay hindi kailangang tungkol sa dami ng katotohanan na alam mo, sa dami ng mga pagsubok na naranasan mo, o kung gaano ang pagkadisiplina mo. Sa halip, ito ay nakasalalay sa diwa ng pagsaalang-alang mo sa Diyos sa iyong puso, at kung ano ang iyong saloobin sa Diyos. Ang diwa ng mga tao at ang pansarili nilang mga saloobin—napakahalaga ang mga ito, pinakapangunahin. Patungkol sa mga tao na itinakwil at iniwan ang Diyos, ang mapanghamak na saloobin nila sa Diyos at ang puso nilang nagsisihamak sa katotohanan ang nagpalubha sa disposisyon ng Diyos, kaya sa ngayon para sa Diyos hindi sila patatawarin kailanman. Nalaman nila ang tungkol sa pag-iral ng Diyos, nasa kanila ang impormasyon na dumating na ang Diyos, naranasan pa nila ang bagong gawain ng Diyos. Ang kanilang pag-alis ay hindi isang kaso ng pagkalinlang, at hindi rin ito dahil malabo sa kanila ang tungkol dito. Mas lalo nang hindi ito isang kaso ng pagkapilit. Sa halip ay may kamalayan sila, at malinaw ito sa kanilang isipan, pinili nilang lisanin ang Diyos. Ang kanilang pag-alis ay hindi pagkawala sa kanilang landas; ito ay hindi pagtatakwil. Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, hindi sila isang tupa na napawalay sa kawan, mas lalo nang hindi isang alibughang anak na nawala sa kanyang landas. Nagsialis sila nang hindi napaparusahan, at ang kondisyon at sitwasyon na yan, ang nagpalubha sa disposisyon ng Diyos, at dahil nga sa pagpapalubhang ito ibinigay Niya sa kanila ang isang walang pag-asang kalalabasan. Hindi ba kakila-kilabot ang ganitong uri ng kalalabasan? Kaya kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, maaari silang magkasala sa Diyos. Ito ay hindi maliit na bagay! Kung hindi sineseryoso ng isang tao ang saloobin ng Diyos, at naniniwala pa rin na pinannabikan ng Diyos ang kanilang pagbabalik—dahil isa sila sa mga nawalang tupa ng Diyos at naghihintay pa rin ang Diyos para sa pagbabago ng kanilang puso—kung gayon, ang taong ito ay hindi malayo sa araw ng kanilang kaparusahan. Hindi sila basta-basta tanggihan ng Diyos. Ito na ang pangalawang pagkakataon na pinalulubha nila ang Kanyang disposisyon; ito ay mas kahila-hilakbot na bagay! Nasaktan na ng walang paggalang na saloobin ng taong ito ang atas ng pamamahala ng Diyos. Tatanggapin pa ba sila ng Diyos? Ang mga prinsipyo ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay: Kung ang isang tao ay naging tiyak tungkol sa tunay na landas ngunit maaari niya pa ring tanggihan ang Diyos nang sinasadya at may malinaw na pag-iisip, at inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos, isasarado ng Diyos ang daan na patungo sa kanilang kaligtasan, at maisasara ang pintuan ng kaharian para sa kanila mula noon. Kapag dumating ang taong ito at muling kumatok, hindi na muling bubuksan ng Diyos ang pintuan para sa kanila. Ang taong ito ay mapagsasarhan magpakailanman. Marahil nabasa na ng ilan sa inyo ang kuwento ni Moises sa Biblia. Pagkatapos na pinili ng Diyos si Moises, hindi nasiyahan ang 250 na lider sa kanya dahil sa kanyang mga kilos at iba pang mga dahilan. Sino ang tinanggihan nilang sundin? Hindi si Moises. Tumanggi silang sumunod sa mga itinakda ng Diyos; nagsitanggi silang magsisunod sa gawain ng Diyos sa bagay na ito. Sinabi nila ang mga sumusunod: “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa’t isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila….” Sa iyong tingin, napaka-seryoso ba ang mga salitang ito? Hindi seryoso ang mga ito! Ang literal na kahulugan ng mga salita ay hindi seryoso. Sa legal na kahulugan, hindi sila lumabag sa anumang mga batas, dahil sa wari ito ay hindi pagalit na wika, o bokabularyo, mas lalo nang walang anumang mapaglapastangan na kahulugan. Isang karaniwang pangungusap lamang ito, wala nang iba pa. Ngunit bakit nagdulot ang mga salitang ito ng galit sa Diyos? Dahil hindi nabanggit ang mga ito na para sa mga tao, kundi sa Diyos. Ang saloobin at disposisyon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga ito ay ang tiyak na nagpapalubha sa disposisyon ng Diyos, lalo na sa disposisyon ng Diyos na hindi maaaring saktan. Alam nating lahat kung ano ang kanilang kalalabasan sa katapusan. Tungkol sa mga umabandona sa Diyos, ano ang kanilang pananaw? Ano ang kanilang saloobin? At bakit hahantong ang kanilang mga pananaw at saloobin sa pakikitungo ng Diyos sa kanila sa ganitong paraan? Ang dahilan dito ay dahil malinaw na alam nilang Diyos Siya ngunit pinili pa rin nilang Siya ay ipagkanulo. Yan ang dahilan kung bakit lubos na tinanggal ang pagkakataon nila para sa kaligtasan. Katulad ng sinasabi ng Biblia: “Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan.” Malinaw na ba ang bagay na ito sa iyo ngayon?

Ang Kapalaran ng Tao ay Itinatakda sa Pamamagitan ng Kanyang Saloobin sa Diyos

    Ang Diyos ay isang Diyos na buhay, at dahil magkakaiba ang paggawa ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon, ang saloobin ng Diyos sa mga paggawang ito ay magkakaiba rin sapagkat Siya ay hindi isang sunud-sunuran, at hindi rin Siya walang halaga. Ang pagkilala sa saloobin ng Diyos ay isang mahalagang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao kung paano, sa pamamagitan ng pagkilala sa saloobin ng Diyos, nilang malalaman ang disposisyon ng Diyos at maunawaan ng paunti-unti ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong maunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo mararamdaman na mahirap gawin ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ano pa, kapag naiintindihan mo ang Diyos, mas mahirap para sa iyo ang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Kapag tumigil ka sa paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, mas malamang hindi ka magkasala laban sa Kanya, at walang kamalayan na dadalhin ka ng Diyos sa pagkakilala sa Kanya, at sa gayong paraan magkakaroon ka ng takot sa Diyos sa iyong puso. Titigil ka sa pagtukoy sa Diyos gamit ang mga doktrina, ang mga liham, at ang mga teyorya na iyong pinagkadalubhasaan. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayang nagiging isa kang tao na naaayon sa puso ng Diyos.

    Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga pagkilos ng bawat tao, kasama na ang kanilang saloobin sa Kanya—hindi lamang napapansin ng Diyos ang mga ito, ngunit nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat makilala at maging malinaw sa lahat. Maaaring lagi mong tinatanong sa iyong sarili: “Alam ba ng Diyos ang ginagawa ko dito? Alam ba ng Diyos kung ano ang iniisip ko ngayon? Siguro alam Niya, marahil hindi.” Kung tutularan mo ang ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos ngunit nag-aalinlangan sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, hindi magtatagal ay darating ka sa puntong magagalit ka sa Kanya, dahil ikaw ay nagbabalanselumalakad na sa gilid ng isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin nila nakakamit ang reyalidad ng katotohanan, ni hindi rin nila nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Walang anumang pag-unlad ang tayog ng kanilang buhay, nakikinig lamang sila sa pinakamababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang mismong buhay nila, at hindi nila kailanman hinarap at tinanggap ang Kanyang pag-iral. Sa tingin mo ba ay napupuno ang Diyos ng kasiyahan kapag nakikita Niya ang ganitong mga tao? Nakaaaliw ba sila sa Kanya? Sa kasong iyon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang magpapasya sa kanilang kapalaran. Ito man ay tanong ng kung paano mo sinusunod o itinuturing ang Diyos, ang sarili mong saloobin ang pinakamahalagang bagay. Huwag mong isawalang-bahala ang Diyos sa iyong isipan na para Siyang walang halaga. Lagi mong isipin ang Diyos ng iyong paniniwala bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya nandoon sa ikatlong langit na walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, nakatingin sa kung ano ang binabalak mo, sa bawat maliit na salita at gawa, nakatingin sa iyong pagkilos at sa iyong saloobin sa Diyos. Handa ka mang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, ang lahat ng mga pag-uugali at kaibuturan ng iyong kaisipan at mga ideya mo ay nasa harapan ng Diyos, tinitingnan Niya ang mga ito. Ito ay ayon sa iyong pag-uugali, ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong saloobin sa Diyos, na ang opinyon at ang saloobin Niya sa iyo, ay patuloy na nagbabago. Gusto Kong mag-alok ng ilang mga payo sa mga taong nais ilagay ang kanilang mga sarili tulad ng isang maliit na sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya maaaring iwanan, na parang ang Kanyang saloobin sa iyo ay nakatakda at hindi kailanman maaaring baguhin: Tumigil ka sa pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat tao. Marubdob Niyang hinaharap ang paglupig at kaligtasan ng sangkatauhan. Iyan ang Kanyang pamamahala. Seryoso Siya sa pagtrato sa bawat tao, hindi tulad ng isang alagang hayop na pinaglalaruan. Ang pag-ibig ng Diyos sa tao ay hindi isang uri ng pagpapalayaw o pamimihasa; ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan ay hindi mapagpalayaw o walang pakialam. Sa kabilang banda, ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay para pahalagahan, kaawaan, at igalang ang buhay; Ipinahihiwatig ng Kanyang awa at pagpaparaya ang mga inaasahan Niya sa tao; Ang Kanyang awa at pagpaparaya ang kailangan ng sangkatauhan upang mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at talagang mayroong Diyos; Ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi isang dogmatikong batas, at maaari itong baguhin. Ang Kanyang kalooban para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nagbabago sa paglipas ng panahon, ng pangyayari, at sa saloobin ng bawat tao. Kaya dapat kang maging malinaw sa bagay na ito, at intindihin na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at ang Kanyang disposisyon ay naihahayag sa iba’t ibang panahon, at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring iniisip mo na hindi seryoso ang isyu na ito, at ginagamit mo ang sarili mong mga pagkaintindi upang isipin kung paano ang dapat na paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay. Ngunit may mga oras na ang ganap na kabaliktaran ng iyong pananaw ay totoo, at sa pamamagitan ng paggamit ng sarili mong pagkaintindi upang subukin at sukatin ang Diyos, napasiklab mo na ang Kanyang galit. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos na tulad ng sa tingin mong pagkilos Niya, at hindi ituturing ng Diyos ang bagay na ito na tulad ng sinasabi mong gagawin Niya. Kaya ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat ka at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay sa iyong paligid, at matututunan mo kung paano sundin ang prinsipyo ng paglakad sa landas ng Diyos sa lahat ng bagay—pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kailangan mong bumuo ng isang matatag na pag-unawa sa mga bagay ng kalooban at saloobin ng Diyos; humanap ka ng mga taong naliwanagan upang maitalastas ito sa iyo, at hanaping may pananabik. Huwag mong tingnan ang Diyos ng iyong paniniwala bilang isang sunud-sunuran—walang-pakundangang humuhusga, dumarating sa mga walang-pakundangang konklusyon, hindi tinatrato ang Diyos nang may paggalang na nararapat sa Kanya. Sa proseso ng kaligtasan ng Diyos, kapag pinapakahulugan Niya ang iyong kalalabasan, bibigyan ka man Niya ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ang saloobin Niya sa iyo ay hindi nakapirmi. Ito ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos, at ang pag-unawa mo sa Kanya. Huwag mong hayaan na ang isang aspeto ng iyong kaalaman o pang-unawa sa Diyos ang pamalagiang ipagpakahulugan sa Kanya. Huwag kang maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala ka sa isang buhay na Diyos. Tandaan ito! Kahit natalakay Ko ang ilang mga katotohanan dito, mga katotohanang kailangan ninyong marinig, para sa kasalukuyang tayog at antas ninyo, hindi Ako gagawa ng anumang mas malaking kahilingan para hindi maubos ang sigasig ninyo. Ang paggawa nito ay maaaring pumuno sa inyong puso ng kalungkutan, at magpadama sa iyo ng masyadong pagkabigo sa Diyos. Sa halip umaasa Ako na maaari ninyong gamitin ang pag-ibig ng Diyos sa inyong mga puso, at gamitin ang isang saloobin na may paggalang sa Diyos kapag naglalakad sa landas sa hinaharap. Huwag palabuin kung paano ituring ang paniniwala sa Diyos. Ituring ninyo ito bilang isa sa mga pinakamalaking katanungan. Ilagay ninyo ito sa inyong puso, isagawa ninyo ito, iugnay ito sa tunay na buhay—huwag niyo lamang basta sinasabi ito. Dahil ito ay isang bagay ng buhay at kamatayan, at ito ang tutukoy sa iyong tadhana. Huwag mo itong ituring na tulad ng isang biro, tulad ng laro ng isang bata! Pagkatapos Kong ibahagi ang mga salitang ito sa inyo ngayon, ano kaya ang naani ninyong pag-unawa sa inyong mga isip. Mayroon bang anumang mga katanungan ang nais ninyong itanong tungkol sa sinabi Ko dito ngayon?

    Kahit na medyo bago ang mga paksang ito, at medyo malayo mula sa inyong mga pananaw at sa karaniwang sinusunod at binibigyang pansin ninyo, sa tingin ko pagkatapos nilang matalakay sa isang sandali, mabubuo sa inyo ang isang karaniwang pang-unawa sa lahat ng bagay na sinabi Ko dito. Dahil ang mga ito ay mga bagong paksa, mga paksa na hindi ninyo isinasaalang-alang noon, umaasa Ako na hindi sila makadadagdag sa inyong pasanin. Sinasabi Ko ang mga salitang ito ngayon hindi upang takutin kayo, at hindi Ko rin sinusubukang makitungo sa inyo; sa halip, ang Aking layunin ay upang matulungan kayong maunawaan ang katotohanan ng bagay na ito. Sa ano’t ano man, may distansya sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos: Kahit naniniwala ang tao sa Diyos, hindi niya kailanman naunawaan ang Diyos; hindi niya kailanman nakilala ang saloobin ng Diyos. Hindi rin kailanman naging masigasig ang tao sa kanyang kinalaman para sa saloobin ng Diyos. Sa halip, sumampalataya siya nang pikit-mata, nagpatuloy siya nang pikit-mata, at naging di-maingat sa kanyang kaalaman at pang-unawa sa Diyos. Kaya napilitan Akong liwanagin ang mga isyung ito para sa inyo, at tulungan kayong maunawaan kung anong uri ng Diyos ang inyong pinaniniwalaan; kung ano ang iniisip Niya; kung ano ang Kanyang saloobin sa pagtrato Niya sa iba’t ibang uri ng mga tao; kung gaano kayo kalayo sa pagtupad sa Kanyang mga kahilingan; at ang pagkakaiba sa pagitan ng inyong mga kilos at ang pamantayan na Kanyang hinihingi. Ang layunin sa inyong pag-alam nito ay upang mabigyan kayo ng isang pamantayan sa inyong mga puso na susukat at magpapakita kung anong uri ng pag-aani ang kahahantungan ng landas na tinatahak ninyo, kung ano ang hindi pa ninyo natatamo sa landas na ito, at kung ano ang mga lugar na hindi pa kayo nakikibahagi. Kapag nag-uusap kayo, karaniwang pinag-uusapan ninyo ang ilang mga paksang karaniwang tinatalakay; makitid ang saklaw, at ang nilalaman ay napakababaw. May distansya, may puwang, sa pagitan ng mga bagay na tinatalakay ninyo at ang mga layunin ng Diyos, sa pagitan ng mga talakayan ninyo at ang saklaw at pamantayan ng mga kahilingan ng Diyos. Ang pagpapatuloy nang ganito sa paglipas ng panahon ang maglilihis sa inyo palayo nang palayo sa landas ng Diyos. Kinukuha niyo lamang ang mga umiiral na mga salita mula sa Diyos at ginagawa niyo ang mga ito na mga bagay ng pagsamba, ng seremonya at regulasyon. Ganoon lang ito! Sa katunayan, walang lugar ang Diyos sa inyong mga puso, at hindi kailanman natamo ng Diyos ang inyong mga puso. Iniisip ng ilang mga tao na napakahirap kilalanin ang Diyos—ito ang katotohanan. Ito’y mahirap! Kung hinihiling sa mga tao na tuparin ang kanilang mga tungkulin at gawin ang mga bagay-bagay sa panlabas, kung nahihiling sa kanila na magpagal nang husto, sa tingin ng mga tao ay napakadaling sumampalataya sa Diyos, dahil ang lahat ng mga ito ay tumutugma sa saklaw ng mga kakayahan ng tao. Ngunit sa sandaling lilipat ang paksa sa mga bahagi ng mga layunin at saloobin ng Diyos sa tao, mas humihirap ang mga bagay sa pananaw ng lahat. Ito ay dahil kailangan dito ang pang-unawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa reyalidad; siyempre may antas ito ng kahirapan! Ngunit pagkatapos mong makapasok sa unang pinto, pagkatapos mong simulan ang pagpasok dito, unti-unti itong padali ng padali.

Ang Umpisa ng Pagkatakot sa Diyos ay ang Pagturing sa Kanya Bilang Isang Diyos

    May isang katatanong lang: Paanong mas higit ang nalalaman natin tungkol sa Diyos kaysa kay Job, ngunit hindi pa rin tayo matakot sa Diyos? Natalakay na natin kamakailan ang kaunti sa paksang ito, hindi ba? Sa katunayan, ang diwa ng tanong na ito ay natalakay na noon, na kahit hindi kilala noon ni Job ang Diyos, itinuring niya Siya na katulad ng Diyos, at itinuring Siya bilang Panginoon ng lahat ng bagay sa langit at lupa. Hindi itinuring ni Job ang Diyos na isang kaaway. Sa halip, sinamba niya Siya bilang ang Maylalang ng lahat ng bagay. Bakit matindi ang paglaban ng mga tao sa Diyos sa panahong ito? Bakit hindi sila matakot sa Diyos? Ang isang dahilan ay dahil lubhang natiwali sila ni Satanas. Sa pamamagitan ng kalikasan ni Satanas na malalim na nakaugat, ang mga tao ay naging kaaway ng Diyos. Kaya, kahit na naniniwala sila sa Diyos at kinikilala nila ang Diyos, maaari pa rin nilang labanan ang Diyos at ilagay ang kanilang sarili na pagsalungat sa Kanya. Ito ay naitakda sa kalikasan ng tao. Ang iba pang dahilan ay bagaman naniniwala ang mga tao sa Diyos, hindi Siya itinuturing bilang Diyos. Sa halip, isinasaalang-alang nila ang Diyos na taliwas sa tao, ibinibilang Siya na kaaway ng tao, at hindi sila makakasundo ng Diyos. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi ba napag-usapan ang bagay na ito sa nakaraang sesyon? Pag-isipan mo ito: Iyan ba ang dahilan? Kahit na mayroon kang kapirasong kaalaman tungkol sa Diyos, ano naman ang kaalaman na ito? Hindi ba ito ang pinag-uusapan ng lahat? Hindi ba ito ang sinabi ng Diyos sa iyo? Alam mo lamang ang mga aspetong teyorya at doktrina; naranasan mo na ba ang tunay na aspeto ng Diyos? Mayroon ka bang mapansariling kaalaman? Mayroon ka bang praktikal na kaalaman at karanasan? Kung hindi sinabi ng Diyos sa iyo, malalaman mo ba ito? Ang kaalaman mo sa mga teyorya ay hindi kumakatawan sa tunay na kaalaman. Sa madaling salita, gaano man kadami ang alam mo at kung paano mo nalaman ito, bago mo natamo ang tunay na pang-unawa sa Diyos, kaaway mo ang Diyos, at bago pa ang aktuwal na ganitong pagtrato mo sa Diyos, pasalungat na Siya sa iyo, sapagka’t ikaw ay isang mismong larawan ni Satanas.

    Kapag kasama mo si Cristo, marahil maaari mo Siyang bigyan ng pagkain ng tatlong beses sa isang araw, marahil bigyan Siya ng tsaa, asikasuhin ang mga pangangailangan Niya sa buhay, parang pagtrato kay Cristo bilang Diyos. Sa tuwing may mangyari, ang mga pananaw ng mga tao ay palaging salungat sa Diyos. Laging hindi nila maunawaan ang pananaw ng Diyos, hindi nila ito matanggap. Kahit sa panlabas ay mukhang nakakasundo ng mga tao ang Diyos, hindi ito nangangahulugan na kaayon sila sa Kanya. Sa sandaling may mangyari, lilitaw ang katotohanan ng pagsuway ng tao, na magpatitibay sa alitan na umiiral sa pagitan ng tao at Diyos. Sa alitang ito hindi ang Diyos ang sumasalungat sa tao; hindi ang Diyos ang may gustong magalit sa tao, at hindi ang Diyos ang naglalagay at tumatrato sa tao nang ganito. Sa halip, ito ay isang kaso ng pasalungat na diwa sa Diyos nakakubli sa pansariling kalooban ng tao, at sa walang-malay na isip ng tao. Dahil itinuturing ng tao ang nagmumula sa Diyos bilang sentro ng kanyang pananaliksik, ang kanyang tugon sa nagmumula sa Diyos at sa nauugnay sa Diyos ay, higit sa lahat, panghuhula, at pagdududa, at agarang pagpatitibay sa isang saloobin na pasalungat at lumalaban sa Diyos. Pagkatapos nito, kukunin ng tao ang mga di-aktibong saloobin na ito at lalabanan o makipagtunggali sa Diyos, hanggang sa punto kung saan pagdududahan niya kung dapat bang sumunod sa ganitong uri ng Diyos. Sa kabila ng katotohanan na sinasabi ng pagkamakatuwiran ng tao na hindi siya dapat magpatuloy nang ganito, pinipili pa rin niyang gawin ito, na magpapatuloy nang walang pag-aatubili hanggang sa katapusan. Halimbawa, ano ang unang reaksyon ng ilang mga tao kapag naririnig nila ang ilang mga bulung-bulungan o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang unang reaksyon nila ay: Hindi ko alam kung ang bulung-bulungan na ito ay totoo o hindi, kung umiiral man ito o hindi, maghihintay lamang ako at magmamatyag. Pagkatapos ay magsisimula silang mag-isip: Walang paraan upang patunayan ito; umiiral kaya ito? Totoo ba ang bulung-bulungan na ito o hindi? Kahit hindi ipinakikita ng taong ito sa lantaran, ang kanilang puso ay nagsimula nang magduda, nagsimula nang ipagkanulo ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong uri ng saloobin, itong uri ng pananaw? Hindi ba ito pagtataksil? Bago sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang pananaw ng taong ito—parang hindi sila sumasalungat sa Diyos, parang hindi nila itinuturing ang Diyos na isang kaaway. Gayunpaman, sa sandaling sila ay nahaharap dito, kaagad silang kumakampi kay Satanas at tumututol sa Diyos. Ano ang iminumungkahi nito? Ipinahihiwatig nito na magkalaban ang tao at ang Diyos! Hindi dahil itinuturing ng Diyos ang tao bilang isang kaaway, kundi ang mismong pinakadiwa ng tao ang salungat sa Diyos. Hindi alintana kung gaano man katagal na sumusunod sa Diyos ang isang tao, kung magkano ang ibinayad nila; hindi alintana kung paano ang mga papuri nila sa Diyos, kung paano nila ilayo ang kanilang sarili mula sa pagsuway sa Diyos, hinihimok pa nila ang kanilang sarili na ibigin ang Diyos, hindi nila kailanman nagawang ituring ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito itinatakda ng diwa ng tao? Kung itinuturing mo Siya bilang Diyos, tunay na naniniwala ka na Siya ay Diyos, maaari ka pa rin bang magkaroon ng anumang pag-aalinlangan sa Kanya? Puwede pa rin bang may anumang mga tandang pananong tungkol sa Kanya sa iyong puso? Wala dapat. Ang daloy ng sanlibutang ito ay napakasama, ang sanlibutang ito ay napakasama—paano na wala kang anumang mga pagkaintindi tungkol sa kanila? Ikaw mismo ay napakasama—paano na wala kang anumang mga pagkaintindi tungkol dito? Ngunit ilang mga alingawngaw lamang, ilang mga paninirang-puri, ay maaaring magdulot ng malalaking mga pagkaintindi tungkol sa Diyos, maaaring magdulot ng maraming mga ideya, na nagpapakita kung gaano kamusmos ang iyong tayog! Ang “paghiging” lamang ng ilang mga lamok, ang ilang nakaiinis na mga langaw, sapat na yan upang malinlang ka? Anong uri ng tao ito? Alam mo ba kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa ganitong uri ng tao? Sa katunayan napakalinaw ang saloobin ng Diyos sa kung paano Niya tratuhin ang mga taong ito. Ipagsasawalang-bahala lamang ng Diyos ang mga taong ito—ang saloobin Niya ay ang hindi pagbibigay-pansin sa kanila, at ang hindi pagseryoso sa mga mangmang na mga taong ito. Bakit ganoon? Dahil sa Kanyang puso hindi Niya kailanman binalak na kamtan ang mga tao na ganap na naging salungat sa Kanya hanggang sa katapusan, at hindi kailanman nagbalak na hanapin ang landas ng pagiging kaayon sa Kanya. Marahil ay nakasakit ang mga salitang Aking inihayag sa ilang mga tao. Payag ba kayo na lagi Ko kayong sinasaktan ng ganito? Hindi alintana kung payag ba kayo o hindi, ang lahat ng mga sinasabi Ko ay katotohanan! Kung palagi Ko kayong sinasaktan ng tulad nito, laging inilalantad ang mga sugat ninyo, nakakaapekto ba ito sa matayog na imahe ng Diyos sa inyong mga puso? (Hindi.) Sumasang-ayon Ako na hindi. Sapagkat wala namang Diyos sa inyong mga puso. Ang matayog na Diyos na nasa inyong mga puso, ang lagi ninyong ipinagtanggol at pinag-iingatan, ay hindi naman Diyos. Sa halip ito ay isang kathang isip ng tao; hindi ito umiiral. Kaya mas mahusay na ilantad Ko ang sagot sa bugtong na ito. Hindi ba ito ang buong katotohanan? Ang tunay na Diyos ay hindi ang nasa mga imahinasyon ng tao. Umaasa Akong matatanggap ninyong lahat ang katotohanan na ito, at makatutulong sa inyong kaalaman sa Diyos.

Ang mga Tao na Hindi Kinikilala ng Diyos

    May ilang mga tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa ibang salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya ang mga taong ito, sapagkat hindi pinupuri ng Diyos ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, gaano man karami ang taon na pagsunod nila sa Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw. Katulad nila ang mga di-mananampalataya, sumusunod sila sa mga di-mananampalataya sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng mga bagay, sumusunod sila sa kanilang mga batas ng kaligtasan at paniniwala. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi sila naniniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang kaligtasan ng Diyos, at hindi nila kailanman kinikilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Itinuturing nilang libangan ang pagsampalataya sa Diyos, itinuturing nila ang Diyos bilang isa lamang na espirituwal na pagkain, kaya hindi nila inisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon ng Diyos at diwa ng Diyos. Maaari mong sabihin na ang lahat na tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito. Hindi sila interesado, at hindi sila maaaring abalahin upang tumugon. Dahil sa kailaliman ng kanilang mga puso ay mayroong isang malakas na tinig na palaging nagsasabi sa kanila: Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi mahipo, at ang Diyos ay hindi umiiral. Naniniwala sila na pagsasayang lamang ng kanilang pagsisikap ang pagsubok na unawain ang ganitong uri ng Diyos; panloloko lamang ito sa kanilang mga sarili. Kinikilala lamang nila ang Diyos sa mga salita, at wala silang anumang tunay na paninindigan. Wala rin silang ginagawang kahit anong mga praktikal na tuntunin, sa pag-iisip na sila ay matatalino. Ano ang pananaw ng Diyos sa mga taong ito? Itinuturing Niya silang mga di-mananampalataya. Tinatanong ng ilang mga tao: “Maaari bang basahin ng mga di-mananampalataya ang salita ng Diyos? Maaari ba nilang gawin ang kanilang tungkulin? Maaari ba nilang sabihin ang mga salitang ito: ‘Ako ay mabubuhay para sa Diyos’?” Ang madalas nakikita ng mga tao ay ang pakunwari na ipinakikita ng mga tao, hindi ang kanilang diwa. Ngunit hindi tumitingin ang Diyos sa pakunwari na mga pagpapakita; nakikita lamang Niya ang kanilang panloob na diwa. Kaya, ang Diyos ay may ganitong uri ng saloobin, ganitong uri ng kahulugan, sa mga taong ito. Tungkol sa sinasabi ng mga taong ito: “Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit ginagawa ng Diyos iyon? Hindi ko maintindihan ito; hindi ko maintindihan iyon; hindi ito alinsunod sa mga kuru-kuro ng tao; kailangan mong ipaliwanag yan sa akin;” ... Ang Aking sagot ay: Kailangan bang ipaliwanag ang bagay na ito sa iyo? May anumang kahalagahan ba ang bagay na ito sa iyo? Sino ka sa tingin mo? Saan ka nanggaling? Kwalipikado ka bang magbigay ng mga payo sa Diyos? Naniniwala ka ba sa Kanya? Kinikilala ba Niya ang iyong paniniwala? Sapagkat walang kinalaman sa Diyos ang iyong paniniwala, anong kinalaman ng Kanyang mga gawain sa iyo? Hindi mo alam kung ano ang katayuan mo sa puso ng Diyos, gayon pa man kwalipikado kang makipag-usap sa Kanya?

Mga Salitang Pagpapayo

    Kumportable pa ba kayo pagkatapos ninyong marinig ang mga pahayag na ito? Kahit na ayaw ninyong makinig sa mga salitang ito, o ayaw ninyong tanggapin ang mga ito, ang lahat ng mga ito ay pawang katotohanan. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay para sa Diyos, kung wala kang pakialam sa mga layunin ng Diyos, wala kang pakialam sa saloobin ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang diwa at disposisyon ng Diyos, sa katapusan ikaw ang matatalo. Huwag mong sisihin ang mga salita Ko na mahirap dinggin, at huwag mong sisihin ang mga ito sa pagliit ng inyong sigasig. Sinasabi Ko ang katotohanan; Hindi Ko ibig pahinain ang inyong loob. Anumang bagay ang hingin Ko sa inyo, at paano man ang paraan ng hinihiling na paggawa ninyo, umaasa Ako na lalakad kayo sa tamang landas, at umaasa Ako na susundin ninyo ang landas ng Diyos at huwag lumihis mula sa landas na ito. Kung hindi ka magpapatuloy nang alinsunod sa salita ng Diyos, at hindi mo susundin ang Kanyang landas, walang duda na ikaw ay nagrerebelde sa Diyos at lumihis sa tamang landas. Kaya sa tingin Ko ay may ilang mga bagay na dapat Kong linawin para sa inyo, upang maniwala kayo ng ganap, malinaw, walang kahit kaunting kawalan ng katiyakan, at tulungan kayo ng ganap na malaman ang saloobin ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos, kung paano pineperpekto ng Diyos ang tao, at sa anong paraan Niyang itinatakda ang mga kalalabasan ng tao. Kung dumating man ang araw kapag hindi mo magawang lumakad sa landas na ito, wala na Akong pananagutan, dahil ang mga salitang ito ay naipahayag na sa iyo ng napakalinaw. Tungkol sa kung paano mo tratuhin ang sarili mong kalalabasan—ang bagay na ito ay ganap na nakasalalay sa iyo. Ang Diyos ay may iba’t ibang mga saloobin tungkol sa mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng mga tao. Mayroon Siyang sariling mga paraan sa pagsukat sa tao, at Sarili Niyang pamantayan ng mga kahilingan. Ang pamantayan Niya sa pagsukat ng tao ay makatarungan sa lahat ng tao—walang duda tungkol dito! Kaya hindi kailangan ang takot ng ilang mga tao. Maginhawa na ba ang pakiramdam mo ngayon? Iyan na muna para sa ngayon. Paalam!

Abril 29, 2014
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)









Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kahanga-hanga na dumating na ang Makapangyarihang Diyos

Anong swerte na makilala ang nagkatawang-taong Diyos. Ang Cristo ng mga huling araw, nagpapakita at gumagawa.